HATINGGABI (2023)

Sa paglubog ng haring araw

Kumalat ang dilim sa paligid

Ang liwanag ay unti-unting pumanaw

Sa loob ng aking munting silid


Sa pagsapit ng hatinggabi

Nahati rin ang ngiti at simangot

Tinago ang tunay na sarili

Gising akong binabangungot


Nagniningning kapiling ang bituin

Kausap ang sarili sa salamin

Sa bukangliwayway ay tutunghayan

Nangungulilang araw sa ulap na nagdaraan




VULCANIZING SHOP (2023)

Sabi nga ng isang pilosopo na si Rufa Mae Quinto,

“Ang buhay ay parang gulong.

Minsan nasa itaas.

Minsan nasa ibaba.

Minsan nasa Vulcanizing Shop.”


MINSAN NASA ITAAS

“Ang mga maituturing na bulaklak ng ating kabataan

Dadalhin at babaunin hanggang sa kamatayan.”

 

Minsan ikaw ay nasa itaas na…

 Ang buhay ay masaya

Ang panahong walang problema

Kapiling ang kaibigan at pamilya

Kapiling ang taong mahahalaga

 

Mga pagkakataong pinagsaluhan

Ang tagumpay na pinaghirapan

Mga taong pinagkakatiwalaan

Mga alaalang babalik-balikan


MINSAN NASA IBABA

“Ang mga taong nagbibigay sa atin ng lugod,

Ang siya ring magbibigay sa atin ng lungkot.”

 

Minsan ikaw ay nasa ibaba na puno ng…

Mga mapapait na kasawian

Mga taong nang-iwan

Mga sandali ng kapanglawan

Mga alaalang kinakalimutan

 

Ang oras na patuloy sa pagtakbo

Habang ako’y sugatan at naghihingalo

Ang humagupit na malakas na bagyo

Ang mga aral na sa akin ay nagpayuko

 

MINSAN NASA VULCANIZING SHOP

“Ang mga aral na bunga ng araw na sumikat sa pinagtamnan

Ang mga aral na bunga ng ulang pumatak sa halamanan

Sa aking buhay ay lagi’t lagi kong pakatatandaan.”

 

Nawalan man ng inspirasyon

Ang agos ay hindi sumasang-ayon

Hindi pa huli ang panahon

Para huminga at maghanap muli ng direksyon

 

Minsan ikaw ay nasa vulcanizing shop

Hindi ka nalayo sa iyong pangarap

Huminto ka lamang para lumanghap

Ng sariwang hangin habang nakatingin sa alapaap

PAGSUSURI SA ANG LIPUNANG FILIPINO: ISANG PAGLILIMI UKOL SA MODERNISASYON AT GLOBALISASYON NI RANDOLF S. DAVID (2022)

 

PAGDALUMAT SA PAMAGAT

 

“ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi ukol sa Modernisasyon at Globalisasyon”

 

PAGPAPAKAHULUGAN NG MGA TERMINOLOHIYA:

 

·         Lipunan – Ang salitang lipunan ay hango sa ugat nitong “lipon” na ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Diskyonaryo ay nangangahulagang katipunan ng mga bagay, tao, at iba pa. Sa madaling sabi, ang lipunan ay sambayanan o mga taong naninirahan sa parehong lugar

 

·         Filipino – kadalasang pumapatungkol sa wika, ngunit ginagamit din para tukuyin ang mamamayan ng bansang Pilipinas

 

 

·         Paglilimi – Ayon sa KWF Diskyonaryo ang limi (salitang ugat) ay nangangahulugang pagsusuri at pag-iisip sa anumang bagay o pangyayari.

 

·         Modernisasyon - – Ayon pa rin sa KWF Diskyonaryo, ang kahulugan nito ay pagiging makabago.

 

 

·         Globalisayon – Sa tala ng KWF Diksyonaryo, ang globalisasyon ay paraan ng pamumuhay at pananaw na nakaugnay sa buong mundo.

 

Samakatuwid, ang kahulugan ng pamagat ay ang pagsusuri sa sambayanan ng mga Filipinong may halos pare-parehong karanasan sa pagbabago ng kaisipan at ang pagsabay nito sa buong mundo. Mahihinuha na ito ay nakasandig sa agham-panlipunan partikular na sa Sosyolohiya na larangang sumusuri sa lipunan upang lubos itong maunawaan para makapagbahagi ng suhestiyong makakapagpabago dito.

 

KALIGIRAN NG MAY-AKDA

 

Picture

 

RANDOLF S. DAVID

 

Siya ay Sosyologo, Kolumnista, Mamamahayag,Television Host, Propesor Emeritus ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, at miyembro ng board of advisor of ABS-CBN Corporation.

 

He is a Sociologist, Columnist, Journalist, Television Host, Professor Emeritus of Sociology in University of the Philippines, and member of board of advisor of advisor of ABS-CBN Corporation.

 

Nagtapos siya ng Bachelor of Arts degree, major in Sociology sa University of the Philippines.

 

Siya ang sumulat ng “ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi ukol sa Modernisasyon at Globalisasyon” na binasa sa Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang

Filipino [International Congress on Philippine Studies],

Agosto 2-4, 2017, National Museum, Manila)

 

NILALAMAN NG ARTIKULO: MGA PUNTONG TINALAKAY

 

·         KAHALAGAN NG SOSYOLOHIYA

·         Ang sanghay ng agham panlipunan na Sosyolohiya na naglalayong pag-aralan ang lipunan para matukoy ang tamang pagbabago dito.

 

·         Wika ay mahalagang kasangkapan sa proseso ng demokratisasyon.

 

·         GLOBALISASYON AT MODERNISASYON

 

·         Globalisasyon paglulunsad ng bagong plataporma ng komunikasyon ang social media.  Ngunit hindi makasabay ang ating pamahalaan sa pagbuo ng mga batas. Pati na rin ang mga kinagisnang institusyon ay hindi makasabay sa bilis ng mga pagbabagong ito.

 

·         Modernisasyon ay bunsod ng globalisasyon. Ito ay isang uri ng lipunan na may katangiang pagbubukod o differentiation of function.

 

ü  Ayon sa sulatin ni Randolf S. David ang halimbawa na “kung dati ay lahi, angkan o pamilya, o uring kinabibilangan, o kasarian, ang pangunahing gabay sa komunikasyon—sa modernong lipunan, ang mga ganitong katangian ay unti-unting nawawalan ng halaga.” May panibagong takdang midyum ng komunikasyon para mabisang maisagawa ang trabaho.

 

ü  Ayon pa rin sa may-akda na “Ang proseso ng unti-unting pagbubukod o differentiation ng iba’t-ibang larangang ito sa lipunan ay higit marahil mapapansin sa panahon ng transisyon—kung saan ito’y nagbubunga ng kalituhan na malimit humantong sa away.”

 

 

    TRADISYONAL VS MODERNONG LIPUNAN

 

§  Awtoritaryanismo o kamay na bakal noong Panahon ng Diktadurya ni Marcos. Martial Law.

 

ü  Isang bahagi ng kasaysayan na dapat huwag natin kalimutan.

ü  Hindi dapat sinasakal ng gobyerno ang mamamayan lalo na sa isang bansang demokratiko. Bagaman ang kalapit nating bansa tulad ng Tsina, South Korea, Singapore at Vietnam ay umunlad sa pagpapatupad ng kamay na bakal ng kanilang lider ay hindi pwedeng kopyahin

ü  Dapat parehong pinapahalagahan pa rin ang human rights at civil liberties kasabay ng pagpapaunlad ng ekonomiya at “social harmony”.

ü  Walang shortcut sa problema ng isang bansa kaya mahalaga ang siyentipikong pagsusuri sa lipunan lalo na sa pulitikal na programa ng pagbabago.

 

§  Kapitalismo

 

ü  Nanatili pa rin ang tagisan sa uring panlipunan. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema ng kahirapan matapos ang mapayapang protesta sa EDSA para bumagsak ang diktador.

ü  Lumang sistema pa rin ang namamalakad sa bansa kaya buhay pa rin ang lumang problema.

ü  Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagsimula sa konsepto ni Marcos noong 1974. Tatlong dekada na ay nandito pa rin at ginawang sandalan ng ekonomiya ng pamahalaan. Dalawang bilyong dolyar ang ipinapadala ng mga OFW bawat buwan kaya’t gustuhin man natin kumawala sa pang-aalipin ay hindi natin kaya dahil umaasa rito ang bawat institusyon ng lipunan gaya ng bangko at iba pang kumpanya.

 

§  Paghahalo ng tradisyunal na relasyon at modernong pananagutan sa Mamasapano 2015 sa ilalim ni Pangulong Aquino

ü  Paghahalo ng personal na relasyon at propesyunal na pananagutan Ni Pangulong Aquino na isinalang ang kaibigang suspendido na hepe para sa Oplan Exodus. Nagkabulilyaso ang chain of command dahil dito.

§  Pangulong Duterte: isang matingkad na produkto ng lumang lipunan at kultura

§  Ang politikong Pamlya Parojinog na pinahuli dahil sindikato ng droga ayon kay Pangulong Duterte

§  Pagpapahuli sa kritikong si Sen. Lelia de Lima kahit wala pang hatol na napatunayang may sala

§  Paglilibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani kahit maraming tutol rito.

§  Ang solusyon sa problema sa droga na pagpatay sa mga “adik” sa droga na halos lahat ay mga mahihirap

 

·         SOLUSYON

 

·         Ayon kay Randolf S. David, “Sa tradisyunal na lipunan, ang tugon ng mga nasa kapangyarihan sa kahirapan ay gawin silang mga alila at mga kapanalig na pinaasa sa iniaabot na biyaya. Sa isang modernong lipunan, ang sagot sa kahirapan ay hindi simpleng pagbibigay biyaya—bagkus pagbibigay ng kakayahan at oportunidad sa lahat, upang sila’y makatakas sa iba’t ibang anyo ng pagka-alila. Sa pamamagitan ng pagbibigay libre o abot-kayang edukasyon, suporta sa kabuhayan, kalusugan, at pabahay, inaako ng isang modernong pamahalaan at komunidad ang pag-aangat sa katayuan ng bawat mamamayan, bilang batayang pananagutan ng pambansang pamunuan, at hindi bilang kapalit ng isang personal na obligasyon.”

 

·         Masinop at palagiang pagtanaw at pagtatanong sa sarili o Reflexivity at panlipunang pagsusuri bilang instrumento ng panlipunang reflexivity. Dapat na suriin sabi nga ni Randolf S. David ang lipunan mula sa loob at labas nito, at iulat sa nakararami ang napag-aalaman—kung paano tayo nabubuhay bilang isang lipunan, kung paano tayo nagpapasya, at kung paano nagbabago ang ating mga pinahahalagahan (values) sa paglipas ng panahon

 

·         Sabi nga ni Marx: “Politicians and revolutionaries of every generation have tried to change the world in various ways. The point however is to understand what is happening to this world.”

 

 

KONKLUSYON: MENSAHENG NAIS IPARATING

 

·         Ang mga lumang problema na kamangmangan, kahirapan, at katiwalian ay nakaugat sa kawalan ng matatag na pambansang liderato, ng isang pambansang bisyon na nananatiling buhay sa kabila ng pagpapalit ng mga pinuno, at ng matibay na pambansang mithiin at plano na hindi binabago para mapagbigyan lang ang nakaupo.

 

·         Ito ay nakaugat sa kawalan ng pagpapahalaga sa pag-aaral ng agham panlipunan, o ang Sosyolohiya. Matutukoy natin ang pinagmulan ng suliranin sa ating lipunan kung susuriin natin ang bawat pangyayari sa ating kasaysayan, ekonomiya, politika, at lalo na sa lipunan kung saan maaring makabuo ng makabago at pangmatagalang solusyon sa luma at tradisyonal ng problema sa ating bayan.

 

 

SANGGUNIAN

https://www.prrm.org/prof-randy-s-david.html

https://kwfdiksiyonaryo.ph/

WORK IN PROGRESS (2022)

Who am I?

I am a work in progress

I am never too much, I am never not enough


I am in my endless pursuit

Searching for my place in this vast world

Searching for my worth in this tiny heart


I may be little and fearful

I may be flawed and hateful

I may be an imperfect creature


But, I will work on myself, I will do it for me 

I will work on myself, I will try my very best

For I am a work in progress


I may be too upbeat and uproarious

I may be too offbeat and oblivious

I may be too much to handle


But, I will endure and remain

I will trust the process

For I am a work in progress


Colors from emotions that taught me how to live

Designs from my triumphs and ecstasy

Carvings from my defeats and despondency


For when I enter into my deep slumber

I will recollect, relive, and remember

The fruit of my work in progress 


REPLEKSYON SA LISYANG EDUKASYON NI RENATO CONSTANTINO (2022)

    Ayon sa panimula ng may-akda na si Renato Constantino, “Ang edukasyon ay isang mahalagang sandata ng isang bansang nagpupunyaging magtamo ng kalayaang pangkabuhayan at pampulitika at nagnanais na muling madalisay ang sariling kultura. Dahil dito, ang ating edukasyon ay dapat lumikha ng mga Pilipinong may pag-unawa sa saligang suliranin ng bayan at sa mga lunas sa mga suliraning ito. Dapat itong lumikha ng mga Pilipinong may sapat na malasakit sa bayan at may sapat na lakas ng loob na kumilos at magpakasakit para sa katubusan ng Inang Bayan.” Samakatuwid, ang edukasyon ay hindi lamang nakukulong sa ideya ng pangangalap ng impormasyon tulad ng pagkatuto sa pagsulat, pagbasa, at pagkukwenta. Ipinakilala sa atin ng mga Amerikanong mananakop na sila ang “tagapagligtas” natin buhat sa pagiging kolonya ng Espanya. Sabi nga ng may-akda, ”Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito.” Kaya’t ibinigay nila sa atin ang karapatang ipinagkait sa atin ng mga Kastila – ang karapatang makapag-aral. Kinasangkapan nila ito upang lituhin, limutin, at lisyahin ng mga Pilipino ang ating pagkakakilanlan nang sa gayon ay madali tayong mapasailalim at maging sunud-sunuran sa kanila.

Sa humigit-kumulang na limampung taong pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa napakalaki ng naging pagbabago sa ating kaisipan dahil sa kanilang panlulupig gamit ang edukasyon. Ang mga naging epekto ng sistemang pinairal ng mga Amerikano sa edukasyon sa Pilipinas ay danas pa rin ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon; Ito ay ang mga sumusunod – Pilipinong Maka-dayuhan, Suliranin sa Wika, at Pribadong Sektor.


Pilipinong Maka-dayuhan

Ipinakilala sa atin ng mga Amerikano ang mga kuwento nina George Washington at Abraham Lincoln, awiting Amerikano, ang pangitain ng pag-ulan ng yelo at si Santa Claus nang sa gayon ay malimot natin ang ating kabansaang tampok sa sarili nating mga kwento at awitin. Ang mga bayani nating nakipaglaban para sa kasarinlan mula sa mananakop ay pinalabas na tulisan, salarin, at subersibo. Sila ang sumulat ng mga aklat hinggil sa ating kasaysayan na binura ang diwang makabansa nating mga Pilipino. Bunsod din ng malayang kalakalan natin sa kanilang bansa, ipinakilala nila ang mga produkto na kinagiliwan ng marami. Ang kunwaring malayang kalakalan bilang patunay ng kabutihang-loob at pagkakawanggawa ng mga Amerikano ang naging daan para makontrol nila ang ating ekonomiya. Ito ang ginamit nila para isipin nating nakahihigit sila sa atin pagdating sa teknolohiya. Ang industriyalisasyon ay hindi natin maabot dahil ang larawang ipinakilala nila sa atin ay ang buhay sa kabukiran na agrikultura lamang ang kaya nating gawin. Ibinunga nito ang kaisipang Kanluranin o ang mga Pilipinong Maka-dayuhan. Kaya’t naging mababaw na lamang ang ating pagiging makabansa na ayon sa artikulo ni Renato Constantino ay naipapakita lamang sa ”paggalang sa watawat, pagpuri sa kagandahan ng kabukiran at iba pang mga walang saysay na pagpapakita ng kabansaan.” Nabulag na ang mga mamamayan sa kunwaring “pagtulong at kabutihan”ng mga mananakop kaya’t nagbunsod ng mga “mamamayang larawan ng kawalang malay at nakasandig sa mga pakikitungo sa mga dayuhan… mamamayang manhid sa pag-aalipusta ng ibang bansa, bukas-palad sa mga dayuhan at tumutulong pa sa kanila sa pagdambong sa ating likas na kayamanan.” Dinadakila pa rin ng mga Pilipino hanggang ngayon ang kultura ng mga Kano kaysa ang sa atin kaya’t damang-dama pa rin ang tuwirang epekto ng edukasyong banyaga sa ating bansa.


Suliranin sa Wika

Nang isubo sa atin ng mga Kano ang Wikang Ingles sa kanilang pamamalakad ng edukasyon sa ating bansa ay itinanim nila sa ating mga utak na ito ang wika ng demokrasya, ng talino, at ng kapangyarihan. Isinantabi nila ang katutubong wika na daluyan ng ating identidad, kultura, at diwang makabansa. Ibinaba nila ang ating wika at itinaas ang sa kanila. Nahirapang makausad ang maraming mga mag-aaral dahil sa panibagong wika na kanilang aaralin muna bago maunawaan ang araling tinatalakay.Pinalabas nilang inililigtas nila tayo mula sa kamangmangan. Nakawala na nga tayo sa pangalang Indio na katawagan ng mga Kastila ay mangmang at inutil pa rin ang turing sa atin ng bagong mananakop. Ayon kay Rizal, “Maglalaho ang sarili ninyong pagkatao, paaalipin kayo sa utak ng iba, at sa halip na palayain ang inyong sarili ay masasadlak kayo sa ganap na pagkaalipin!” Sa madaling sabi ito aniya ay isang pagpapatiwakal. Sabi nga ni Renato Constantino, ”Sa alinmang malayang bansa, likas ang paggamit ng katutubong wika sa edukasyon. Pero dito sa atin, masyadong malalim ang pagkagumon natin sa kolonyal na edukasyon na hindi mapagkasunduan ang paggamit ng ating sariling wika na mas maraming Pilipino ang tutol kaysa pabor na gamitin ito.” Hanggang ngayon ay pasan-pasan pa rin ng milyon-milyong mag-aaral ang suliranin ng wika pagdating sa pagkatuto. Sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, kulelat ang Pilipinas pagdating sa reading comprehension, mathematics, at science. Ang mga asignaturang ito ay itinututuro sa midyum ng Wikang Ingles. Isa itong patunay na naghihirap pa rin tayo sa aspekto ng edukasyon bunga ng dayuhang wikang dala ng mga Amerikanong mananakop.


Pribadong Sektor

Pinakilala ng mga Amerikano ang konspeto ng pampublikong paaralan kung saan maaring mag-aral ang kahit na sino – babae man o lalaki. Pinasok na rin nila ang sektor ng politika at ekonomiya kaya’t umikot na rin sa pera ang edukasyon. Nagkaroon na rin nga paghahati sa edukasyon – ang pribadong institusyon at ang pampubliko. Ayon kay Renato, “Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mababa ang tingin ng mga nagsipagtapos sa paaralang publiko sa mga nagtapos sa mga pribadong paaralan. Itinuturing ng marami na mas mahusay ang mga nagsipagtapos sa paaralang publiko kaysa pribado.” Sa pagdaan ng panahon ay hindi na epektibo ang paraang ito, bumaba na ang kalidad ng edukasyon dahil sa kawalan ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan at ang komersiyalisasyon ng mga pribadong institusyon. Naging negosyo na lang ang edukasyon. Dahil ito ay naging negosyo ay lumaki nang lumaki ang kanilang paaralan na hawak ng mga dayuhan. Sila na rin ang nagtuturo ng agham panlipunan kaya’t hindi napagtuonan ng pansin ang diskurso ng diwang makabansa. Ang mga walang sapat na kakayahang mag-aral sa pribadong sektor ay lubhang napag-iiwanan na pagdating sa kaalaman dahil kulang sa silid-aralan o kaya naman ay siksikan at kulang sa kagamitan tulad ng mga aklat. Mas naramdaman sa kasalukuyan ang agwat ng mga nag-aaral sa pribado at pampublikong institusyon dahil sa distance learning. Angkaramihan sa mga nasa pampublikong paaralan ay walang gagamiting electronic gadget para makadalo sa mga online meeting at makagawa ng mga gawain. Ang mga nasa pribado naman ay kumpleto sa kagamitan kaya’t hindi naging sagabal sa kanilang pag-aaralan ang pandemya


Sabi ni Renato Constantino sa kanyang artikulo na Lisyang Edukasyon ng Pilipino,“Ang edukasyon ng Pilipino ay dapat maging isang Pilipinong edukasyon.” Ang edukasyon ay dapat mapagpalaya sa paghubog ng mga Pilipinong naninikluhod sa mga mananakop. Huwag nating itulad at iwangis sa konspeto ng mga Kanluranin dahil iba ang lagay ng kanilang politika, ekonomiya, at kultura kumpara ng lagay sa atin. Dapat itong ibatay, iayon at iakma sa ating adhika at pangangailangan bilang isang bayan. Pagkatuto na humuhubog ng isang mamamayang mayroong malasakit sa bayan at may pag-unawa sa kanilang pagiging bansa. “Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kani-kanilang mga sarili.” Samakatuwid, ayon pa rin kay Renato Constantino, “Ang tungkulin ngayon ng edukasyon ay iwasto ang maling pananaw na ito.” Ipaglaban natin ang panawagan ng mga Pilipinong iskolar at ekonomista na ipinalaganap ng yumaong Claro M. Recto na Pilipino Muna. Masisimulan natin ang hakbangin na ito tungo sa pagkatutong makabansa sa pamamagitan ng pagsulat ng kasaysayan natin mula sa perspektibo natin at hindi ng sa dayuhan. Sa pagsaliksik, pagsusuri, at pagsisiyasat natin kung sino tayo mabubuo ang diwang makabayan na magiging saligan ng pag-unlad ng ating bayan bilang isang lahing malaya at mapagpalaya.


SANGGUNIAN:

Lisyang Edukasyon salin ng Miseducation of Filipino by Renato Constantino ni Lusi Maria Martinez 
Link:   https://filipinostudies.files.wordpress.com/2012/01/constantino.pdf 
Link: https://fil40online.files.wordpress.com/2012/06/lisyang-edukasyon-ng-pilipino.pdf 


ANG MGA ALIPIN NG KAHAPON AY ANG MGA MANLULUPIG NGAYON (2022)


“Nag-iiba lang ang mukha ng kalaban ngunit parehong sistema pa rin ang lumulupig sa ating bayan.”


Nagsimula ang ating pagkaalipin mula ng dumating ang mga barko ni Fernando de Magallanes hanggang sa pagbalik ni Miguel Lopez de Legazpi para simulan ang pananakop ng Kastila sa ating bayan. Ito ay umabot ng tatlong daan at tatlumpu’t tatlong (333) taon ang kanilang panlulupig sa ating bayan. Layunin nila ang pagpapalaya sa atin mula sa impluwensiya ng demonyo. Nasakop din ng Briton ang Maynila taong 1762 hanggang 1764 habang nasa ilalim pa tayo ng mga Kastila. Hanggang sa binenta nila ang Pilipinas sa halagang $20 milyon sa panibagong mananakop – ang mga Amerikano – na sinakop tayo sa loob ng apatnapu’t walong (48) taon. Sila naman daw ang “tagapaglitas” na nagpalaya sa atin mula sa kamay ng mga Kastila. Sa gitna naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig napasailalim tayo ng mga Hapones ng tatlong (3) taon. Sila naman ang nagligtas sa atin mula sa pananakop ng Amerika. Matapos ang tatlong taong panlulupig ng mga Hapones ay bumalik sila Douglas MacArthur para iligtas tayo sa kanilang pang-aalipin. 


Taong 1946 nang matamo natin ang kasarinlan mula sa mga mananakop na nagbabalat-kayong “tagapagligtas” daw natin. Ngunit tunay na nga ba ang tinatamasa nating kasarinlan? Malaya na ba tayo sa epekto ng pang-aalipin ng mga dayuhan? O sa paghihintay na naman natin sa pagliligtas ng dayuhan ay tayo na ngayon mismo angmanlulupig sa sarili nating mga kalahi?


Ang Alipin Noon 

Ang mga Kastila ay pinakilala ang kanilang sarili na bitbit ang espada sa kanan at krus sa kaliwa. Ang mithiin nila ay ang maipalaganap ang relihiyon ng Kristiyanismo, ang maghanap ng Kayamanan, at matamo ang Katanyagan sa Europa. Kinasangkapan nila ang relihiyon, ang pagiging “Sugo ng Diyos” upang mapasunod ang mga Pilipino hanggang sa maging alipin na nila tayo o sa kanilang bansag – Indio. Sa ilalim ng frailocracia o ang pamumuno ng mga prayle sa kani-kanilang parokya ay nilason ang utak ng mga mamamayan sa paggamit ng Simbahang Katoliko at pananakot na mapupunta sa impiyerno ang sinumang lalabanan sila. Sa mali nilang pamamalakad ay ginawa nilang encomienda ang lupa ng mga katutubo at sapilitang pinagtrabaho ang mga kalalakihan ng walang bayad sa polo y servicio. Hinuburan nila ang mga katutubo sa kanilang material na pangangailangan at ipinalit dito ang kanilang turo hinggil sa Kristiyanismo. Katuwiran nila na maigi ng gutom ang sikmura at naghihikahos ang mga katutubo kaysa ang kagutuman ng kanilang kaluluwa sa pananampalataya. Ang panatisismo ang naging bunga ng kanilang maling pamamalakad gamit ang relihiyon. Dahil dito ay inalipin nila tayo gamit ang relihiyon na magliligtas daw sa atin mula sa mga demonyo ngunit mas masahol pa sa demonyo ang dulot nilang pagkasira para malugmok ang mga Pilipino.

Ang mga Amerikano naman ay dumating na hawak-hawak ang baril sa kanan at libro sa kaliwa. Nagbalat-kayo silang “tagapagligtas” daw ng mga Pilipino. Ang kunwaring mabuting imahen na kanilang ginamit para malinlang ang ating lahi. Kung ang mga Kastila ay nanlason sa pamamagitan ng espiritwal na aspeto, ang mga Amerikano naman ay panlalason sa intelektuwal na aspeto o ang kaisipan. Ang edukasyon na ipinagkait sa atin ng mga Kastila ang ginamit nilang sandata para pahinain ang diwang makabayan at itanim ang Kaisipang Kolonyal sa mga Pilipino. Sa pagpapadala nila ng mga gurong sundalo ay isinubo sa atin ang Wikang Ingles na ginawa nilang pamantayan ng talino, ng demokrasya, at ng kaunlaran. Ang mga bagay na ayon sa kanila ay hindi taglay ng mga Pilipino. Ito ay sapilitan nilang ginamit na midyum sa pagtutuo kung saan nahirapan ang mga mag-aaral na unawain dahil ito ay panibagong wika. Ang kanilang mga kwento, awitin, at produkto ay pinalaganap sa Pilipinas para itanim sa utak natin ang konseptong Pilipinong Maka-Dayuhan. Taliwas sa konspeto ng edukasyong mapagpalaya ang ipinunla sa atin ng mga Amerikano. Ikinulong lamang nila ang kaisipan ng ating lahi sa pamamagitan ng edukasyon na tayo ay mababang uri at mga mangmang na kailanman ay hindi sila mapapantayan 


Lahing Ihiniwalay sa Kanyang Nakaraan.

Sa matagal na panahong nagapi tayo ng mga dayuhang mananakop, sila ang sumulat ng ating kasaysayan. Kaya’t kakaunti lamang ang ating kaalaman hinggil dito dahil ang perspektibo ng mga dokumento ay ang kanilang punto de vista. Nagtagumpay sila na sakupin hindi lang ang ating lupain bagkus pati na rin ang ating kaisipan. Ayon nga kay Renato Constantino, isang historyador, “Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito.” Tagumpay nilang nalupig ang kaisipan ng mga Pilipino sa relihiyon at edukasyon, kasama na rin ang politika at ekonomiya. Ang layunin nilang lisyahin, lituhin, at limutin ng mga Pilipino ang kanilang pagkakakilanlan ay ang magsisiguro na kakapit at kakapit pa rin ang ating bansa sa kanila. Sa pagbabawal nila sa mga kwento ng mga bayaning Pilipino ay lumaganap ang katakot-takot na pambansang amnesya sa ating bayan na magpahanggang-ngayon ay hindi natin malunasan. Ang mga aral na dapat nating matutunan mula sa kasawian ng ating bayan ay nabaon sa limot. Kaya’t hindi natin nasasaliksik, nasisiyasat, at nasusuri ang ating lipunan na siyang susi para sa maunlad na kinabukasan. Bunsod ng lahat ng ito, tayo ay naging lahing ihiniwalay sa kanyang nakaraan na patuloy na nagdarahop sa ating lupang sinilangan.


Ang Manlulupig Ngayon

Sabi nga sa awitin ni Bamboo na pinamagatang Tatsulok:

“Hindi pula't dilaw tunay na magkalaban.

Ang kulay at tatak ay di syang dahilan.

Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan.

At ang hustisya ay para lang sa mayaman.

Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok.

‘Di matatapos itong gulo.”

Ang mga nasa itaas ng tatsulok, ang mga trapo sa gobyerno, kapitalista sa negosyo, at iba pang naghaharing uri sa ating masalimuot na lipunan. Sila na namimihasa sa yaman ng bayan habang patuloy ang paghihikahos sa mga nasa laylayan ng lipunan. Mahigit pitumpung taon na mula ng makalaya tayo sa kamay ng dayuhan, ngunit pumalit naman ang mga nakaupo sa pwesto na sinisiil ang mga mamamayan at nananataling bulag at bingi sa hinaing ng masa. Dahil dito ay naghahari rin ang pagtinging subersibo na ang mga kritikong nagtataguyod ng diwang makabansa ay binubusalan, ginagapos,at tinatakot. Katambal nito ang pagpapalaganap ng maling bersyon ng kasaysayan. Walang ibang bersyon ang kasaysayan. Iisa lamang ito. Kaya’t nalalason nito ang utak ng mga Pilipino. Nakalaya nga tayo sa diktadurya ngunit sa pagsapit ng nakaraang eleskyon ay ibinalik sa katungkulan ang anak ng diktador at kanyang pamilya. Pilipino na ang lumulupig sa kapwa niya Pilipino. Nakalulungkot na ang paulit-ulit at hindi matapos-tapos na pagka-alipin ng ating lahi ay palala nang palala. Sabi nga ng isang kasabihan, “History repeats itself.” Tunay nga na bagaman ang kasarinlan ng bayan ay natamasa natin ay hanggang doon lamang iyon. Patuloy pa ring naghihikahos ang sambayanang Pilipino bunga ng ideolohiyang ipinamana sa atin ng mga mananakop na kinakasangkapan pa rin ng mga naghaharing uri sa lipunan – ang edukasyon at ang relihiyon. Alipin pa rin tayo ng sistemang ito kaya’t nananatiling mangmang at panatiko ang ating bayan na siyang sinasamantala ng mga manlulupig ngayon. 


Ang Kahapon, Kasalukuyang, at Kinabukasan ay Iisa

Kung hindi tayo ang magsusulat ng ating kasaysayan mananatili tayong kopya ng mga bansang sumakop sa atin. Ayon nga Kay Renato Constantino,” Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kailangang isulat muli batay sa pananaw ng isang Pilipino.” Ito ang kwento natin – ang ating tagumpay, pagkabigo bilang isang bayan – kung saan nakaugat ang pagkakakilanlan natin bilang isang lahi. Kung hindi natin bibigyan ng halaga ang kasaysayan bilang paraan ng pag-unlad ng sarili at ng bayan ay mananatili tayong nakagapos sa tanikala ng kahapon. Saliksikin, siyasatin, at suriin nating mabuti ang ating kasaysayan na repleksiyon ng lipunang ating ginagalawan. Tulad nga ni sinabi ni Elias sa Noli Me Tangere, “Mamamatay akong hindi man lang makikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan. Kayong mga makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi.” Ang sakripisyo ng mga bayaning nakipaglaban sa kalayaan natin ay mahalagang aral na baunin natin upangbuhayin ang diwang makabayan na nakasalig sa ating identidad. Ang aral sa atingkaranasan bilang isang bayan ay magagamit natin para ipunla ang isang matatag napambansang liderato na may pambasansang bisyon batay sa isang matibay napambasang mithiin at plano na pangmatagalan at nananatiling buhay sa kabila ng pagpapalit ng pinuno. Tunay nga na nag-iiba lang ang mukha ng kalaban ngunit parehong sistema pa rin ang lumulupig sa ating bayan. Ngunit kung titindig tayo para sakahalagahan ng pag-aaral, pagsusuri, at paglalapat ng ating kasaysayan sa ating lipunan ngayon hindi imposibleng makamit natin ang tunay na kalayaan. Sabi nga ni Luis Camara Dery na “Ang kasalukuyang ay bunga ng kahapon, at ang hinaharap ay hinuhubog sa kasalukuyan.” Samakatuwid, ang kahapon, kasalukuyan, at kinabukasan ay iisa. Sa paraang ito lamang maipapanauli ng ating lahi ang ating pagkakakilanlan.


SANGGUNIAN

Constantino, R. (1987). Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino. (Malayang salin ni Luis Maria 

Martinez).

David, R. S. (2017). ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi Ukol Sa Modernisasyon 

at Globalisayon. Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining. Komisyon sa 

Wikang Filipino (KWF).

Dery, L. C.. (2003). Ang Kahapon, Kasalukuyan, at Kinabukasan ay Iisa. MALAY, 17(1-

2). Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=7869

Palma, R. Y.. (1994). Kasaysayan ng Filipinas: Kakaiba Nga Ba?. MALAY, 12(2). 

Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=7815

Teodoro, N. V.. (2013). Wika bilang Daluyan ng Kamalayang Pangkasaysayan at 

Pangkalinangan. Saliksik E-Journal, 2(1). Retrieved from 

http://ejournals.ph/form/cite.php?id=5472

KAISA. KARAMAY. KAAGAPAY. (2022)

 Kaisa. Karamay. Kaagapay

Aming kaibigang tunay

Poong Hesus Nazareno 


Sa hapis at ligalig ng mundo

Ipagsanggalang kaming mga tao

Laging magpapasalamat at mamimintuho


Tagapahid ng aming luha

Nakikiramay sa aming pagdurusa

Dinadala kami sa buhay na maligaya



TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...