MAKAHIYA (2025)

pag hinawakan — namumutla
pag tinapik — nagigitla
nilalapitan palang
agad nang binibilang
kung kailan
kung paano
ihihiwalay ang kaluluwa
sa katawang-lupa
ganiyan daw ang makahiya

marahil nabalot daw ng takot
kaya't bumabaluktot
ang halamang 'di nakalilimot
marahil napapangunahan daw ng hiya
kaya't hindi tumitingin sa mata
kaya't umuurong ang dila
kaya't kjnakabahan 
dahil hindi kaya
dahil hindi pwede
dahil masyado raw siyang inosente
ang halamang kabaligtaran ng kampante

siguro, noong sinauna
binasahan siya ng doktrina
maling-mali raw siya
masyadong malambot
masyadong masalimuot
kaya sa mga nagtatakang siya'y sirain
hawakan, tuyain, pasukin, at gambalain
— natuto na siya
ang makahiyang tumapang
tumindig at nag-isip — 'di na madadaya
paparating ka palang
dadampi palang ang daliri ng nilalang
nakahanda na siyang takutin ka
nang 'di umiimik
nang 'di gumagalaw
nang 'di nagsasalita
'di nila alam na...
ganiyan lumaban ang isang makahiya

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...