PITO-PITO (2025)

pito-pito

umuulang walang tigil

unos sa isang linggo

mananalasa at kikitil


pito-pito

lunes hanggang linggo

luluha ang kaulapan

babaha sa bundok at kapatagan


pito-pito

sampal sa mga politiko

binubulsa bawat sentimo

sa mga proyektong dapat sa pilipino


pito-pito

paalala ng inang kalikasan

huwag dungisan ang mundo

bagkus ito'y linisin, sinupin, at ingatan


pito-pito

umiinog ang uniberso

hindi lang sa'kin at sa'yo

sa lahat ng nilikha, tao man o bato


pito-pito

ilang milyon at ilang libo

ang pagbabagong 'di totoo

yinuyurak ang 'di pa nabubuo


pito-pito

lumubog man sa tatlo

manghina man sa pangwalo

sampung bahaghari naman ang sasalubong sa dulo

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...