Noong isang araw nanaginip ako. Nakaupo raw ako sa may gilid ng pintuan ng aming classroom. At ang mga kaklase ko ay pawang nagkukumpulan. Ako'y nakatutok lamang sa aking cellphone. Pa-scroll-scroll lang sa news feed ko sa Facebook. Hanggang sa may 'di ako nagustuhang post at binash ko roon ang nasa post. Napalakas yata ang pagkakasabi ko kaya't may narinig akong tumawa. Pagkatingin ko sa aking harapan ay nandoon 'yung crush ko. Nakatingin sa 'kin at nakangising tumatawa. At nang mapansin ko siya ay nag-iba siya ng tingin at tumikhim nang mahina. Doon na natapos ang panaginip ko dahil nagising na 'ko .
Sa tuwing naiisip ko 'yung panaginip ko napapangiti ako mag-isa. Napaniginipan ko rin siya dati, siguro mga ilang buwan na rin ang nakakalipas. Nasa field trip naman kami dito. Sa aking pagkakatanda ay kami ay ginrupo. At kami ng crush ko ay magkasama sa isang grupo. Ang pinapagawa sa 'min ay bumuo ng jingle na kakantahin at sasayawin namin sa harap mamaya. Bilang ako ang bibo sa grupo ay ako na ang umastang lider ng aming pangkat. Nag-isip ako ng mga steps at ng magandang lyrics na swak dito. Nang itinuturo ko na ang mga steps sa kanila ay nakita ko siyang ngumingisi at tumatawa mag-isa. Natatawa siya sa pagtuturo ko ng sayaw. At pagkatapos niyon ay nagising ulit ako.
Ngayong isinusulat ko na ang mga ito napansin ko na sa parehong panaginip ko'y natatawa siya sa 'kin. Samantala, noong kami'y nagpa-practice para sa play namin sa teatro ay 'di siya umiimik o kumikibo sa t'wing natatawa sa 'kin ang mga ka-teatro ko pati na si Maestro. Nakakapagtaka lang.
'Di bat kabaliktaran daw minsan ang ipinapahiwatig ng ating mga panaginip. May nagsasabi rin na pag napaniginipan natin ang isang tao ay iniisip tayo nito. May nabasa rin ako sa libro na kapag madalas nating iniisip ang isang tao ay napupunta ito sa ating panaginip. Bagama't walang pag-aaral na nakapagsabi ng totoong dahilan ng "panaginip."
Sa konteksto ng bibliya ay ginamit ang panaginip upang ipahiwatig ng Diyos ang nais niyang sabihin sa tao. Tulad ni Jose at ng kaniyang mga panaginip, ginamit ng Diyos ang mga panaginip na ito para iparating kay Jose ang mangyayaring tagtuyot sa Egipto. At panaginip rin ang ginawang intrumento ng Diyos para sabihin kay Jose na ang kaniyang mapapangasawa na si Maria ang nagdadalang-tao lalang ng Espiritu Santo.
Dahil dito ay nakabuo ako ng isang tulang tanaga na may pamagat na "Panaginip."
PANAGINIP (2021)
Tapos na ang bakasyon
Pero ang ‘yong pantalon
At t-shirt mong Looney Toon
Dito pa rin ‘ggang ngayon
Iyon na lang ang natira
Sa ating alaala
Ikaw nga ay wala
Tinding pangungulila
Sa isip nakasinsel
Pangalan mong Samuel
Pisngi kong pinipisil
Dimples mong nanggigigil
Laman ka ng gunita
Mula nang mawala ka
Naglahong parang bula
Iniwan ‘kong nag-iisa
At ang laruan mong Thor
Doon sa ‘king tukador
Tago ang ‘yong letter
Sa akin naming drawer
Ang dahila’y di alam
‘Dahil ‘di
nagpaalam
Dumalaw ka sa pag-idlip
Sa aking panaginip
Pero hanggang kailan –
– ka mapapaniginipan
Gusto ka na mahagkan
Ikaw na’y sasamahan
Do’n sa huling hantungan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento