Dating matamis ang ngiti
Sa ngiping sungki at bungi-bungi
Pinukol ng bato imbes ng tinapay
Dating paslit na maliksi
Malikot, madaldal, nakawiwili
Pinatid, tinali, binusalan, tinangay
Ang tamis naging pait
Ang liksi naging sakit
Ang saya naging galit
Ang dating bata tumanda
Ang dating sigla nawala
Ang dating siya nabura
Bakit ba inaagaw ng mundo
Ang mga pagkainosente ng tao
Ang nagtitiwala, niloloko
Minumulat sa hindi dapat
Ninanakaw ang yaman, nagiging salat
Pinasisinungalingan ang tapat
Ang batang walang sigla
Noon ay kumakaripas, kumikislap
Ngayon ay nagmistulang bangkay siya
Na sa ilalim nang hukay mahahagilap
Kaya't tumigil siyang mangarap
Nauutal na kung mangusap
Ang tangi niyang pakiusap
Sa bawat tala sa alapaap
Kunin na sana siya ng kislap
Kunin sa isang iglap
Kunin sa kaniyang pagpikit, pagkurap
Nang ligaya'y muli niyang malasap