BUWIS-BUHAY (2025)

Bunga ng dugo, luha, pawis
Ginagawang araw ang gabi
Para sa buwis
Para sa bansa
Ngunit ano ang ginawa
Ang buwis ay binubulsa
Kinukurakot, kinakamkam
Ngunit 'di lang pera ang kinukuha niyo
Katumbas ng buwis ay buhay
Buhay ng mga pilipino
Kaya 'di lang kayo nagnanakaw
Kayo rin ay pumapatay
Hindi gamit ng dahas
Mas masahol pa riyan
Ang inyong armas
Ay kasakiman
Marahil 'di na impyerno ang naghihintay
Sa inyong pagkamatay
Mabubuhay kayong mas mababa pa
Mas dukha pa sa dukha
Mas mababa sa alikabok
Para maranasan ninyo
Ang buhay na inyong ginawa
Sa mga nasa laylayang inyong kinawawa
Ninakawan ng munting pag-asa
Kapalit ng pansamantalang ginhawa
Pero ngayon ay babaha
Babaha hindi ng tubig
Kundi ng galit ang mananaig
Papanugutin ang may sala
Babaha ng nga Pilipino
Na ang sigaw ay "Tama na!"
Ang buwis ay aming pawis
Ang aming buhay, ang aming pangarap
Ang aming sakripisyo, ang aming pagtitiis
Kaya ang lahat ay titindig
Para sa pag-ibig
Sa Inang Bayan
Sa EDSA, sa Luneta, at sa Bulacan

PS: 'Di man ako makapunta sa rally sa EDSA at Luneta. Sana ay maging mitsa ito ng pagbabago. Pagbabago tungo sa pag-unlad. Pag-unlad na pantay-pantay at walang maiiwan.
 

TRAFFIC LIGHT (2025)

Niliguan ng luntiang ilaw
Kaya't umapak sa pedal
Humawak sa manibela
Hindi pepreno, hindi hihinto
Tuloy lang sa pagmamaneho
Dumiretso man o lumiko
Hanggang sa palibutan ng pula
 Titigil ako, bibitaw ako
Walang bakit, walang pero
Ngunit hanggang luntian
Aabante nang aabante
Kahit hindi alam
Kahit hindi sigurado
Kung saan pupunta

ANTOK (2025)

tumutuwad, dumadapa

tumatagilid, tumitihaya

umiikot-ikot sa kama

dilat na dilat ang nakapikit na mata

lumilibot sa mundong natutulog na


walang hanggang susubok

para dalawin ng antok

sa mundo ng panaginip kakatok

hahanapin saan mang sulok

para ito ay mapasok


gusto kong matulog

sa kaiisip nabubugbog

mga alaala'y kinukuyog

paano ba tatahimik ang kulog?

para akong nilalamig at sinusunog


MINSAN (2025)

 minsan lang mag-aya

tinatanggihan pa

minsan lang humingi ng tulong 

umuurong pa


kaya ang minsan naging madalang

ang dumalas nang dumalas ay pag-iisa

nasanay dahil sinanay ko na lang

na huwag na huwag akong aasa sa iba


minsan na lang magkagusto

doon pa sa hindi ako gusto

minsan na lang magkwento

lagi pa akong barado


kaya ang minsan naging wala

ang naiwan ay ako na nag-iisa

nasanay na lang kasi walang magagawa

kaya ang aasahan ko, ako lang, walang iba

PUSONG MAMON (2025)

ang luha, pag inumaga, nagiging muta
ang laway, pag 'di nagsalita, napapanis
ang pusong mamon na malambot
pag 'di tinanggap, 'di nakalilimot
pag iniwanan, nagiging masalimuot
pag pinabayaan..
lalangawin, aamagin, titigas
at hindi na mapakinanabangan
maging laman na lang ng basurahan

'DI NA LUMINGON (2025)

nasilayan ang mukha

pamilyar sa mata

ang sulyap naging titig

hanggang itigil ko na

kaya 'di ko na kinumpirma

kung ikaw ba talaga

kung sino ang kasama

kung ako'y nakita ba

tumingin lang, 'di na lumingon

kahit sumulpot ka pa dito at doon

nawawala na ang noon sa ngayon

tumahimik na ang mga bulong

lumawala ang mga nakakulong

dahil iniisip ko na lang

nasa kabilang buhay ka na

para wala nang umaaligid na multo

nabubura na ang pangalan sa lapida

naghihintay ka na siguro sa purgatoryo

pumipila sa bantay na si san pedro

habang ako lumalakad papalayo

ako na ang dumidistansiya

dahil tanggap ko na

walang ikaw at ako

paalam na


ps

nakita ko kasi siya. pamilyar 'yung salamin. 'yung boses. 'yung t-shirt. kaya in-overtake-an ko siya. 'di na ako lumingon. niyakap ko na lang ang hawak kong plastic envelope. huminga. naglakad papalayo. actually, magpapapirma sa chairperson. 

huling tula na rin para sa kaniya. paalam.

