Kung ang ginintuang boses ay ikukubli
Paano ito makakagawa ng bahaghari
Paano ang inspirasyon ay magsisindi
Sa mga kandilang malapit na mapundi
Kung ang mga kwento ay itatago
Paano ito magpapangaral sa walang tuto
Paano ito makahahaplos ng mga puso
Sa mga sabik na mahandugan ng saklolo
Kung ang musika ay 'di tutugtugin
Paano diringgin ang mga panalangin
Paano sasayaw, Paano lilibangin
Ang taong 'di maamin ang damdamin
Kung ang sining mo'y walang kulay
Paano ito magbibigay-sigla sa buhay
Paano ito mabibigyang hustisya at saysay
Sa mga taong nahihimlay na sa hukay
Kung ang lakas ay iyong isasantabi
Paano dadaloy ang dugong likas sa hari
Paano sisigla ang mga braso't binti
Ng mga atletang dala ang dangal ng ating lahi
Kung ang ganda ay iyong itatanggi
Paano na ang hangaring makapagsisilbi
Paano na ang tagos-pusong talumpati
Sa mga mayuyumi't natatanging binibini
Kaya't pangarap mo'y abutin
Malayo man at imposimbleng kamtin
Maniwala ka't iyong sungkitin
Ang mga nagniningning na mga bituin