REPLEKSYON SA LISYANG EDUKASYON NI RENATO CONSTANTINO (2022)

    Ayon sa panimula ng may-akda na si Renato Constantino, “Ang edukasyon ay isang mahalagang sandata ng isang bansang nagpupunyaging magtamo ng kalayaang pangkabuhayan at pampulitika at nagnanais na muling madalisay ang sariling kultura. Dahil dito, ang ating edukasyon ay dapat lumikha ng mga Pilipinong may pag-unawa sa saligang suliranin ng bayan at sa mga lunas sa mga suliraning ito. Dapat itong lumikha ng mga Pilipinong may sapat na malasakit sa bayan at may sapat na lakas ng loob na kumilos at magpakasakit para sa katubusan ng Inang Bayan.” Samakatuwid, ang edukasyon ay hindi lamang nakukulong sa ideya ng pangangalap ng impormasyon tulad ng pagkatuto sa pagsulat, pagbasa, at pagkukwenta. Ipinakilala sa atin ng mga Amerikanong mananakop na sila ang “tagapagligtas” natin buhat sa pagiging kolonya ng Espanya. Sabi nga ng may-akda, ”Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito.” Kaya’t ibinigay nila sa atin ang karapatang ipinagkait sa atin ng mga Kastila – ang karapatang makapag-aral. Kinasangkapan nila ito upang lituhin, limutin, at lisyahin ng mga Pilipino ang ating pagkakakilanlan nang sa gayon ay madali tayong mapasailalim at maging sunud-sunuran sa kanila.

Sa humigit-kumulang na limampung taong pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa napakalaki ng naging pagbabago sa ating kaisipan dahil sa kanilang panlulupig gamit ang edukasyon. Ang mga naging epekto ng sistemang pinairal ng mga Amerikano sa edukasyon sa Pilipinas ay danas pa rin ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon; Ito ay ang mga sumusunod – Pilipinong Maka-dayuhan, Suliranin sa Wika, at Pribadong Sektor.


Pilipinong Maka-dayuhan

Ipinakilala sa atin ng mga Amerikano ang mga kuwento nina George Washington at Abraham Lincoln, awiting Amerikano, ang pangitain ng pag-ulan ng yelo at si Santa Claus nang sa gayon ay malimot natin ang ating kabansaang tampok sa sarili nating mga kwento at awitin. Ang mga bayani nating nakipaglaban para sa kasarinlan mula sa mananakop ay pinalabas na tulisan, salarin, at subersibo. Sila ang sumulat ng mga aklat hinggil sa ating kasaysayan na binura ang diwang makabansa nating mga Pilipino. Bunsod din ng malayang kalakalan natin sa kanilang bansa, ipinakilala nila ang mga produkto na kinagiliwan ng marami. Ang kunwaring malayang kalakalan bilang patunay ng kabutihang-loob at pagkakawanggawa ng mga Amerikano ang naging daan para makontrol nila ang ating ekonomiya. Ito ang ginamit nila para isipin nating nakahihigit sila sa atin pagdating sa teknolohiya. Ang industriyalisasyon ay hindi natin maabot dahil ang larawang ipinakilala nila sa atin ay ang buhay sa kabukiran na agrikultura lamang ang kaya nating gawin. Ibinunga nito ang kaisipang Kanluranin o ang mga Pilipinong Maka-dayuhan. Kaya’t naging mababaw na lamang ang ating pagiging makabansa na ayon sa artikulo ni Renato Constantino ay naipapakita lamang sa ”paggalang sa watawat, pagpuri sa kagandahan ng kabukiran at iba pang mga walang saysay na pagpapakita ng kabansaan.” Nabulag na ang mga mamamayan sa kunwaring “pagtulong at kabutihan”ng mga mananakop kaya’t nagbunsod ng mga “mamamayang larawan ng kawalang malay at nakasandig sa mga pakikitungo sa mga dayuhan… mamamayang manhid sa pag-aalipusta ng ibang bansa, bukas-palad sa mga dayuhan at tumutulong pa sa kanila sa pagdambong sa ating likas na kayamanan.” Dinadakila pa rin ng mga Pilipino hanggang ngayon ang kultura ng mga Kano kaysa ang sa atin kaya’t damang-dama pa rin ang tuwirang epekto ng edukasyong banyaga sa ating bansa.


Suliranin sa Wika

Nang isubo sa atin ng mga Kano ang Wikang Ingles sa kanilang pamamalakad ng edukasyon sa ating bansa ay itinanim nila sa ating mga utak na ito ang wika ng demokrasya, ng talino, at ng kapangyarihan. Isinantabi nila ang katutubong wika na daluyan ng ating identidad, kultura, at diwang makabansa. Ibinaba nila ang ating wika at itinaas ang sa kanila. Nahirapang makausad ang maraming mga mag-aaral dahil sa panibagong wika na kanilang aaralin muna bago maunawaan ang araling tinatalakay.Pinalabas nilang inililigtas nila tayo mula sa kamangmangan. Nakawala na nga tayo sa pangalang Indio na katawagan ng mga Kastila ay mangmang at inutil pa rin ang turing sa atin ng bagong mananakop. Ayon kay Rizal, “Maglalaho ang sarili ninyong pagkatao, paaalipin kayo sa utak ng iba, at sa halip na palayain ang inyong sarili ay masasadlak kayo sa ganap na pagkaalipin!” Sa madaling sabi ito aniya ay isang pagpapatiwakal. Sabi nga ni Renato Constantino, ”Sa alinmang malayang bansa, likas ang paggamit ng katutubong wika sa edukasyon. Pero dito sa atin, masyadong malalim ang pagkagumon natin sa kolonyal na edukasyon na hindi mapagkasunduan ang paggamit ng ating sariling wika na mas maraming Pilipino ang tutol kaysa pabor na gamitin ito.” Hanggang ngayon ay pasan-pasan pa rin ng milyon-milyong mag-aaral ang suliranin ng wika pagdating sa pagkatuto. Sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, kulelat ang Pilipinas pagdating sa reading comprehension, mathematics, at science. Ang mga asignaturang ito ay itinututuro sa midyum ng Wikang Ingles. Isa itong patunay na naghihirap pa rin tayo sa aspekto ng edukasyon bunga ng dayuhang wikang dala ng mga Amerikanong mananakop.


Pribadong Sektor

Pinakilala ng mga Amerikano ang konspeto ng pampublikong paaralan kung saan maaring mag-aral ang kahit na sino – babae man o lalaki. Pinasok na rin nila ang sektor ng politika at ekonomiya kaya’t umikot na rin sa pera ang edukasyon. Nagkaroon na rin nga paghahati sa edukasyon – ang pribadong institusyon at ang pampubliko. Ayon kay Renato, “Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mababa ang tingin ng mga nagsipagtapos sa paaralang publiko sa mga nagtapos sa mga pribadong paaralan. Itinuturing ng marami na mas mahusay ang mga nagsipagtapos sa paaralang publiko kaysa pribado.” Sa pagdaan ng panahon ay hindi na epektibo ang paraang ito, bumaba na ang kalidad ng edukasyon dahil sa kawalan ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan at ang komersiyalisasyon ng mga pribadong institusyon. Naging negosyo na lang ang edukasyon. Dahil ito ay naging negosyo ay lumaki nang lumaki ang kanilang paaralan na hawak ng mga dayuhan. Sila na rin ang nagtuturo ng agham panlipunan kaya’t hindi napagtuonan ng pansin ang diskurso ng diwang makabansa. Ang mga walang sapat na kakayahang mag-aral sa pribadong sektor ay lubhang napag-iiwanan na pagdating sa kaalaman dahil kulang sa silid-aralan o kaya naman ay siksikan at kulang sa kagamitan tulad ng mga aklat. Mas naramdaman sa kasalukuyan ang agwat ng mga nag-aaral sa pribado at pampublikong institusyon dahil sa distance learning. Angkaramihan sa mga nasa pampublikong paaralan ay walang gagamiting electronic gadget para makadalo sa mga online meeting at makagawa ng mga gawain. Ang mga nasa pribado naman ay kumpleto sa kagamitan kaya’t hindi naging sagabal sa kanilang pag-aaralan ang pandemya


Sabi ni Renato Constantino sa kanyang artikulo na Lisyang Edukasyon ng Pilipino,“Ang edukasyon ng Pilipino ay dapat maging isang Pilipinong edukasyon.” Ang edukasyon ay dapat mapagpalaya sa paghubog ng mga Pilipinong naninikluhod sa mga mananakop. Huwag nating itulad at iwangis sa konspeto ng mga Kanluranin dahil iba ang lagay ng kanilang politika, ekonomiya, at kultura kumpara ng lagay sa atin. Dapat itong ibatay, iayon at iakma sa ating adhika at pangangailangan bilang isang bayan. Pagkatuto na humuhubog ng isang mamamayang mayroong malasakit sa bayan at may pag-unawa sa kanilang pagiging bansa. “Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kani-kanilang mga sarili.” Samakatuwid, ayon pa rin kay Renato Constantino, “Ang tungkulin ngayon ng edukasyon ay iwasto ang maling pananaw na ito.” Ipaglaban natin ang panawagan ng mga Pilipinong iskolar at ekonomista na ipinalaganap ng yumaong Claro M. Recto na Pilipino Muna. Masisimulan natin ang hakbangin na ito tungo sa pagkatutong makabansa sa pamamagitan ng pagsulat ng kasaysayan natin mula sa perspektibo natin at hindi ng sa dayuhan. Sa pagsaliksik, pagsusuri, at pagsisiyasat natin kung sino tayo mabubuo ang diwang makabayan na magiging saligan ng pag-unlad ng ating bayan bilang isang lahing malaya at mapagpalaya.


SANGGUNIAN:

Lisyang Edukasyon salin ng Miseducation of Filipino by Renato Constantino ni Lusi Maria Martinez 
Link:   https://filipinostudies.files.wordpress.com/2012/01/constantino.pdf 
Link: https://fil40online.files.wordpress.com/2012/06/lisyang-edukasyon-ng-pilipino.pdf 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...