Ipinapakita ang mga post na may etiketa na JUAN. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na JUAN. Ipakita ang lahat ng mga post

SALISI (2025)

 Ikaw sa LRT Ako sa MRT Tayo’y nagkasalisi… Sa Cubao

Kahit sandali

Aba matindi

Hindi ka na mawala

Sa isip ko tumatak na


Paano bibitawan

‘Di naman nahawakan

Kahit saglit, kahit pinilit

Wala talaga


'DI NA LUMINGON (2025)

nasilayan ang mukha

pamilyar sa mata

ang sulyap naging titig

hanggang itigil ko na

kaya 'di ko na kinumpirma

kung ikaw ba talaga

kung sino ang kasama

kung ako'y nakita ba

tumingin lang, 'di na lumingon

kahit sumulpot ka pa dito at doon

nawawala na ang noon sa ngayon

tumahimik na ang mga bulong

lumawala ang mga nakakulong

dahil iniisip ko na lang

nasa kabilang buhay ka na

para wala nang umaaligid na multo

nabubura na ang pangalan sa lapida

naghihintay ka na siguro sa purgatoryo

pumipila sa bantay na si san pedro

habang ako lumalakad papalayo

ako na ang dumidistansiya

dahil tanggap ko na

walang ikaw at ako

paalam na


ps

nakita ko kasi siya. pamilyar 'yung salamin. 'yung boses. 'yung t-shirt. kaya in-overtake-an ko siya. 'di na ako lumingon. niyakap ko na lang ang hawak kong plastic envelope. huminga. naglakad papalayo. actually, magpapapirma sa chairperson. 

huling tula na rin para sa kaniya. paalam.

MAKUKULAY NA PANGITAIN (2025)

 dumadalaw ka sa panaginip

sumasagi sa isip pag naiinip

nagugunita mo pa rin ba ako?

o ako ay isang alaalang nanlalabo


nagkita tayong muli sa lupain

ng makukulay na pangitain

doon mo pinagtapat sa'kin

ang iyong damdamin ay inamin


ngunit ako rin ay nagising

natanggal ang aking piring

saka ang mata'y dumilat

nakita ko ang katotohanang lahat


'di mo naman talaga ako gusto

dahil kung may nadarama ka

walang makapipigil sa iyo

na ako ay sabihan ng mahal kita


PS:

napaniginipan ko kasi si juan. sa panaginip ko, nag-chat kami. tapos bigla siyang nagsabi na gusto niya raw ako. tapos mine-make-sure ko mine-make-sure ko ala andrea brillantes na totoo ba 'to or panaginip lang. hanggang sa magising ako... tapos chineck ko 'yung phone ko. wala naman siyang chat sa'kin. well to be fair iniisip ko naman siya kasi dumadaan ako araw-araw sa gateway e nagpost siya na andon siya. so inisip ko siya HAHAHAHA.

ALAM MONG SASAGOT AKO (2025)

'Di ako tatawag sa'yo

Pero pag tumunog ang telepono

Alam mong sasagot ako

Mas mabilis pa sa alas kwatro


'Di muna kita mamahalin

'Di rin naman kita lilimutin

Hahayaan ko muna ang oras

Na lumayo, tumakbo, at lumipas


'Di ako magpaparamdam

'Di rin makikialam

Pero alam mong andito lang ako

Naghihintay lagi para sa'yo

BAKA 'DI LANG TALAGA TAYONG DALAWA (2025)

Ewan, kailangan ba may dahilan?

'Di ko alam, meron bang kahulugan?

Baka 'di lang talaga tayong dalawa

Kasi mas gusto mo siya

Pero gusto pa rin kita

Kaya sana hayaan mo na lang

Dahil 'di magiging buo, magiging kulang

Kung wala ka, kung hindi ikaw

Kung hindi ako minsang naligaw

Hindi ko mahahanap ang sarili

Na sa akin ay walang mali

Dahil baka hindi lang talaga tayong dalawa

Pinilit ko man, pinagkalat ko man

Kahit umiiwas ang pagmamahalan

Marami mang magbago

Ngunit ito ang sigurado

Palagi kang naririto

Sa loob ng aking puso

Kahit hindi ako ang laman ng sa iyo

SIYAM NA BUHAY (2025)

Kahit magkarooon siyam na buhay

Ikaw pa rin ang pag-ibig na tunay

Pipiliin pa rin kita kahit ako'y mamatay 

Kahit ikaw ay sa tabi niya hihimlay


Kung sa siyam na buhay ay magpapakatanga ako

Sana sa ikasampu ay matauhan ang diwa ng tao

Mag-ibang landas, kumaliwa at kumanan

Matuto nang piliin ang sariling kasiyahan 


Ngunit paano kung ang kasiyahan ko'y ikaw?

Siguro ay magpapakain na lang ako sa halimaw

Marahil doon ay malaman kong ako ay hilaw

Hindi pa handang umibig kaya't ito pumanaw

'DI MAN NASAGOT ANG HILING (2025)

 'di man naging tayo

pinagpapasalamat ko

nakilala ko ang sarili

nagbalik akong muli

 sa pagsasatitik ng simangot at ngiti


'di man nasagot ang hiling

dahil mata mo ay may piring

nagpapasalamat pa rin

ikaw ang nagbigay tamis

sa tuwing buhay ay nangangasim


kahit na 'di nagdugtong-dugtong

ang aking pagsusumamo at mga bulong

kahit papaano ay may natulong

ang ikaw sa pagtahimik ng mga daluyong

na kaya ko nang mag-isa, walang takot na susuong

BYE BYE BYE NA SA'YO BABY (2025)

 'di naman siya busy

'di niya ko type, gano'n ka easy

kaya 'di ka mapipili

ewan ko sa'yo, baby


kakahintay sa'yo, pupulakatin

akala ko suswertihin

'yun pala mamalasin

bakit 'di na lang kasi ako ang mahalin


'di naman talaga siya busy

kung mahal niya sobrang easy

pero pag sa'kin naging lazy

bye bye bye na sa'yo baby


'di ka naman para sa'kin

masyado lang akong assuming

'di naman sa'kin tumitingin

sayang naman all this loving

BIBITAWAN KO NA (2025)

 bibitawan ko na

kahit 'di mo naman hinawakan

lilimutin ko na

kahit saglit na kwentuhan


ayaw ko nang umasa

kasi siya naman talaga simula pa

pinipigilan ko na

kahit ang puso ay tinutuloy pa


'di naman na bago 'to

ikaw na nga ang pangatlo

pero bakit humahapdi

ang pusong 'di pinili

KELOIDAL HEART (2025)

 I don't think you like me

I think it's just out of pity

Maybe we should stop this 

But I want to see you again please!


It's me and my keloidal heart

It's forming again a thick raised scar

We never started, we never part

All is fair in love and in war

KOMPLIKADO (2025)

Kapag tumibok ang puso

Nagiging komplikado

Hanggang mahulog nang buo

Sobrang delikado


Tinawag na lahat ng santo

'Di pa rin desidido

Lagi pang tumatakbo't lumalayo

Kaya mas nagiging komplikado


May pag-asa bang totoo

Bakit nakakalito

Ang kwentong komplikado

Hanggang ganito ba hanggang dulo?


Sana maayos mo

Para 'di maging komplikado

Kahit piliin mo'y 'di ako

Ayos lang, sarili ay unahin mo


PS

Bakit ka nagdeactivate??? I hope you're okay and hindi ito tungkol sa akin. Pero kung tungkol sa akin ayos lang kahit 'di mo ko piliin. Piliin mo sarili mo!

KABUTE (2025)

 Mawawala ka na lang at babalik

Magsasalita tapos 'di iimik

Lilitaw at lulubog ang lintik

Dati ka bang kabuteng may saltik


Eto naman ako laging naghihintay

Dito na yata ako mamamatay

Isang kanta, isang ngiti, mabubuhay

Para kang kabuteng umaahon sa hukay


Hanggang sa 'di na kita iniisip

Kaya't dinadalaw mo na ako sa paniginip

Andito lang naman ako pag ika'y nainip

Ikaw ang kabuteng nagtatago't sumisilip

ANINO (2025)

Nawala na ang aking anino

Sumusunod na pala sa iyo

Minsan masyado 'yang pilyo

Madalas namang nagpapakatotoo


Ang kakambal kong kadiliman

Walang sumusunod, walang sinusundan

Lumalabas lang pag naarawan

Nawawala naman kinagabihan


'Yan na nga lang ang meron ako

Napunta at napunta pa rin sa iyo 

Pwede mo bang ibalik ang aking anino

Dahil ngayon nag-iisa na lang ako

WALANG UMIIMIK (2025)

Walang umiimik

Paligid ay tahimik

 Lalamuna'y may tinik

'Di rin makatitig


Dumadalaw ka

Sa aking diwa

Hindi nagsasalita

Lumalayo ka na ba?


Ang labo-labo mo kasi

Pati sa panaginip, 'di mapakali

Ano ba talaga ang sinasabi?

Lagi na lang ba ako iintindi?


PS: Napaniginipan ko siya nagsimba raw ako tapos andon siya nag-pi-piano. Nagkatitigan kami tapos ayun na. First time ko siya napaniginipan. 

HINDI MO NAMAN AKO KAILANGANG MAHALIN (2025)

Hindi mo naman ako kailangang mahalin

Ang nadarama mo'y 'di naman kailangang sabihin

Hindi rin naman kita kukulitin at pipilitin

Ang tanging hiling sana'y hayaan ako sa aking lihim na pagtingin


Hindi naman natin tatakbuhin nang matulin

Kahit na hindi ako ang iyong piliin

Huwag na huwag mo lang sana akong lituhin

Hihiling na lang ako sa buwan at bituin


Sa aking buhay, kung saan man ako dalhin

Sa aking loob-loob, sana ay sa iyo pa rin

Kung hindi man, laman ka pa rin ng panalangin

Ang iyong kaligayahan sana ay kaniyang dinggin

KUNG HINDI TAYO PWEDE SA BUHAY NA 'TO (2025)

Kung hindi tayo pwede sa buhay na 'to

Baka sa susunod pa tayong habangbuhay

Hanapin mo na lang ulit ang ikaw at ako

Para ang kwento natin malagyan ng kulay


Pag ako ay babae na at ikaw nama'y lalaki

O kaya ako ang lalaki at ikaw ang babae

Pwede rin namang pareho tayo ng kasarian

Dahil ang magmahal ay hindi kasalanan


Hindi naman natin maisisik ang sarili

Kung parehas nating hindi pinipili

Ang magmahal sa gitna ng pangyayari

Sa tadhana na lang ba natin isisisi?

BULALAKAW (2025)

Sa kalangitan may kumikislap, kumikinang na bulalakaw

Sinusundan ng tingin hanggang sa hindi na matanaw

Hinahanap kung saan bumagsak doon lang pala sa Cubao

At ang aking natagpuan at napagmasdan, walang iba kundi ikaw


Kahit minsan akong nawala, minsang nanaghoy, minsang naligaw

Sa madilim at mapanglaw na gabi, ikaw ang nagsindi ng ilaw

Mas maliwanag, mas matingkad, mas mainit pa sa araw

Ikaw ang biglang dumating sa kalangitan ko ang nag-iisang bulalakaw 


Ako ang bumulusok at nagpatihulog nang ikaw ay biglaang lumitaw

Gaya ng gumuguhit sa malawakang kalawakang bulalakaw

Ang pusong pihikan ay tumibok, ang puso ay kusang binigay sa magnanakaw

Humiling sa buwan, bituin, at bulalakaw na ang malabo'y unti-unting luminaw

PAANO BA AKO MANGHUHULA? (2025)

Paano ba ako manghuhula

Kung ano ang 'yong nadarama

Tao, Lugar, Hayop, Pagkain, o Bagay ba?

Ano ba talaga ang kategorya?

Kung 'di ka sigurado latkatawan muna

Babalikan na lang natin pag may oras pa


'Di mo naman kailangan maging Henyo

Para malaman nilalaman ng puso

May kutob at pandama naman ako

'Di ako manhid na katulad mo

Na basta-basta na lang lumalayo

Parang hindi ikaw ang nagbigay-motibo


Napapagod na akong manghula

Nauubos na pag-iisip kung meron ba

Kasagutan sa bawat katanungan

Kasiguraduhan ba o kalituhan

Sagutin mo naman ako kung oo o hindi

Para 'di nanlalabo ang aking pag-intindi

VERTIGO (2025)

Magpaparamdam ka

Ta's bigla na lang mawawala

Magpapahiwatig pa

Ta's ako nama'y umaasa


Para kang vertigo

Pinapaikot mo ang aking mundo

Kaya ako'y nahihilo

Nalilito kung ano ba tayo?


Hanggang tuluyang magsawa

Maglalaho sa isang kisapmata

Ano pa ba ang aking magagawa?

Baka ito talaga ang tinadhana


Paano ba gagaling pa

Ang vertigo kong malubha na

Pero ako'y nasanay na

Sa pagpapaikot mo sa tuwina


Sa bla bla bla bla

Sa malabo ay okay na

Sa wala wala wala

Sanay na sanay na


HINDI NAMAN KASI DAPAT AKO NALILITO (2025)

Siguro nga lumalayo ka na

Nabalot ka na ng pangamba

Alam kong ako ay kakaiba

Ngunit wala namang mali sa'kin, 'di ba?


Tinangay ka na siguro ng hangin

Kasabay ng aking mga dalangin

Dapat siguro hindi na lang umamin

Para kahit papano natatanaw ka pa rin


Susulyap na lang ako sa malayo

Sa paglubog ng araw ng ating mundo

Hindi naman kasi dapat ako nalilito

Hindi ba malinaw na wala namang tayo


TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...