EKSTRA (2025)

Ekstra

Sa naratibo ng pelikula

Isang segundo, isang minuto

Siya ay makikita

Sa listahan ng bibida

Siya'y etsa-pwera

Minsan, tila nakapiring

Ang mga matang naduduling

Dinadaan-daan

Minsan, kung ituring

Masahol pa sa dura

Tinatapak-tapakan


Hindi siya direktor

Hindi rin kinikilalang aktor

Matagal naghihintay

Para sa kakarampot na bigay

Minsan walang linya

Minsan napuputol pa ang eksena

Madalas hindi talaga nakikita

Pero alam mong bahagi ka

Ng isang malaking istorya

Kahit na maliit ang ginampanan

Hindi iyon ang sukatan

Ng halaga at pinagdaanan


Ngunit kung iisipin, wala namang saysay

Kung tatanggalin ang buhay

Ng mga nasa gilid

Ng mga nasa sulok

Ng mga nasa kalsada

Sila ang kumukumpleto

Ng rekado sa putahe

Ang nagpapatotoo

Sa iniimbento ng lente

Kaya't kung walang ekstra

Walang pelikula

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...