Bakit ba mahirap sabihin ang mahal kita?
Habang nakaharap, nakatingin sa'yong mga mata
Iniibig kang tunay ng puso at ng kaluluwa
Ngunit ang aking bibig ay hindi maibuka
Ibubulong ko na lang ba sa hangin
Isusulat ko na lang siguro sa buhangin
Ang mga hindi ko mabigkas na mga salita
Para sa iyo ang pagmamahal kong sobra-sobra
Bakit ba ang hirap sabihin ng mahal kita?
Wala naman akong pag-aalinlangan o pagtataka
Hiling ko sana makita mo ang iyong kinang at halaga
Kasi sa aking paningin, sa aking damdamin, ito'y kitang-kita
Sana'y masabi ko bago magpantay ang mga paa
Nang pagsisisi ay 'di ko pasanin pa
Pagsamo ko'y maabot ka sana ng aking mga tula
Para malaman mo kung gaano kita kamahal, sinta
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento