MAKUKULAY NA PANGITAIN (2025)

 dumadalaw ka sa panaginip

sumasagi sa isip pag naiinip

nagugunita mo pa rin ba ako?

o ako ay isang alaalang nanlalabo


nagkita tayong muli sa lupain

ng makukulay na pangitain

doon mo pinagtapat sa'kin

ang iyong damdamin ay inamin


ngunit ako rin ay nagising

natanggal ang aking piring

saka ang mata'y dumilat

nakita ko ang katotohanang lahat


'di mo naman talaga ako gusto

dahil kung may nadarama ka

walang makapipigil sa iyo

na ako ay sabihan ng mahal kita


PS:

napaniginipan ko kasi si juan. sa panaginip ko, nag-chat kami. tapos bigla siyang nagsabi na gusto niya raw ako. tapos mine-make-sure ko mine-make-sure ko ala andrea brillantes na totoo ba 'to or panaginip lang. hanggang sa magising ako... tapos chineck ko 'yung phone ko. wala naman siyang chat sa'kin. well to be fair iniisip ko naman siya kasi dumadaan ako araw-araw sa gateway e nagpost siya na andon siya. so inisip ko siya HAHAHAHA.

IMPYERNO'T LANGIT (2025)

 naglalagablab ang sindi ng damdamin

bagaman niyayapos ng malamig na hangin

nakaluhod, nagsusumamo, nananalangin

kahit 'di sumobra basta't 'wag kulangin


tatangapin ang maganda't pangit

susuungin ang impyerno't langit

maging ang buhay at sa kamatayang bingit

gayundin ang pag-alala at pagkawaglit


kung ang bawat segundo'y lilimusin

bubuksan ang palad at ito'y hihingin

kahit mga sentimo'y bibilangin

ako ay mapalad kahit kawawain

TAHIMIK (2025)

tahimik akong lumabas

walang imik na tumakas

sa langit nagsusumbong

sa aking paghikbi bumubulong


 sukatan ba ng lakas

ang boses na sumisigaw

pamantayan ba ng tikas

ang ingay na umaalingawngaw


kung kikibuin ko ang tadhana

lalaruin ba ako nito nang madaya

dahil ultimo kaluskos ng aking paa

hindi maririnig ng inyong tainga

PUTING WATAWAT (2025)

'di makapagpasalamat

dahil lumalayo lagi ang agwat

'di pa naghihilom ang lamat

itataas na ba ang puting watawat


punasan na ang luha't

isang bahagharing hudyat

ang kasunod nitong kagyat

kayamanan ng isang salat

PITO-PITO (2025)

pito-pito

umuulang walang tigil

unos sa isang linggo

mananalasa at kikitil


pito-pito

lunes hanggang linggo

luluha ang kaulapan

babaha sa bundok at kapatagan


pito-pito

sampal sa mga politiko

binubulsa bawat sentimo

sa mga proyektong dapat sa pilipino


pito-pito

paalala ng inang kalikasan

huwag dungisan ang mundo

bagkus ito'y linisin, sinupin, at ingatan


pito-pito

umiinog ang uniberso

hindi lang sa'kin at sa'yo

sa lahat ng nilikha, tao man o bato


pito-pito

ilang milyon at ilang libo

ang pagbabagong 'di totoo

yinuyurak ang 'di pa nabubuo


pito-pito

lumubog man sa tatlo

manghina man sa pangwalo

sampung bahaghari naman ang sasalubong sa dulo

TINUTULAK KO LAHAT PAPALAYO (2025)

tinutulak ko lahat papalayo

dahil kasalukuyang naghihingalo

humihingi ng malaking espasyo

para mapag-isa, para maglaho


pero hindi naman pwede huminto

walang pahinga sa isang linggo

hindi na ako makikipagtalo

dahil alam ko namang 'di mananalo


puso man ay sumisikdo-sikdo

'di makakita ng kakampi dito

kaya wala namang kinikibo

pagkat sila ay mayroong sariling mundo

MANHID (2025)

luha'y 'di na pinapahid 

pagkat sa dagat ng tangis sumisisid

kahit ako ay mapatid

mabali man mga braso't litid

hindi na ito masakit

pagkat ang sarili'y namanhid


tiyan ko man ay mamilipit

ang mukha ay walang bahid

ng kahit anumang pananakit

pagkat ang ako ay manhid

wala nang mararamdamang pait


kung sa hinaharap na ako

sana ay tinatalikuran mo

ang lahat ng mga pighati

mga sigaw na nakabibingi

para kung mayroon ka ng pandama

pamamanhid mo ay unti-unting mawala

GITLING-GITLING (2025)

 Mukhang laging seryoso

Animo'y may namumuong bagyo

Laging nagsasalubong ang kilay

Ang tingin ay nakamamatay


Kaya't sa papel gumuhit ng gitling-gitling

Habang ang puso sa baha inanod

Kahit sa puso ay may hiling-hiling

Sa ilog ng tangis unti-unting nalulunod


Para naglalakad na sama ng panahon

May makulimlim na ulap sa ulo

Kahit anong oras pwedeng bumuhos

Ang isang nakapipinsalang unos


Kaya't gumuhit ulit ng gitling-gitling

Meron bang aasahang araw sa susunod

Sa puso'y umuukit ng mga hiling-hiling

Kung wala 'to, baka ako ay nasa puntod

PRANING (2025)

 'di naman kasi ako malambing

siguro pag medyo lalasing-lasing

pero andito lang naman ako sa'yong piling

sana'y manatili ka kahit ako ay kay tililing


umoo ang puso kahit ang ulo'y umiiling

ikaw ay diretso, ako ay may konting paling

sa sugat ng puso, ikaw ba ang magpapagaling

sa paghihintay sa pag-ibig, ikaw ba ang darating


sana kahit ako ay madalas na napapraning

minsan tatahimik, minsan gigiling-giling

ikaw lang naman ang nag-iisang gumising

sa damdaming matagal nang nahihimbing

NAWAWALANG ID (2025)

 nahulog ko, 'di ko alam kung nasaan

pag-uwi ko, 'di ko na matagpuan

ang nawawala kong ID

nawala ko rin ba ang aking sarili?


ang mukha kong nakangiti

ang pangalang nakatitik

dahil lang sa pagmamadali 

ang ID 'di ko na nauwi 


kinakausap ko ang sarili

saan ba ako nagkamali

kung mahahanap ko bang muli

o magpaparaya na lang sa huli


kung magpapagawa ako ng bago

magiging magkaiba o magkapareho

masisilayan kong muli ang ngiti

sana 'di na mawala sa'king labi


sa nawawala kong ID

mag-iingat kang parati

'di man kita kasama ngayon

iniisip kita sa lahat ng pagkakataon


kahit masakit mawala 

kinikimkim pagwawala

wala na akong magagawa

ibubulong nalang sa bawat paghinga

NAHIHIRAPAN KA DAHIL IKAW AY NAGMAMAHAL (2025)

nahirapan ka dahil ikaw ay nagmahal

bunga ng pagpatak ng pawis

ang puso ay hiningal sa pagkapagal

handog ng sa buhay na ibinuwis


'di mo maibibigay ang wala ka

kaya't pagmamahal mo'y labis-labis

sa magdamagan, sa ulan, sa initan

lahat-lahat ay laging tinitiis

GATILYO (2025)

pindutin mo na ang gatilyo

ikasa mo na ang baril

itutok mo sa aking ulo

walang pero, ngunit, o marahil


bubulusok na ang bala

sa bungo ko tatama

hahandusay kapagdaka

dadanak ang dugo sa kalsada


ganoon ba kadali pumatay

tila bentsingko ang buhay

walang kwenta, walang saysay

ganiyan ba kapag lantay?

MAGNANAKAW NA MAY PATALIM (2025)

hithitin mo na ang yosi

ibuga ang usok sa hangin

painitin ang bagang unti-unti

huwag mong tigilan, iyong sunugin


nakakasulasok na polusyon

nahihirapang huminga nang malalim

pag may problema, ito bang solusyon

parang magnanakaw na may patalim


isang hithit pa ng marlboro

samahan mo na rin ng max na pula

hintayin natin maging abo

ang dati-rating masigla

BABALA SA NASIRANG UGNAYAN

 huwag sanang umakyat at pumasok

dahil bagyo wala kang imbitasyon

'wag mo kami lunurin hanggang sa tuktok

isang panalangin, isang inkantasyon


huwag sasampa ang tubig sa daan

huwag susumpa na limasin ang daan-daan

huwag tutumba ang mga sinisilungan

huwag tatama sa mga walang tahanan


hanging habagat, bagyo, malakas na ulan

nakaluhod ang mga nasa lansangan

kalikasan na ang kumukuwestiyon

isang babala sa nasirang ugnayan, relasyon

DUDUWAG-DUWAG (2025)

 gulatin mo man ako

ngunit 'di ako sisigaw

do'n sa loob namumuo

ang mas nakatatakot na alingangaw


tumaas man ang balahibo

hinding-hindi mamumutla

pagkat ang kinatatakutan ko

nakikitang lagi ng aking mga mata


ang isang duduwag-duwag 

napangunahan ng pangamba

ngunit 'di nalalaman, 'di nahahayag

ang sindak ay sa puso't isip na nakatira

KASALANANG 'DI NAKASULAT (2025)

 sa mundong milya-milya ang agwat

bawat panig ay salu-salungat

ang kumurap sa pagkamulat

isang kasalanang 'di nakasulat


tahakin man ang masukal na gubat

languyin man ang maalong dagat

tanawin man ang araw na sisikat

dungis ang pagpikit kapag dumilat


tone-tonelada ang binubuhat

patong-patong ang sinusulat

kagimbal-gimbal ang mga ulat

bawal isara ang talukap kapag namulat

NAKAKATULOG NGA BANG TALAGA? (2025)

mas malambot pa ang semento

kaysa sa kamang may kutsyong bago

mas niyayakap pa ng bangungot

kaysa ng maginhawang kumot


nakakatulog nga bang talaga?

o pinipikit lang ang mga mata

binibilang isa-isa ang mga tala

mas mauuna pa yatang dalawin ng lungkot kaysa pahinga


humuhuni ng awitin, humehele

sa bote ng alak, dumedede

sa buhay kong baryang piso-piso

saan aabutin ang pangarap kong bente

ALAM MONG SASAGOT AKO (2025)

'Di ako tatawag sa'yo

Pero pag tumunog ang telepono

Alam mong sasagot ako

Mas mabilis pa sa alas kwatro


'Di muna kita mamahalin

'Di rin naman kita lilimutin

Hahayaan ko muna ang oras

Na lumayo, tumakbo, at lumipas


'Di ako magpaparamdam

'Di rin makikialam

Pero alam mong andito lang ako

Naghihintay lagi para sa'yo

ADIKSYON (2025)

sa mga ipinagbabawal nalululong
kaya't dumarami ang bumubulong
meron pang mga sigaw at alulong
pero sa loob-loob, humihingi ng tulong

hindi naman masamang sumugal pero ang tiyan ang umatungal
at ito ang pagkain naging sagabal
huwag kang maghintay si kamatayan dumatal

ang balahibo'y magsimulang magtayuan
'di ka ba kinakabahan, kinikilabutan
kung ang walang sustansyang kagamutan
ang gagawing almusal, tanghalian, hapunan

sa paglalakbay na maraming daluyong
kung ikaw ay maanod at malulong
at ang pagkabuhay at pagkamatay ay magdugtong
huwag mo sanang hukayin ang lupang paglalagyan ng iyong kabaong

BAKA 'DI LANG TALAGA TAYONG DALAWA (2025)

Ewan, kailangan ba may dahilan?

'Di ko alam, meron bang kahulugan?

Baka 'di lang talaga tayong dalawa

Kasi mas gusto mo siya

Pero gusto pa rin kita

Kaya sana hayaan mo na lang

Dahil 'di magiging buo, magiging kulang

Kung wala ka, kung hindi ikaw

Kung hindi ako minsang naligaw

Hindi ko mahahanap ang sarili

Na sa akin ay walang mali

Dahil baka hindi lang talaga tayong dalawa

Pinilit ko man, pinagkalat ko man

Kahit umiiwas ang pagmamahalan

Marami mang magbago

Ngunit ito ang sigurado

Palagi kang naririto

Sa loob ng aking puso

Kahit hindi ako ang laman ng sa iyo

SUMISIGAW NGUNIT WALANG BOSES NA MARIRINIG (2025)

Sumisigaw ngunit walang boses na maririnig

Nauuhaw na subalit walang matagpuang tubig

Sumasayaw sa isip kahit sa gilid ng pader nakasandig

Umaayaw sa lahat pero hinahanap-hanap ang pag-ibig

Pag-ibig na hindi nagwawangis ng matinding pag-uusig


Sumisigaw ngunit walang boses na maririnig

Dahil ang mga taong inalisan na ng pandinig

Utos ng malulupit at walang pusong manlulupig

Naglalakad nang matagal ngunit lumalayo sa pag-ibig

Pag-ibig na maihahalintulad sa halamang sapat sa araw at dilig

BALIW (2025)

 nasisiraan ng ulo

ang tao ay nababaliw

naaalog ang wisyo

umiindak sa maling saliw


biglang hahagalpak ng tawa

iihip ang masamang hangin

biglang hahandusay ng pagluha

tatalunin pa ang matarik na bangin


magsasalitang walang hinto

pipitik ang sintindo

mawawalang gana isang iglap

'di na makikipag-usap 


nagmumukmok sa pag-iisa

pag sinamahan tinutulak

ang kaloob-looba'y kinukutya

sarili rin ang sa sarili'y yumuyurak


mahirap daw unawain

kaya't siya ay 'di iniintindi

laging papaikutin at babaluktutin

maging ang natitirang pagkatino sa sarili


tinatalian pag utak ay tumitino

siya na ang mismong lumalayo 

para ang iba ay hindi na maging delikado

dahil alam niyang siya ay taong komplikado

SIYAM NA BUHAY (2025)

Kahit magkarooon siyam na buhay

Ikaw pa rin ang pag-ibig na tunay

Pipiliin pa rin kita kahit ako'y mamatay 

Kahit ikaw ay sa tabi niya hihimlay


Kung sa siyam na buhay ay magpapakatanga ako

Sana sa ikasampu ay matauhan ang diwa ng tao

Mag-ibang landas, kumaliwa at kumanan

Matuto nang piliin ang sariling kasiyahan 


Ngunit paano kung ang kasiyahan ko'y ikaw?

Siguro ay magpapakain na lang ako sa halimaw

Marahil doon ay malaman kong ako ay hilaw

Hindi pa handang umibig kaya't ito pumanaw

DATING KULANG AY MAGIGING BUO (2025)

kung ika'y ikakasal

 sa taong iyong minamahal

at hindi ako 'yon

darating din ang panahon

na ako naman ay iibigin

hindi man sa buhay na ito

marahil ay sa susunod ako ang pipiliin

at ang dating kulang ay magiging buo


ngunit ngayon ako muna

ang tutugtog ng malumanay na himno

para pusong pinagbuklod ng tadhana

umaawit ang dalawang puso

itatago muna ang hapdi

sa isang malawak na ngiti

dahil masaya naman akong tunay

sa inyong pagsasamang panghabambuhay


at kung dumating man ang oras

na ako naman ang sasabuyan ng mga rosas

sana'y matanaw ang ako na sawi

at masumpungan niya rin ako

dahil ang pagdurugo ng puso'y di palagi

sana'y hindi muna siya bumitaw at sumuko

pagkat darating din ang paghawi ng kulimlim sa langit

at yayakap rin ang sa araw na maliwanag at may 'di nakapapasong init

'DI MAN NASAGOT ANG HILING (2025)

 'di man naging tayo

pinagpapasalamat ko

nakilala ko ang sarili

nagbalik akong muli

 sa pagsasatitik ng simangot at ngiti


'di man nasagot ang hiling

dahil mata mo ay may piring

nagpapasalamat pa rin

ikaw ang nagbigay tamis

sa tuwing buhay ay nangangasim


kahit na 'di nagdugtong-dugtong

ang aking pagsusumamo at mga bulong

kahit papaano ay may natulong

ang ikaw sa pagtahimik ng mga daluyong

na kaya ko nang mag-isa, walang takot na susuong

ANG TANGI KONG PAGSISISI (2025)

 ang tangi kong pagsisisi

ay 'di ka trinato nang mabuti

kung maibabalik ko

mas magiging mabait sa'yo


kung mababasa mo man ito

siguro ay wala na ako

o kung 'di mo nabasa

siguro'y sasambitin ko na lang sa iyong lapida


sana ay mas ngumiti

sana ay pagsusungit ay tinipid

sana ay mas naging batang munti

na sa iyo ay laging lumalapit


sana pagbigyan pa ng panahon

gumawa ng alaalang baon

sa pagtanda, at kung kumupas ang alaalala

ikaw ang pangalang tatawagin sa pagwawala

NANANALANGIN SA GETSEMANI (2025)

 Nakaluhod sa Getsemani

Sa kalis ng pagkaubos

Nanalanging mabingi

Sa maiingay na batikos


Sa malaking pukol ng bato

Ang dugo ay animo'y pawis

Sinusunog na parang ginto

Ang buhay ang siyang binubuwis


Ang pasyong nakatakda

Siya bang magaganap?

Mababago pa ba ang tadhana

Usal ko sa alapaap

PINIPIGAAN PA ANG SUGAT NG KALAMANSI (2025)

Inaalmusal ko ang sandaang pagtanggi

Tinatanghalian ang salitang mahahapdi

Hinahapunan naman ang mga pang-aapi

Pinipigaan pa ang sugat ng kalamansi


Kaya kung akala mo ay kaya mo ako?

Na saktan, ikaw ay nagkakamali

Dahil ang puso ko ay nakasemento

Kahit anong palaso at espada, 'di mababali


Minemeryenda ko ang paglumpo ng binti

Iniinom ko ang pawis sa init na matindi

Nilalakad ko ang uling na may sindi

Pinapakinggan ko ang kantang nakakarindi


Kaya kung akala mo ay kaya mo ako?

Na patayin, ikaw ay nagkakamali

Dahil ang nakalibing na ang puso

'Di tatalab ang kahit anong sakit at pighati

SINO ANG GUMAWA SA AMING BAKLA? (2025)

 Kung gawa ng Diyos ay babae't lalaki lang

Sino ang gumawa sa aming bakla?

Putok ba kami sa buho na mga nilalang

O tumubong halaman sa gitna ng wala


Ang mga tuwid lamang ba ang minamahal

Kaya't kaming "baluktot" ay pinagbabawal

Sinasabak pa ang magigiting na kawal

Para makipagdigmaan sa mga hangal


Gusto kong malaman ang katotohanan

Kung ang amin bang buhay ay kasalanan

Kung gayon, 'di sana niluwal sa sanlibutan

Hinagis na lang sa apoy na walang hanggan

PAG ANG PUSO'Y TUMAMLAY (2025)

 Pag ang katawan napagod

Pinapahinga, tinutulog

Pag ang puso'y tumamlay

Saan ito hihimlay?

PINANGANAK NA KAKAMBAL ANG HINAGPIS (2025)

 Pinanganak na kakambal ang hinagpis

Lumilikha ng dagat bawat pagtangis

Hinihiwalay tulad ng tubig sa langis

Sa daang tuwid palaging lumilihis


Nagugulo, natatakot, nagtitiis

Habang dumaraan sa paglilitis

Ngunit ang nag-iisang sumamo't nais

Tanggapin ang panglaw na kabigkis


Sinumpa man ng walang hanggang hapis

Itaboy sana ito ng sanlibong mga kwitis

Dalisayin nang dalisayin ng dungis

Mawalang bisa ang mantsa sa wangis

PAG-IBIG NA MAY KONDISYON (2025)

 Pagmamahal bang maituturing...

Kung ang pag-ibig ay may kondisyon

Natutulog nang gising na gising

Para manlimos ng aruga't atensyon


Kung tatalikuran ang sarili

Ang maging totoo ba'y magsinungaling

Kung kakalabanin, sino ang kakampi?

Magiging mag-isa, walang kapiling


Hinilamos at pinaligo ang mga luha

Hanggang sa mapreskuhan at mahimbing

Ang nananamlay bang munting pag-asa

Maaantay pa kaya ang pagdating? 

NIYAYAKAP NA AKO NG DILIM (2025)

 Pinalitan na ng buwan ang araw

Pinatay na rin ang ilaw 

Niyayakap na ako ng dilim

Luluha na akong palihim


Pinikit na ang mga mata

Hinipan na rin ang kandila

Niyayapos na ako ng dilim

Mailalabas na ang kinikimkim


Binaon nasa lupa ang buto

Sinunog na at naging abo

Binabalot na ako ng dilim

'Di niyo na ako maaabot sa ilalim

LUMULUBOG NA ANG BARKO (2025)

 Lumulubog na ang barko

Pero 'di na ako humingi ng saklolo

Iniipon na lang ang hininga

Sakaling mawalan ng malay bigla


Ang kapitan naman nasa salbabida

Lumalangoy sa dalampasigan ang punta

Samantalang ako ay unti-unting nilalamig

Ang puso ay humihina na ang pagpintig


Sa karagatan tuluyang nagpaiwan

Ang mga bangka ako'y nalimutan

Mahirap talagang iligtas

Ang taong sana'y maiwan pag wakas

BYE BYE BYE NA SA'YO BABY (2025)

 'di naman siya busy

'di niya ko type, gano'n ka easy

kaya 'di ka mapipili

ewan ko sa'yo, baby


kakahintay sa'yo, pupulakatin

akala ko suswertihin

'yun pala mamalasin

bakit 'di na lang kasi ako ang mahalin


'di naman talaga siya busy

kung mahal niya sobrang easy

pero pag sa'kin naging lazy

bye bye bye na sa'yo baby


'di ka naman para sa'kin

masyado lang akong assuming

'di naman sa'kin tumitingin

sayang naman all this loving

BIBITAWAN KO NA (2025)

 bibitawan ko na

kahit 'di mo naman hinawakan

lilimutin ko na

kahit saglit na kwentuhan


ayaw ko nang umasa

kasi siya naman talaga simula pa

pinipigilan ko na

kahit ang puso ay tinutuloy pa


'di naman na bago 'to

ikaw na nga ang pangatlo

pero bakit humahapdi

ang pusong 'di pinili

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...