BAGO NAGING KONTRABIDA ANG KONTRABIDA (2025)

Dumating ang mga tao sa bakuran

Pinalibutan ang pintuan

Dala-dala ang nagsisilabang sulo

Ng mga taong siya'y ipagkakanulo

Isa raw siyang aswang

Tiktik, tiyanak, tikbalang

Masamang elemento

Lamang lupa, engkanto

Kaya't dapat siyang sunugin

Sa plaza doon lilitsunin

'Di papakainin, 'di paiinumin

Siya pa ay lalasunin


Dahil lang sa sabi-sabi

Gawa-gawang kwento ng labi

Nagpasalindila hanggang sa marindi

Ang mga taong imbi

Kaya't napagdiskitahan 

Ang inosente ng mga sukaban

Wala naman siyang sala

Walang kababalaghang ginagawa

Siya ay naging kontrabida 

Dahil kayo ang gumawa

Pinagkaisahan ninyo ang kakaiba

Kakaiba siya hindi kalaban

Hindi kontrabida

Hindi papatay ng basta-basta


Ngunit tandaan ninyo

Bago naging kontrabida ang kontrabida

Tao siya. KaibiganKapamilya.

May utak. May puso. May pangarap.

May kasiyahan. May paghihirap.

Tulad ko. Tulad mo.

Ngunit ang pinagkaiba niya sa inyo

Siya ay sapilitang hiniwalay sa mundo

Kaya't mag-isa siyang nakikibaka

Pinaglalaban ang sarili

Dahil siya lang saksi

Sa pagtalikod sa kaniya ng kalahi

Pupunan niya ng oo ang bawat pag-hindi

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...