[NOTE: NAKA-UNO AKO DITO HEHE KAYA IBABAHAGI KO SA INYO]
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
COLLEGE OF COMMUNICATION
DEPARTMENT OF BROADCAST COMMUNICATION
“Repleksyong Papel sa Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran”
DOMINGUEZ, GEOMARI MIGUEL R.
BACHELOR OF ARTS IN BROADCASTING 1 - 2D
I. ANINO NG DAYUHAN
Kasabay ng pagdaong ng mga mananakop sa ating dalampasigan ang panibagong suliranin sa kwento ng ating bayan. Ang ating lahi ay ginapos, ginayuma, at ginarote. Ginapos nila ang ating ninuno gamit ang tanikala ng relihiyon at sandata, ng edukasyon at baril. Ginayuma nila ang ating bayan na makalimot sa ating pagkakakilanlan bilang isang mamamayang malaya at mapagpalaya. Ginarote nila ang ating mga bayaning nakipaglaban para sa kasarinlan ng bayan.
Sa kasalukuyan, ang mga naghahari-uri sa ating bayan ay pawang anino ng mga dayuhan. Kinikilingan nila ang interes ng iilan- ang mga mayayaman at ang mga dayuhan. Samantalang nagbibingi-bingihan sa hinaing ng masa na nagdarahop sa kahirapan. Ang tunggalian ng tanglaw ng bayan at anino ng dayuhan ay manipestasyon ng kawalan ng ating lahi ng pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan. Bunsod nito aynagdurusa ang kalikasan, edukasyon, ekonomiya, politika, at lipunan.
Tunay ngang masalimuot ang ating nakaraan na dala-dala natin hanggang sa kasalukuyan. Hangga’t ang ating bayan ay anino lamang ng dayuhan malabong makamtan sa hinaharap ang pambansang kaunlaran.
II. MODERNISASYON LABAN SA KALIKASAN
Napakataas ng pagpapahalaga ng ating mga ninuno sa kalikasan. Namumuhay sila na kaisa ang kapaligiran dahil batid nilang ito ang pinagkukunan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa pagdating ng mga dayuhan, sinakop nila ang ating bayan na may motibong pagkakamal at pagnanakaw ng ating mga likas na yaman. Dinungisan nila ang ating mga kagubatan sa paghahanap ng ginto. Pinakilala nila sa mga Pilipino ang ugali ng pagsasawalang-bahala sa ating kalikasan.
Sa kasalukuyan, ang pamahaalan ang naging mukha ng pagsasawalang-bahala sa kalikasan makamit lang ang “modernisasyon”. Ang programa nilang “modernisasyon”tulad ng – paglikha ng mga “power plants” at pagsasapubliko ng mga “ancestral domain” ng mga katutubo– ay lubhang nagdudulot ng kasiraan kaysa kaunlaran.
Ang paglikha ng mga “power plants” ay tunay na makakatulong sa pagpapalaganap ng akses sa kuryente at tubig, ngunit kapalit nito ay matatamaan ang “ancestral domain” ng mga katutubo. Madudungisan ang pinagkukunan nila ng pagkain. Masisira ang pinagtayuan nila ng kanilang tahanan. Mawawala ang pamana na pinakaiingat-ingatan ng kanilang mga ninuno.
Gayundin ang pagsasapubliko ng mga “ancestral domain” ng mga katutubo tulad na lamang sa Bundok Apo na tirahan ng mga katutubo. Iginagalang nila ang bundok na ito dahil sa paniniwalang ito ay banal na lugar. Sa naisabatas na National Integrated Protected Areas System o NIPAS ay nagtayo ng isang parke sa Bundok Apo. Bunsod ng batas na ito ay nagmistulang mga iskwater ang mga katutubo sa sarili nilang lupa.
Matatawag ba nating pambansang kaunlaran kung interes lamang ng iilan at ng dayuhan ang isasaalang-alang at hindi ang sa mga katutubong Pilipino? Ang tunggaliang ito ng industriyalisasyon (pamahalaan) at kalikasan (katutubo) ay isa lamang patunay na ang ating mga lider ay anino lamang ng dayuhan.
III. KRISIS PANG-EDUKASYON
Ang ating mga ninuno ay may sistema na ng pagkatuto taliwas sa mga paniniwala ng mga dayuhan. Inaako nila na sila ang nagdala ng edukasyon sa ating isla, ngunit kabaliktaran nito ang dala nila. Dala ng mga Kastila ang edukasyong limitado – patriarkal at politkal – na tanging mga kalalakihan lamang na buhat sa kilalang pamilya ang may makakapag-aral. Dala naman ng mga Amerikano ang lisyang edukasyon na sumikil sa ating pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan. Bunsod nito ay umiral at umalingawngaw sa kasalukuyan ang krisis pang-edukasyon na nasa anyo ngkomersyalismo ng edukasyon at suliraning multilinggwalismo.
Ang komersyalismo ng edukasyon ay nagsimula sa pagtatayo ng mga Amerikano ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ang mga naitayong paaralan naman ng simbahan ay naging pampribadong institusyon. Sa kasalukuyan, bumaba ang kalidad ng edukasyon dahil sa mababang badyet na nilalaan ng pamahalaan. Dahil dito kinakaharap ng mga mag-aaral at guro sa pampublikong institisyon ang siksikang mga silid-aralan, sirang mga pasilidad, at limitadong akses sa mga edukasyonal na kagamitan. Pataas naman nang pataas ang matrikula sa mga pribadong institusyon na mayroong maayos na pasilidad, sapat na bilang ng mag-aaral sa silid-aralan, at malayang akses sa mga edukasyonal na kagamitan. Nakakalungkot na nagmistulang negosyo na lang ang edukasyon sa Pilipinas, imbes na maging daluyan ng pagkatuto ng mga mga kabataang Pilipino.
Halimbawa nito ay ang dokumentaryo ni Kara David na “Pag-asa sa Pagbasa” na tampok ang mga estudyante ng Sauyo High School na nakatuntong ng high school nang hindi marunong bumasa at sumulat. Napag-alaman niya na hindi napagtutuonan ng pansin ang mga mag-aaral sa dami ng estudyanteng nagsisiksikan sa silid-aralan at ang batang ito ay nangangalakal para may pambili ng pagkain imbes na gumawa ng assignment. Dagdag pa na hindi natuturuan sa bahay ng magulang kaya’t hindi nagiging ganap ang pagkatuto sa pagbasa at pagsulat.
Ang suliraning multilinggwalismo naman ay manipestasyon na ang ating bansa ay binubuo ng maraming isla na may kani-kanyang wika at sa pananakop ng mga dayuhang ay ipinakilala ang kanilang wika sa ating bayan. Nilagay ng mga dayuhan sa pedestal ang kanilang wika na ayon sa kanila ay wika ng mayayaman, makapangyarihan, at matatalino. Dito nag-ugat ang pananaw nating mababang uri ang sarili nating wika. Kaya’t ang daluyan ng ating pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kasaysayan ay napinid.
Sa kasalukuyan ay nalilito ang ating mga kababayan dahil ang bigkis na dapat namagbubuklod sa ating lahi ay pinutol ng dayuhan. Maging sa edukasyon na ang midyum ng pagtuturo ay banyagang wika, na dapat ay nasa unang wika muna. Kapag ganap na ang pagkatuto sa unang wika ay doon na ipakikilala ang ikalawang at ikatlong wika. Sa ganitong paraan, ayon kay Demeterio, ay magkakaroon ng matibay na pundasyon ng pagkakakilanlan ang isang mag-aaral. Ngunit sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay nagwagi ang hegemonya ng Wikang Ingles sa midyum ng pagtuturo kaya’t hindi makaagapay ang mga mag-aaral lalo’t hindi pa sila bihasa sa kanilang unang wika.
Sa dokumentaryo ni Howie Severino na “Don’t English Me” kapansin-pansin na bagama’t maalam ang Pilipino sa Wikang Ingles ay marami pa ring nagkakamali sa pagbaybay at sa balarila nito lalo na sa kalsada. Ang isang mag-aaral namang tampok ay makailang beses umulit ng Ikaapat na Baitang dahil hirap sa asignaturang Ingles. Sa dokumentaryong “Estado ng Wikang Filipino” naman ng Investigative Documentaries, karamihan sa mga mag-aaral sa pribadong institusyon ay mas pamilyar sa Ingles na pangalan ng mga karaniwang gamit kaysa sa Filipino. Lubhang nakababahala na maging ang daluyan at bigkis ng ating lahi – ang wika – na siyang tanglaw ng bayan ay nadirimlan ng anino ng dayuhan.
IV. OVERSEAS FILIPINO WORKERS
Bagaman ito ay naipakilala bilang konspeto ng Overseas Filipino Worker (OFW) noong panahon ng dating pangulong Marcos ay hindi na ito bago sa atin. Simula pa ng panahon ng pananakop ay nagpapadala na ng mga manggagawa Pilipino sa ibang bansa – ang paglalayag ng kalakalang Galyon mula Maynila patungong Acapulco, Mexico at ang pagpapadala ng mga propesyunal sa Amerika.
Dekada ’70 ng magpadala ng Overseas Contract Workers (OCW) ang Pilipinas sa Saudi para magtrabaho sa oil rigs at construction sites. Simula noon ay dumami na ang mga Pilipinong nangibang-bayan upang maghanap-buhay. Ang milyun-milyong OFW ay tinatayang nasa 200 teritoryo at bansa na. Dahil dito ay isa ang labor sa pangunahing eksport ng bansa.
Naging sandalan na ito ng pambansang ekonomiya bunsod ng bilyun-bilyong padalang dolyar na salapi ng mga OFW. Napapanatili nito ang katatagan ng piso sa dolyar. Sa padala rin nila umaasa ang pamilya nilang naiwan dito. Kapansin-pansin sa pag-aaral ni Tullao na mas maginhawa ang pamumuhay ng mga may kamag-anak sa ibang bansa kaya’t naakit nito ang ating mga kababayan na mangibang-bansa na rin.
Ang epekto nito sa kasalukuyan ay ang pagkaranas ng bansa ng “brain drain” na maaring lumumpo sa mga industriya dito sa Pilipinas. Katuwiran nila na maghihirap na nga lang din sa trabaho doon na sila sa mataas ang sweldo. Hindi naman natin masisi ang ating mga kababayan na piliin ang mangibang-bansa kung doon nila malalasap ang kaunlaran. Ngunit matatawag ba nating kaunlaran ang pagsisilbi sa lupa ng banyaga kaysa ang paglilingkod sa ating bayan?
V. KULTURA NG POLITIKA
Bunsod ng mahabang panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang kolonyalismo at elitismo ay buhay na buhay at nananalaytay sa kasalukuyang lipunan. Makikita natin ito sa umiiral na elitistang politika, politika ng mga personalidad, at neokolonyalismo na humahadlang sa pagkamit ng pambansang kaunlaran.
Ang elitistang politika ay buhat pa sa sinaunang sibilisasyon sa Pilipinas kung saan may maharlika at alipin. Ang mga maharlikang pumanig sa mga Kastilang mananakop ay napanatili ang kanilang yaman at nabansagang mga “illustrado”. Ang mga illlustrado naman ang nabigyan ng pwesto sa gobyerno sa pananakop ng mga Amerikano. Ang mga “elite” ang namayagpag sa iba’t ibang sektor ng politika kaya’t ang interes lamang ng mga naghaharing-uri at dayuhan ang binibigyang-pansin. Ang pagkakaroon ng “utang na loob” sa mga politikong tumutulong sa mga mamamayan ay may kapalit na pagsuporta sa pagtakbo nila sa eleksyon. Isa pa ang talamak na “vote buying” na sumisira sa kalayaang pumili ng lider ng mga mamamayan. Ang mga mayayaman lamang ang may pinansyal na kakayahan para gumastos sa pangangampanya kaya’t sila ang nananatili sa pwesto.
