DUMMY ACCOUNT (2021)

PART I: MARCH 6, 2019   

    Ika-anim ng Marso, sa aming classroom nakasalampak kami sa sahig ng aking mga kaibigan at kumakain ng aming lunch. 'Di na kami umakyat papuntang canteen dahil huling linggo na rin naman namin sa room na iyon dahil patapos na ang school year. Hawak ko ang aking kutsara at tinidor at ang baunan ko'y nasa sahig. Bigla nabanggit ng kaibigan ko ang kinuwento sa kaniya ng aking crush na itago natin sa pangalang "Andrew" na tungkol sa kanila ng kaniyang jowa o ex ('di ko sure, 'di ko na rin inalam). Sinabi niya kung paano nagkakilala 'yung dalawa, paano nagka-develop-an, at ang kanilang current status na "it's complicated ata." Habang nakikinig ako sa kaniya parang nadudurog 'yung puso ko. Ang sakit. Pero 'di ko na lang pinahalata sa kanila 'yon.

    Pagkauwi ko sa bahay, parang blangko ang isip ko at wala namang maramdaman ang puso ko. Tila namanhid na. Paikot-ikot ako sa kama na nag-iisip. Plano ko na rin kasing mag-move-on kay Andrew. Ilang beses ko na ring sinabi 'yan pero wala , sa huli ay crush ko pa rin siya. Biglang pumasok sa isip ko na gumawa ng "dummy account" sa Twitter dahil doon siya mas active at na-hold 'yung dati kong account. Bumangon ako at kinuha ang cellphone ko. Binuksan ang browser at pumunta sa Twitter. Dahil sa bagal ng internet paulit-ulit akong nagsa-sign-in. Kaya't sa pangatlo, pang-apat na subok ko ay naisipan kong humungi na ng tulong sa kaibigan ko. Sabi ko sa kaniya, "Gawan mo nga ko Twitter account. Ako magbibigay ng email." Sa una ay 'di siya pumayag pero nagmakaawa ako sa kaniya. Tumimo rin sa kaniyang mahabaging puso ang pagsusumamo ko. At nang magawa niya na ang account nilagyan ko ng username na: Kaklase Mo at ng handle na: @ampalayamomapaitt. Pagtapos ay sinearch ko na ang pangalan niya at nagsend ng direct message o dm sa kaniya. Nakalagay sa dm na: "Hi, kaklase mo ko, may gusto lang akong itanong. Kung pwede lang naman." Nag-tweet din ako na: "May itatanong lang sana sa 'yo." Pagkatapos ay bumaba ako para kumain.

    Pagkabalik ko sa kwarto ay kinuha ko ang aking cellphone at tinignan kung nagreply na siya. Nagreply na nga siya at sabi niya, "Momo ikaw ba 'yan? Ano po kailangan n'yo sa 'kin? Wala po akong pera." Pagkabasa ko niyon natawa ako bigla. Kaya ko 'to naging crush kasi ang daming baong joke. Bentang-benta sa 'kin 'yung tinype niya . Tinanggi ko na hindi ako si Momo at hindi rin ako mangungutang. Sinabi ko na, "Magtatanong nga lang ako. Kasi may crush ako sa room, tatanong ko lang sana kung aamin ako o hindi." Sumagot naman siya ng, "Sino ka muna? Baka 'di kita kaklase." Hinanapan pa nga ako ng ebidensiya. Buti na lang nakita ko na nagsend siya ng screenshot ng dummy account ko at ng message ko sa kaniya sa group chat namin na 'di kasali 'yung adviser namin. Kaya 'yun 'yung sinabi kong patunay para maniwala siya. Dinagdag ko pa ang sinabi niya na "Bakit di na lang siya chinat sa Facebook." Naniwala na siya na kaklase niya nga ko sabay tanong ng "Bakit ako?" 

    Napakamot ako ng ulo dahil 'di ko inaasahang magtatanong siya ng ganon. Kaya nagmatigas ako at tinype ko na,"'Yung tanong ko muna." 'Di rin siya nagpatalo. Nagdagdag pa siya ng tanong, "Bakit 'di si Gab?"(Si Gab ang bestfriend niya at ang mayor ng aming section)."Akin muna, "reply niya na may kasamang nakadilang emoji. Sinagot ko na ang tanong niya ng,"Kasi tahimik ka lang kasi ih. 'Yung tanong ko naman." "Ang ingay ko nga e," tanggi naman niya sabay tanong ng "Asaan na tanong mo? Matutulong na 'ko bala ka." 'Di ko alam kung di niya napansin na nasend ko na 'yung tanong kanina o nang-aasar lang siya. Sinagot ko naman siya ng, "Ang aga matulog ha. Kasi ganto 'yan may crush kasi ako sa classroom, tatanong ko lang sana kung aamin ba ako o hindi?"