SEMENTERYO NG PANALANGIN (2025)

Alam mo ang aking mga dasal
Maging ang laman ng aking puso
Pati pagsigaw kong nakabusal
Lalo't lalo ang aking mga sikreto

Batid mong dumaan ako sa dilim
Binagtas ko ito nang lihim
Dahil alam kong nandiyan ka
Sasaklolohan mo pagsamo kong taimtim

Ngunit bakit mo ako nilisan
Iniwan mong nasa lusak akong sugatan
Paano ko uunawain at iintindihin
Gayong ako ay litong-lito pa rin

Ikaw lamang ang tanging kakampi
Ikaw lamang ang tanging saksi
Pinagmasdan mo lang akong magapi
Alipinin ng mga sumalakay sa gabi

Ngayon, buhay mo akong nililibing
Sa sementeryo ng aking panalangin
Doon nakatirik ang mga kandilang
Isa-isa nang hinihipan ng hangin

EKSTRA (2025)

Ekstra

Sa naratibo ng pelikula

Isang segundo, isang minuto

Siya ay makikita

Sa listahan ng bibida

Siya'y etsa-pwera

Minsan, tila nakapiring

Ang mga matang naduduling

Dinadaan-daan

Minsan, kung ituring

Masahol pa sa dura

Tinatapak-tapakan


Hindi siya direktor

Hindi rin kinikilalang aktor

Matagal naghihintay

Para sa kakarampot na bigay

Minsan walang linya

Minsan napuputol pa ang eksena

Madalas hindi talaga nakikita

Pero alam mong bahagi ka

Ng isang malaking istorya

Kahit na maliit ang ginampanan

Hindi iyon ang sukatan

Ng halaga at pinagdaanan


Ngunit kung iisipin, wala namang saysay

Kung tatanggalin ang buhay

Ng mga nasa gilid

Ng mga nasa sulok

Ng mga nasa kalsada

Sila ang kumukumpleto

Ng rekado sa putahe

Ang nagpapatotoo

Sa iniimbento ng lente

Kaya't kung walang ekstra

Walang pelikula

BAGO NAGING KONTRABIDA ANG KONTRABIDA (2025)

Dumating ang mga tao sa bakuran

Pinalibutan ang pintuan

Dala-dala ang nagsisilabang sulo

Ng mga taong siya'y ipagkakanulo

Isa raw siyang aswang

Tiktik, tiyanak, tikbalang

Masamang elemento

Lamang lupa, engkanto

Kaya't dapat siyang sunugin

Sa plaza doon lilitsunin

'Di papakainin, 'di paiinumin

Siya pa ay lalasunin


Dahil lang sa sabi-sabi

Gawa-gawang kwento ng labi

Nagpasalindila hanggang sa marindi

Ang mga taong imbi

Kaya't napagdiskitahan 

Ang inosente ng mga sukaban

Wala naman siyang sala

Walang kababalaghang ginagawa

Siya ay naging kontrabida 

Dahil kayo ang gumawa

Pinagkaisahan ninyo ang kakaiba

Kakaiba siya hindi kalaban

Hindi kontrabida

Hindi papatay ng basta-basta


Ngunit tandaan ninyo

Bago naging kontrabida ang kontrabida

Tao siya. KaibiganKapamilya.

May utak. May puso. May pangarap.

May kasiyahan. May paghihirap.

Tulad ko. Tulad mo.

Ngunit ang pinagkaiba niya sa inyo

Siya ay sapilitang hiniwalay sa mundo

Kaya't mag-isa siyang nakikibaka

Pinaglalaban ang sarili

Dahil siya lang saksi

Sa pagtalikod sa kaniya ng kalahi

Pupunan niya ng oo ang bawat pag-hindi

MAKAHIYA (2025)

pag hinawakan — namumutla
pag tinapik — nagigitla
nilalapitan palang
agad nang binibilang
kung kailan
kung paano
ihihiwalay ang kaluluwa
sa katawang-lupa
ganiyan daw ang makahiya

marahil nabalot daw ng takot
kaya't bumabaluktot
ang halamang 'di nakalilimot
marahil napapangunahan daw ng hiya
kaya't hindi tumitingin sa mata
kaya't umuurong ang dila
kaya't kjnakabahan 
dahil hindi kaya
dahil hindi pwede
dahil masyado raw siyang inosente
ang halamang kabaligtaran ng kampante

siguro, noong sinauna
binasahan siya ng doktrina
maling-mali raw siya
masyadong malambot
masyadong masalimuot
kaya sa mga nagtatakang siya'y sirain
hawakan, tuyain, pasukin, at gambalain
— natuto na siya
ang makahiyang tumapang
tumindig at nag-isip — 'di na madadaya
paparating ka palang
dadampi palang ang daliri ng nilalang
nakahanda na siyang takutin ka
nang 'di umiimik
nang 'di gumagalaw
nang 'di nagsasalita
'di nila alam na...
ganiyan lumaban ang isang makahiya

DEVIL TO YOUR ANGEL (2025)

 I will be the devil to your angel

I will burn the hottest flames here in hell

While you're in heaven ringing the bell

Buried in silence, not a single soul would tell


The inferno and paradiso will never

See the end of each other

For the angels will sing forever

While the devils will burn with each other


HILAW KONG DAMDAMIN (2025)

ang hilaw kong damdamin pinahihinog muna
hihintaying mamunga ng mga salita
hanggang maging isang ganap na tula

bago pitasin sa puno ang mga letra
titignang mabuti kung matamis ang bunga
kung hindi ako ay maghihintay pa

ang mga inani namang mga biyaya ng lupa
binuburo muna ng panahong matiyaga
hanggang sa mabuo ang rikit ng isang tula

PAANO MAGTANIM NG SAMA NG LOOB? (2025)

binaon ang buto ng pagkainis, sinlaki ng tuldok sa lupa
diniligan ng pagpatak ng ulan ng mga pinipigilang luha
inararo para patag, pulido, at pino ang malawak na sakahan
inarawan ng matinding sikat ng galit ng katahimikan

hanggang sa yumabong ang mga malalabay na dahon
ng mga pinatawad at pinalampad na pagkakataon
tinaboy ng ispray ang mga gumagambalang peste
inaalagaan naman ang mga nanginginaing mga bulate

kahit pa dumating ang isang napakalakas na unos
ang matibay na nakabaong ugat ng galit ay 'di mauulos
ganiyan kapag ang pagkamuhi ay sumidhi at rumubdob
ngayon alam niyo na kung paano magtanim ng sama ng loob

BIYAHE PAPUNTA AT PAUWI (2025)

sa kalsada kumumpas, pinara ang jeep na punong-puno
ngunit kalahating pisngi ng puwit lang ang nakaupo
at nakakapit sa bakal ang mga kamay na kinalyo
itutulog na lang ang trapik, mananaginip na lang ng malayong-malayo 

habang iniindayog ka ng bawat pag-atras abante
at mga pulang ilaw na nakaparada sa kalye
kinapa sa bulsa ang natitirang bente
inabot, pinasuyo sa mga dugtong-dugtong na kamay
ng nga pasaherong sa biyahe ay damay-damay

ang hari naman ng kalsada minamaniobra ang manibela
bitbit, dala-dala, karga-karga ang bayang umaasa sa barya
samantalang ang nga buwaya nakahiga sa lawa
ng buwis na nakaw, sa hiram na bilyon-bilyones nagpapakasasa

kaya't sa pagpikit ng mga mata panandaliang sinusuko
ang gatuldok na tsansang magwawagi
bagaman 'di tuluyang nagpapatalo
magsisimulang paulit-ulit sa bawat biyahe papunta at pag-uwi

THE DAY I STOPPED WISHING HAPPINESS (2025)

the day i stopped wishing happiness

was the day i closed my eyes

whispered my birthday wish

and blew the candles on the cake


for i knew thay friends will leave

families will break apart

the only one i will left

is the emptiness in my heart


so, i swam in the ocean of my tears

i befriended the monsters of my fears

to the blues of my life, i'll succumb

the next candle will be on my tomb

HUBO'T HUBAD (2025)

hinuhubaran ako ng bawat letra

tinatanggal ng bawat linya ang nakabalot natela

maging ang aking balat ay tinatalupan

hanggang matira lang ay kalansay sa katawan


walang saplot ang mga titik

napagkakamalang may saltik

dahil hubo't hubad ang bawat saknong

pagkat ang damit nakakasakal at nakakakulong


nakalabas ang dibdib, puwit, at ari

walang papantay kahit kasuotang sari-sari

pagkat ang kahuburan ko'y sining

sa bawat taludtod buong-buo sumisiping

PAANO MO PAPATAYIN ANG PATAY NA? (2025)

Noon...


Pahingahang walang pahinga

Ang ilaw sa kisame nakatulala

Nakadilat ang mata hanggang mag-umaga

Almusal ang tinik sa dibdib pa


Ngayon...


Paano mo papatayin ang patay na?

Kung wala ng pulso, wala ng hininga

Kahit tusukin, saksakin mo ng kutsilyo

Hinding-hindi na magdurugo


Bukas...

Wala ng pahi-pahinga

Wala ng papatay-patay

Pagkat ang pusong piniga

Ay walang hanggan nang hihimlay



KALOOBANG NANGUNGULAP (2025)

 Bibig man ay makalimot magsalita

Panulat ma'y maubusan ng tinta

Luha ang siyang mangungusap

Ng kaloobang nangungulap


Hindi man malasap

Ang ligaya at liwanag ng alapaap

'Di ako pipikit, 'di kukurap

Kahit dumaan sa sarap at hirap


Makabalik kaya ang sigla

Na ninakaw ng bandidong hula

Kung sisipot ang araw muli

Makapangusap sana ang mata't labi


TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...