Bunga ng elitistang gobyerno ay nagkaroon na ng pangalan ang mga angkang matagal ng nakaluklok sa pwesto. Naging negosyo na ng pamilya ang tumakbo sa politika – mula sa lolo’t lola, nanay at tatay, tito’t tita, pati na ang mga anak at apo. Tanyag na apelyido na lamang ang sukatan ng mga karaniwang botante sa pagpili ng ibobotong lider. Kahit na ba may kaso ng korapsyon at kung anu-ano pang katiwalian, basta’t sikat ang apelyido o pamilya mo tiyak na ang pwesto mo sa gobyerno. Kaya naman ang mga personalidad tulad ng mga artista, boksingero, at komedyante ay pinasok na rin ang politika. Ginawa nilang “retirement plan” ang pwesto sa gobyerno. Sigurado na rin ang boto sa kanila dahil sikat na sila. Ganyan ang kultura ng politika sa Pilipinas, basta’t sikat ka o ang pamilya mo pasok ka na sa gobyerno.
Ang koneksyong nag-uugnay sa ’tin sa dayuhan ay hindi naputol dahil mga elistita pa rin ang namumuno sa ating bayan. Bitbit ng mga elitistang politiko ang kolonyal na mentalidad na kumikiling sa kapitalismo na ang mga naghaharing-uri at banyaga lamang ang nakikinabang. Ang neokolonyalismo ay ang modernong paraan ng pananakop ng mga dayuhan na pinapakita sa anyo ng “pagtulong” ng dating mananakop sa politika at ekonomiya ng dating kolonya. Kaya’t nakadepende pa rin ang ating pamahalaan sa mga banyaga na nagreresulta sa patuloy na pag-utang sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Amerika. Hanggang sa mabaon na tayo sa utang at patuloy na lang umasa sa kanilang tulong.
Ipinagdadamot ng sistemang ito ng politika ang pag-unlad sa ating lipunan. Ang mga mayayaman ay patuloy sa pagpaparami ng pera’t ari-arian, samantalang ang mga mahihirap ay patuloy na nalulugmok sa kahirapan.
VI. KANSER NG LIPUNANG PILIPINO
Kung ang mga nakalipas na punto ay panlabas na manipestasyon ng hadlang sa kaunlaran sa ating bayan, ang tatalakayin ng bahaging ito ay ang panloob na sakit ng bayan. Ang kanser ng lipunang Pilipino na kumukonsumo sa mithiing kaunlaran ay ang katamaran, ningas-kugon, at rehiyonalismo.
Ang katamaran ayon sa mga eksperto ay dahil daw sa ating klima na maalinsangan na sa kaunting pagkilos ay agad na pagpapawisan. Ngunit hindi iyon dahilan para umiwas na lamang ang bawat Pilipino sa pagbabanat ng buto. Lalo na’t nangangailangan sabayan ng kilos ang mithiin natin natin tungo sa pag-unlad.
Ang ugaling ningas-kugon naman ay pagkakaroon ng sigasig, sigla, at galing sa umpisa. Sa madaling sabi, magaling lang sa simula. Kilala rin ito sa katawagang “maňaňa habit” na nangangahulugang bukas na lang sisimulan o gagawin ang isang bagay. Ito ay hadlang sa pagtutuloy-tuloy ng ating pagkilos tungo sa pambansang kaunlaran.
Ang rehiyonalismo ay diskriminsayon ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino na kadalasan ay nangyayari sa konteksto ng rehiyon. Kagaya ng pagbibigay ng “stereotype” sa mga taga-Bisaya na mga katulong at sa mga taga-Mindanao na terorista. Ang paghihiwalay na ito ay hindi nagtataguyod ng pagkakaisa natin bilang isang lahi. Dapat pairalin ang respeto sa bawat isa saang rehiyon at anuman ang wika o diyalekto ang kanilang gamit dahil iisa lang ang ating lahi.
