SEMENTERYO NG PANALANGIN (2025)

Alam mo ang aking mga dasal
Maging ang laman ng aking puso
Pati pagsigaw kong nakabusal
Lalo't lalo ang aking mga sikreto

Batid mong dumaan ako sa dilim
Binagtas ko ito nang lihim
Dahil alam kong nandiyan ka
Sasaklolohan mo pagsamo kong taimtim

Ngunit bakit mo ako nilisan
Iniwan mong nasa lusak akong sugatan
Paano ko uunawain at iintindihin
Gayong ako ay litong-lito pa rin

Ikaw lamang ang tanging kakampi
Ikaw lamang ang tanging saksi
Pinagmasdan mo lang akong magapi
Alipinin ng mga sumalakay sa gabi

Ngayon, buhay mo akong nililibing
Sa sementeryo ng aking panalangin
Doon nakatirik ang mga kandilang
Isa-isa nang hinihipan ng hangin

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...