    Nagreply siya makalipas ang ilang minuto at sabi, "Sino ba crush mo?" Gusto ko sana i-type na "Ikaw. Ikaw ang crush ko." Kaso gusto ko pang pahabain ang aming pag-uusap at gusto ko pag aamin ako ay personal. At ang na-send ko sa kaniya ay, "Wala na tulog na ko" Pagtapos ay bumaba na 'ko para sa hapunan. 

    Pagkakain ko ay dali-dali kong tinignan ang phone ko. Pagkabukas ko ng messages ang bumungad sa 'kin ay, "Pffft okay. 'WAG KA NA UMAMIN. MASASAKTAN KA LANG 'DI KA MAHAL NON. 'YAN ANG KATOTOHANAN. DAPAT MALUNGKOT LAHAT. WALANG HAPPY ENDING. MAMAMATAY LANG DIN TAYONG LAHAT!!!" Nagulat ako at natawa kasi ang dami niyang nireply. Natakot din ako kasi sa school 'di naman siya palaaway. Kaya't ang reply ko sa kaniya, "Grabe. Kumain lang. ALAM KO NAMAN 'YON E." "Sorry kung nagulo kita," habol ko. Sumagot siya agad ng, "Magpakilala ka ****. 'Di na ko natutuwa. Pwede naman kasing sa pm na lang, gagawa ka pa ng account diyan." Nagulantang ang buong nervous system ko. Grabe. Nag-sorry na lang ako at sinabing ide-deactivate ang account ko sabay sabi ng salamat. 

    Pagbukas ko ng group chat ng section namin nandoon siya at nagkainitan yata sila ng kaklase kong basagulero. Siguro ay nadala lang siya masyado ng galit niya mula sa away nila kaya napag-initan ako. Tinanong ko siya sa chat, ""Wag kayo mag-away. Okay ka lang ba?" Parang kakasabi ko lang kanina na 'di ko na siya guguluhin ha. Nagka-amnesia ata ako. Sabi niya, "'Di ako okay." At ang sabi naman ng inyong amnesia girl, "Anong pwede kong gawin para makatulong?" Charity worker ka ba girl? At sinabihan na kami na matulog na at may pasok pa bukas. Kaya't nahiga na ako't natulog.

PART II: MARCH 7, 2019

    Kinabukasan, ikapito ng Marso. Naglalakad ako sa aming corridor sa school papasok sa aming classroom. Sumasayaw-sayaw, kumekendeng-kendeng, at umiikot-ikot muna ako bago buksan ang pinto. Pagpasok ko sa room ay nandoon na ang mga kaklase ko. Tumabi ako sa kaibigan kong si Czyd na siyang tumulong sa 'kin sa paggawa ng dummy account. Umupo ako at di namin pinag-usapan 'yung kalokohan ko. Bigla namang sumigaw si Andrew ng, "Sino 'yung dummy account ha?" Nagkatinginan kami ni Czyd at pinipigilang tumawa. Ako naman ay mukhang binuhusan ng malamig na tubig. Gulat na gulat ako non dahil wala pang nakakaalam na iba ng ginawa kong dummy account liban kay Czyd.
     
    May isasagawa ring play ang club nila noong araw na iyon. Kaya ang isa kong kaibigan ay inaaya akong manood at 'yung crush ko raw ang magbibigay ng ticket sa akin. Kaya umasa naman ako na magbibigay siya ng ticket. Pero sa huli sabi niya sa kaibigan ko na ubos na raw pala. Naghintay pa naman kami saka plano ko rin dati na sumali sa teatro 'di lang malakas loob ko. Kaya't sumakay na 'ko ng jeep.

    Umuwi na 'ko at tinignan ang cellphone ko. Pagtingin ko roon nagreply pala siya kagabi at ang sabi, "Pag-pray mo kay God na sana lahat may happy ending." Ni-reply-an ko naman siya ng "Sige!" "Pwede ba magkwento sa 'yo?" 'Di ko na ita-type ang kadramahan na sinabi ko dahil 'di naman niya pinansin. Ang napansin niya ay 'yung "Ayaw ko na guluhin ang crush ko parang masaya na siya e. Saka masaya naman na 'ko na masaya siya." "Sino ba crush mo?" Ang walang kamatayang tanong na sino nga ba ang crush ko. Nag-isip na naman ako kung paano lulusutan ang tanong na iyan dahil ayaw ko magsinungaling at ayaw ko rin mabuking. 

    Ang naisagot ko sa kaniya ay, " Ikaw muna." Nagulat ako dahil tinype niya talaga pangalan ng crush niya at 'yun din 'yung nakita ko dating kasama niyang naglalakad palabas noong Valentines Day. Aray! 'Di na sila naawa sa harapan ko pa talaga. Naiwan ko na naman siya kasi kumain na naman ako nang pagkatagal-tagal.

    At sa pagbalik ko, nakita ko ang messages niya na, "Sorry nga pala sa sinabi ko kagabi. 'Di ko sinasadyang sabihin 'yon HAHA. Natapat lang sa away namin ni Chan kaya nasabi ko 'yon :((( Umamin ka kung ano nagpapasaya sa 'yo gawin mo." Nakakakilig 'tong part na 'to. 'Di ko talaga inaasahan na mag-so-sorry siya kasi may kasalanan din naman ako. At tinype ko, " Okay lang :)))" 

    Nag-isip na naman ako ng topic para buhayin ang chat namin. Isip, isip, isip. At ang pumasok sa isip ko ay kung magpapakilala ba 'ko sa kaniya. Kaya 'yon ang nai-chat ko. Sinabi ko rin na, "Basta walang tao saka 'wag mo na lang sabihin kung sino ako sa iba." Sumang-ayon naman siya at sabing sa room na lang. "Nakakahiya. Sinigaw mo kung sino ako tas bigla akong aamin," tanggi ko. "Oks lang. Lapit ka  lang," reply niya. Kaya't nagtanong ulit ako, "Sino ba sa tingin mo? Kinakabahan ako." "Aba ewan ko. 41 tayo sa klase. 'Wag ka kabahan," tugon niya. "Paano ako lalapit lagi kang may katabi. Edi nalaman din niya," tanong ko na para bang sinasabi ko na magtakda na lang kasi tayo ng meeting place. "Si Gab lang naman katabi ko e. Babe ko naman 'yon," sagot niya sa 'kin. 

    "Bahala na. Kinakabahan talaga ako. Kamusta play niyo kanina? Sayang 'di ako nakanood," pag-iiba ko ng topic. "Okay lang," sabi niya. "Tulungan mo 'ko umamin," hiling ko sa kaniya. Ang nireply niya naman ay, "Ha? WDYM? Ikaw ba si Justin Bieber ha? 'Wag mo 'kong ginagamitan ng "What do you mean" mo, biro lang. "Tips," paliwanag ko. "IDK. Be yourself?" mungkahi naman niya (pero 'di yata siya sigurado). At natulog na naman ako ng maaga.

PART III: MARCH 8, 2019

    Farewell Party na namin sa school kaya halos lahat maaga pumasok. Kalat-kalat kami nung umaga kasi alas-otso pa naman magsisimula 'yung program. Nakaupo ako sa upuan ko kinakabahan nang bongga. Dinala ko rin ang aking cellphone kaya't nakapag-selfie at vlog kami ng mga kaibigan ko.  Sa totoo lang, nangangatog na 'ko sa saborang kaba. Palingon-lingon ako sa direksyon kung saan siya nakaupo at pakiramdam ko'y hinhintay niya talagang lumapit ako. Halos 'di ako mapakali sa upuan ko kaya't dinaldal ko nang dinaldal ang mga kaibigan ko. Nag-picture-picture din ako sa room na ang background ay dyaryo. Para mabaling sa iba ang atensyon ko. 

    Nung umaga pala nag-walk out 'yung adviser namin kasi parang wala kaming plano mag-farewell. Kaya ang mga officers namin ang siyang nag-supervise ng program na gagawin namin at ng mga powerpoint na ipe-present. Kami naman ng mga kaibigan ko ay gusto lumabas at maggala sa napakalaki naming school. Charot, sa gilid ng library at sa gym lang kami nagpunta. At ayon tinawag na rin kami sa room kasi simula na raw ng program namin para sa farewell. 

    Pagpasok namin sinabihan kami na itago muna ang mga cellphone. Pero dahil makulit ako nakalabas ko pa rin ang aking cellphone at nag-video. At doo'y gumilid kaming lahat, pinatay ang ilaw, at naglagay ng upuan sa gitna. Nagsalita na ang aming mayor na si Gab at doon na nagsimula ang heart-to-heart talks ng aming section. Nakatingin ako kay Andrew at lumipat na siya ng pwesto. Gusto ko sanang mag-volunteer na magsalita kaso 'di ako napili. Kung napili sana ako ay gagamitin ko na ang pagkakataong 'yon na umamin. Umamin na ako 'yung dummy account saka na crush ko siya. 

    Naiiyak halos lahat kasi sobrang daming alaala ang nabuo namin at kaibigan na aming nakilala. Ika nga nila memorable nga ang panahong nasa high school tayo. At habang umiiyak kami naisipan kong magselfie na maga ang mata. Sumali rin ang mga kaibigan kong si Ara, Bianca, Czyd, Czar, Danicha, at Rizzi sa selfie.

    Pagkatapos ng iyakan ay nag-present na ng PowerPoint. Nakalagay doon ang mga highlights ng school year namin, mga memorable moments, at ang mga baby pictures namin. Nagtawanan ang lahat sa bawat litratong lumalabas sa screen. Lahat kami ngayo'y nasa gitna na at nasa pinakaharap si Andrew. Nakatitig lang ako sa kaniya. Ewan ko bakit sobrang gwapo niya sa paningin ko ngayon. Siguro kasi next school year ko na uli siya makikita o ang cute niya lang kasi suot niya ang maroon niyang jacket. Pagtapos ng lahat ng kaganapan ay picture-taking na. Sobrang lakas na ng kabog ng puso ko kasi plano ko na talaga umamin. Alam na rin ng mga kaibigan ko na aamin ako ngayong farewell. Ngayon ko lang din nasabi sa kanila. Habang abala silang kumukuha ng kaniya-kaniyang mga litrato kay Ma'am ay tumetiyempo lang ako na mag-isa siya at lalalpit na ko't aamin. 

    Nag-picture din kaming magkakaibigan kasama rin ang aming adviser. Pero bakas sa aking mukha ang kaba dahil ayaw ko palampasin ang pagkakataong ito. Nang makita ko siya nakatayo mag-isa at nagse-cellphone 'di na 'ko nagpatumpik-tumpik pa. Nilapitan ko na siya nang nakayuko ako't nanginginig. Nakatingin pa rin siya sa kaniyang cellphone nang ako'y nasa harapan na niya. "A-ako 'yung du-dummy a-account," ang nasabi ko at tumakbo ako't yumakap sa mga kaibigan ko. Sinabi ko rin sa kanila ang ginawa kong kapangahasan. At doon na silang nagsimulang sumigaw na para bang pinipilit akong umamin pa. Dahil nga ang nasabi ko lang ay tungkol sa dummy account. "Umamin ka na Geomari. Aalis na siya oh," sigaw nila. Si Andrew na may ay akmang lalabas na pero si Ara ay hinarang siya sa pinto at nagsalita, "Hoy, sabihin mo na!" "Excuse me, " bulong naman ni Andrew. Tila nagpapatintero silang dalawa. Samantalang nanginginig lang ako sa kaba, panghihinayang, at kilig. Umurong din ang dila ko kaya't di ako nakapagsalita. Tumigil nang saglit ang mundo at para bang wala akong marinig at nakatingin lang ako sa sahig.

    Pagtapos niyon ay nakalabas rin siya. Nangangatog pa rin ako. At ang mga kaibigan ko nama'y tawa nang tawa. Grabe ang lakas ng loob ko para gawin 'yon. Niyakap ko ang aking mga kaibigan dahil nagiging clingy talaga ko pag kinakabahan. At ayon sinabi ko kay Adie 'yung nangyari kasi 'di namin siya kaklase ngayong Grade 9. At ayon napagpasiyahan na naming lahat na umuwi.

    Pagkauwi ko sa bahay ay nagpadala agad ako ng message kay Andrew na ang nakalagay ay, "SORRY!!!" Sinara ko agad ang cellphone ko pagka-send niyon. Nakaupo ako sa gilid ng aming double-deck na nakaharap sa pader. Doo'y nagmuni-muni ako ng mga bagay-bagay tulad ng "glow-up" ko para kunwari manghinayang siya at kung paano pa ako mag-i-improve bilang tao. Para akong dumaan sa rejection. Rejection na 'di ko inaasahan. Sa dinami-dami ba naman ng na-imagine kong paraan kung paano niya ko ire-reject ay 'yun pang 'di niya 'ko pinansin. Na-imagine ko na mag-e-explain siya. 'Yung isa ko namang na-imagine ay parang nagpasalamat siya. Parang punong-puno 'yung puso ko at gustong sumabog at sabihin ang masamang mga words. 

    Bandang alas-otso ay napagdesisyonan ko na buksan ang aking cellphone. Bumugad sa 'kin ang messages niya na, "Uy, okay lang. Na-appreciate ko naman." Ay nako, gumulong ako sa sahig sa sobrang tuwa at kilig. Grabe, 'di ko 'to inaasahan. Saka 'di ko naman sinabing crush ko siya ha. Anong na-appreciate niya? 'Yung dummy account? Charot. Siguro na-gets naman niya na siya 'yung crush na tinutukoy ko. "Bakit 'di mo 'ko pinansin? :(" tanong ko naman sa kaniya. "Namomroblema kasi ako non, " sagot niya. Sumagot naman ako ng, "Okay lang. Salamat talaga! Sana maging masaya ka!" Ang cheesy naman. Nag-reply naman siya ng, "Salamat! Ikaw rin!" At tinapos ko ang chat namin sa dummy account ko sa pagse-send ng smiley face. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...