VII. TANGLAW NG BAYAN
Bigyang-kahulugan natin ang kaunlaran ayon sa depinisyon ng United Nations (UN Declaration on the Right of Development) na: “isang komprehensibong proseso ng paglago sa sangay ng ekonomiya, lipunan, kultura, at politika na isinasaalang-alang ang kapakanan ng kabuoan ng populasyon at ang aktibo, malaya, at mapagpalayang pakikilahok ng mga kasapi nito para sa pag-unlad at pantay na karapatan mula rito.”
Kung gagamitin nating pamantayan ang depinisyon ng UN sa kaunlaran ay mahihinuha natin na kahit na sandamakmak man ang suliraning dala ng anino ng dayuhan sa ating ipunan, mayroong tanglaw ng bayan na maaring magbigay liwanag sa nadirimlan nating kababayan sa paglalakbay natin tungo sa pagkamit ng pambansang kaunlaran. Ang solusyon sa panloob at panlabas na tunggalian sa entablado ng ng kalikasan, edukasyon, ekonomiya, politika, at lipunan ay ang kaunlarang isinasaalang-alang ang interes ng lahat ng mamamayan anuman ang estado sa lipunan, rehiyon, relihiyon, kasarian, at kulay.
Maari nating ikasangkapan sa pagkamit ng pambansang kaunlaran ang pagpapatibay ng pag-unawa, pag-aaral, at pagsasaliksik sa Filipinolohiya na ayon kay Bayani G. Abadilla ay ang: “disiplinang karunungan na nakasalig sa makaagham na pag-aara lsa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan.”Bilang paglalagom sa kabuoan ng repleksyong papel, mahalaga ang pag-uungkat ng ating pinag-ugatan – ang ating wika, kultura, at kasaysayan - na siyang nagbubuklod sa atin bilang isang lahi. Kaputol at kadugtong nito ang mithiing paunlarin hindi lamang ang sarili bagkus pati na rin ang bayang sinilangan kasama na ang ating mga kababayan. Sa pag-uungkat, paghuhukay, at pagbubungkal ay matutuklasan natin ang mga yaman ng ating lahi na dapat natin linangin at ang mga bangkay ng ating kahapon na dapat nating solusyunan. Bagaman nagsisimula pa lamang ang ating lahi sa paglalakbay tungo sa pag-angat ng tanglaw ng ating bayan – ang pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan – na siyang magpapalaya sa ating bayan mula sa anino ng dayuhan.
SANGGUNIAN
ARTIKULO
Abadilla, B.S. (2002). Wisyo ng Konsepto ng Filipinolohiya.
Buendia, R. G. (1993). Colonialism and Elitism in Philippine Political Development:
Assessing the Roots of Underdevelopment.
Demeterio Iii, F. P. (2012). Sistematikong Multilingguwalismo: Lunsaran ng Mas Matatag
na Wikang Pambansa = Systematic Multilingualism: Foundation for a more Effective
National Language. MALAY, 24(2).
Maningas, I. (1993). Kasipagan, Pagkamakabayan, At Pagkamaka-Diyos: Implikasyon
sa Kaunlaran ng Bansang Filipinas. MALAY, 11(1).
Rallonza, M. V. (1996). Ang Kapaligiran At Ang Mga Katutubong Filipino: Isang Pagsusuri
Ng Fundamental Na Epekto Ng Pambansang Kaunlaran. MALAY, 13(1).
Tullao Jr., T. S. (2006). Padalang Salapi ng mga OFW: Nagdadala ng Kabuhayan,
Katatagan at Kaunlaran sa Ekonomiya. MALAY, 19(1).
DOKUMENTARYO
Mary Rose Bulos. (2013, July 4). Don't English Me! Documentary of Howie Severino) 1(1)
[Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=tWNv-BLjmLQ
GMA Public Affairs. (2014, August 12). Investigative Documentaries: Ang estado ng
wikang Filipino [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=WSsEaBA06-0
GMA Public Affairs. (2018, September 30). I-Witness: 'Pag-asa sa Pagbasa,'
dokumentaryo ni Kara David (full episode) [Video]/ YouTube.
https://www.youtube.com/watch?v=J7JegoKjpmM
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento