Dahil nagmistulang nakaukit lang na linya
Ang bawat titik, simbolo, at letra
Walang wangis, walang hugis
Walang kulay, walang sikhay
Walang dating, walang mararating
Humintong ipinta ang bituing maningning
Dahil tila naging kulay abo at uling
Ang bawat krayola sa dingding
Ang nakaraang may sigla, pumutla
Ang nakaraang may buhay, pumanaw na
Ang nakaraang malinaw, lumabong bigla
Humintong magsalita at makinig
Pagkat wala namang silbi ang tinig
Wari'y walang laman, walang dirinig
Walang kakampi, walang papanig
Matinding panglaw bumusal sa bibig
Nilisan na yaring puso ng pag-ibig
Sa pagtawid, gustong mabangga
Pero tumitingin pa rin sa kanan at kaliwa
Kahit ang luntian ay maging pula
Hindi hihinto ang pagluha't pagdurusa
Pagkat pinanganak akong kakambal
Kadugtong yaring pangamba
Bakit kapag ang biro ay inulit
Ang pagtawa ay pinipilit
Ngunit kung ang sakít ay bumalik
Ang tangis sa pisngi muling hahalik
Umiikot ba ang sanlibutan
O ako lang ang tumigil kaya't naiwan?
Wala nang malapitan, mapagsumbungan
Nag-iisa kahit napapalibutan naman
Bakit ang kalooban ay namanhid?
Kinalyo ba ang puso, laman, at litid?
Sa dinarami-rami ng nararamdaman
Ngayo'y wala nang pakiramdam
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento