KINABUKASAN (2023)

 Ang kinabukasang dapat hinaharap

Aking pikit-matang tinatalikuran

Ang kaliwa't kanang pagpapanggap

Para sa munti't kunwaring katapangan


Sa lahat ay dumarating nang patas

Maging nasa dilim man o liwanag

Walang sinuman ang makakatakas

Maging matapang man o duwag


'Di man maabot ng aking hinagap

Hinuhulma ko namang hawak

Ang mga tinalikurang alapaap

Kailan haharaping ang ngiti ay malawak?

“PAGDALUMAT SA KALAGAYAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN: TUNGGALIAN NG TANGLAW NG BAYAN AT ANINO NG DAYUHAN SA ENTABLADO NG KALIKASAN, EDUKASYON, EKONOMIYA, POLITIKA, AT LIPUNAN” (2023)

[NOTE: NAKA-UNO AKO DITO HEHE KAYA IBABAHAGI KO SA INYO]


POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

COLLEGE OF COMMUNICATION

DEPARTMENT OF BROADCAST COMMUNICATION


“Repleksyong Papel sa Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran”


DOMINGUEZ, GEOMARI MIGUEL R.

BACHELOR OF ARTS IN BROADCASTING 1 - 2D


I. ANINO NG DAYUHAN

Kasabay ng pagdaong ng mga mananakop sa ating dalampasigan ang panibagong suliranin sa kwento ng ating bayan. Ang ating lahi ay ginapos, ginayuma, at ginarote. Ginapos nila ang ating ninuno gamit ang tanikala ng relihiyon at sandata, ng edukasyon at baril. Ginayuma nila ang ating bayan na makalimot sa ating pagkakakilanlan bilang isang mamamayang malaya at mapagpalaya. Ginarote nila ang ating mga bayaning nakipaglaban para sa kasarinlan ng bayan.

Sa kasalukuyan, ang mga naghahari-uri sa ating bayan ay pawang anino ng mga dayuhan. Kinikilingan nila ang interes ng iilan- ang mga mayayaman at ang mga dayuhan. Samantalang nagbibingi-bingihan sa hinaing ng masa na nagdarahop sa kahirapan. Ang tunggalian ng tanglaw ng bayan at anino ng dayuhan ay manipestasyon ng kawalan ng ating lahi ng pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan. Bunsod nito aynagdurusa ang kalikasan, edukasyon, ekonomiya, politika, at lipunan. 

Tunay ngang masalimuot ang ating nakaraan na dala-dala natin hanggang sa kasalukuyan. Hangga’t ang ating bayan ay anino lamang ng dayuhan malabong makamtan sa hinaharap ang pambansang kaunlaran. 


II. MODERNISASYON LABAN SA KALIKASAN

Napakataas ng pagpapahalaga ng ating mga ninuno sa kalikasan. Namumuhay sila na kaisa ang kapaligiran dahil batid nilang ito ang pinagkukunan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa pagdating ng mga dayuhan, sinakop nila ang ating bayan na may motibong pagkakamal at pagnanakaw ng ating mga likas na yaman. Dinungisan nila ang ating mga kagubatan sa paghahanap ng ginto. Pinakilala nila sa mga Pilipino ang ugali ng pagsasawalang-bahala sa ating kalikasan.

Sa kasalukuyan, ang pamahaalan ang naging mukha ng pagsasawalang-bahala sa kalikasan makamit lang ang “modernisasyon”. Ang programa nilang “modernisasyon”tulad ng – paglikha ng mga “power plants” at pagsasapubliko ng mga “ancestral domain” ng mga katutubo– ay lubhang nagdudulot ng kasiraan kaysa kaunlaran. 

Ang paglikha ng mga “power plants” ay tunay na makakatulong sa pagpapalaganap ng akses sa kuryente at tubig, ngunit kapalit nito ay matatamaan ang “ancestral domain” ng mga katutubo. Madudungisan ang pinagkukunan nila ng pagkain. Masisira ang pinagtayuan nila ng kanilang tahanan. Mawawala ang pamana na pinakaiingat-ingatan ng kanilang mga ninuno. 

Gayundin ang pagsasapubliko ng mga “ancestral domain” ng mga katutubo tulad na lamang sa Bundok Apo na tirahan ng mga katutubo. Iginagalang nila ang bundok na ito dahil sa paniniwalang ito ay banal na lugar. Sa naisabatas na National Integrated Protected Areas System o NIPAS ay nagtayo ng isang parke sa Bundok Apo. Bunsod ng batas na ito ay nagmistulang mga iskwater ang mga katutubo sa sarili nilang lupa.

Matatawag ba nating pambansang kaunlaran kung interes lamang ng iilan at ng dayuhan ang isasaalang-alang at hindi ang sa mga katutubong Pilipino? Ang tunggaliang ito ng industriyalisasyon (pamahalaan) at kalikasan (katutubo) ay isa lamang patunay na ang ating mga lider ay anino lamang ng dayuhan.


III. KRISIS PANG-EDUKASYON

Ang ating mga ninuno ay may sistema na ng pagkatuto taliwas sa mga paniniwala ng mga dayuhan. Inaako nila na sila ang nagdala ng edukasyon sa ating isla, ngunit kabaliktaran nito ang dala nila. Dala ng mga Kastila ang edukasyong limitado – patriarkal at politkal – na tanging mga kalalakihan lamang na buhat sa kilalang pamilya ang may makakapag-aral. Dala naman ng mga Amerikano ang lisyang edukasyon na sumikil sa ating pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan. Bunsod nito ay umiral at umalingawngaw sa kasalukuyan ang krisis pang-edukasyon na nasa anyo ngkomersyalismo ng edukasyon at suliraning multilinggwalismo.

Ang komersyalismo ng edukasyon ay nagsimula sa pagtatayo ng mga Amerikano ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ang mga naitayong paaralan naman ng simbahan ay naging pampribadong institusyon. Sa kasalukuyan, bumaba ang kalidad ng edukasyon dahil sa mababang badyet na nilalaan ng pamahalaan. Dahil dito kinakaharap ng mga mag-aaral at guro sa pampublikong institisyon ang siksikang mga silid-aralan, sirang mga pasilidad, at limitadong akses sa mga edukasyonal na kagamitan. Pataas naman nang pataas ang matrikula sa mga pribadong institusyon na mayroong maayos na pasilidad, sapat na bilang ng mag-aaral sa silid-aralan, at malayang akses sa mga edukasyonal na kagamitan. Nakakalungkot na nagmistulang negosyo na lang ang edukasyon sa Pilipinas, imbes na maging daluyan ng pagkatuto ng mga mga kabataang Pilipino.

Halimbawa nito ay ang dokumentaryo ni Kara David na “Pag-asa sa Pagbasa” na tampok ang mga estudyante ng Sauyo High School na nakatuntong ng high school nang hindi marunong bumasa at sumulat. Napag-alaman niya na hindi napagtutuonan ng pansin ang mga mag-aaral sa dami ng estudyanteng nagsisiksikan sa silid-aralan at ang batang ito ay nangangalakal para may pambili ng pagkain imbes na gumawa ng assignment. Dagdag pa na hindi natuturuan sa bahay ng magulang kaya’t hindi nagiging ganap ang pagkatuto sa pagbasa at pagsulat. 

Ang suliraning multilinggwalismo naman ay manipestasyon na ang ating bansa ay binubuo ng maraming isla na may kani-kanyang wika at sa pananakop ng mga dayuhang ay ipinakilala ang kanilang wika sa ating bayan. Nilagay ng mga dayuhan sa pedestal ang kanilang wika na ayon sa kanila ay wika ng mayayaman, makapangyarihan, at matatalino. Dito nag-ugat ang pananaw nating mababang uri ang sarili nating wika. Kaya’t ang daluyan ng ating pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kasaysayan ay napinid. 

Sa kasalukuyan ay nalilito ang ating mga kababayan dahil ang bigkis na dapat namagbubuklod sa ating lahi ay pinutol ng dayuhan. Maging sa edukasyon na ang midyum ng pagtuturo ay banyagang wika, na dapat ay nasa unang wika muna. Kapag ganap na ang pagkatuto sa unang wika ay doon na ipakikilala ang ikalawang at ikatlong wika. Sa ganitong paraan, ayon kay Demeterio, ay magkakaroon ng matibay na pundasyon ng pagkakakilanlan ang isang mag-aaral. Ngunit sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay nagwagi ang hegemonya ng Wikang Ingles sa midyum ng pagtuturo kaya’t hindi makaagapay ang mga mag-aaral lalo’t hindi pa sila bihasa sa kanilang unang wika. 

Sa dokumentaryo ni Howie Severino na “Don’t English Me” kapansin-pansin na bagama’t maalam ang Pilipino sa Wikang Ingles ay marami pa ring nagkakamali sa pagbaybay at sa balarila nito lalo na sa kalsada. Ang isang mag-aaral namang tampok ay makailang beses umulit ng Ikaapat na Baitang dahil hirap sa asignaturang Ingles. Sa dokumentaryong “Estado ng Wikang Filipino” naman ng Investigative Documentaries, karamihan sa mga mag-aaral sa pribadong institusyon ay mas pamilyar sa Ingles na pangalan ng mga karaniwang gamit kaysa sa Filipino. Lubhang nakababahala na maging ang daluyan at bigkis ng ating lahi – ang wika – na siyang tanglaw ng bayan ay nadirimlan ng anino ng dayuhan. 


IV. OVERSEAS FILIPINO WORKERS

Bagaman ito ay naipakilala bilang konspeto ng Overseas Filipino Worker (OFW) noong panahon ng dating pangulong Marcos ay hindi na ito bago sa atin. Simula pa ng panahon ng pananakop ay nagpapadala na ng mga manggagawa Pilipino sa ibang bansa – ang paglalayag ng kalakalang Galyon mula Maynila patungong Acapulco, Mexico at ang pagpapadala ng mga propesyunal sa Amerika. 

Dekada ’70 ng magpadala ng Overseas Contract Workers (OCW) ang Pilipinas sa Saudi para magtrabaho sa oil rigs at construction sites. Simula noon ay dumami na ang mga Pilipinong nangibang-bayan upang maghanap-buhay. Ang milyun-milyong OFW ay tinatayang nasa 200 teritoryo at bansa na. Dahil dito ay isa ang labor sa pangunahing eksport ng bansa. 

Naging sandalan na ito ng pambansang ekonomiya bunsod ng bilyun-bilyong padalang dolyar na salapi ng mga OFW. Napapanatili nito ang katatagan ng piso sa dolyar. Sa padala rin nila umaasa ang pamilya nilang naiwan dito. Kapansin-pansin sa pag-aaral ni Tullao na mas maginhawa ang pamumuhay ng mga may kamag-anak sa ibang bansa kaya’t naakit nito ang ating mga kababayan na mangibang-bansa na rin. 

Ang epekto nito sa kasalukuyan ay ang pagkaranas ng bansa ng “brain drain” na maaring lumumpo sa mga industriya dito sa Pilipinas. Katuwiran nila na maghihirap na nga lang din sa trabaho doon na sila sa mataas ang sweldo. Hindi naman natin masisi ang ating mga kababayan na piliin ang mangibang-bansa kung doon nila malalasap ang kaunlaran. Ngunit matatawag ba nating kaunlaran ang pagsisilbi sa lupa ng banyaga kaysa ang paglilingkod sa ating bayan? 


V. KULTURA NG POLITIKA

Bunsod ng mahabang panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang kolonyalismo at elitismo ay buhay na buhay at nananalaytay sa kasalukuyang lipunan. Makikita natin ito sa umiiral na elitistang politika, politika ng mga personalidad, at neokolonyalismo na humahadlang sa pagkamit ng pambansang kaunlaran. 

Ang elitistang politika ay buhat pa sa sinaunang sibilisasyon sa Pilipinas kung saan may maharlika at alipin. Ang mga maharlikang pumanig sa mga Kastilang mananakop ay napanatili ang kanilang yaman at nabansagang mga “illustrado”. Ang mga illlustrado naman ang nabigyan ng pwesto sa gobyerno sa pananakop ng mga Amerikano. Ang mga “elite” ang namayagpag sa iba’t ibang sektor ng politika kaya’t ang interes lamang ng mga naghaharing-uri at dayuhan ang binibigyang-pansin. Ang pagkakaroon ng “utang na loob” sa mga politikong tumutulong sa mga mamamayan ay may kapalit na pagsuporta sa pagtakbo nila sa eleksyon. Isa pa ang talamak na “vote buying” na sumisira sa kalayaang pumili ng lider ng mga mamamayan. Ang mga mayayaman lamang ang may pinansyal na kakayahan para gumastos sa pangangampanya kaya’t sila ang nananatili sa pwesto. 

Bunga ng elitistang gobyerno ay nagkaroon na ng pangalan ang mga angkang matagal ng nakaluklok sa pwesto. Naging negosyo na ng pamilya ang tumakbo sa politika – mula sa lolo’t lola, nanay at tatay, tito’t tita, pati na ang mga anak at apo. Tanyag na apelyido na lamang ang sukatan ng mga karaniwang botante sa pagpili ng ibobotong lider. Kahit na ba may kaso ng korapsyon at kung anu-ano pang katiwalian, basta’t sikat ang apelyido o pamilya mo tiyak na ang pwesto mo sa gobyerno. Kaya naman ang mga personalidad tulad ng mga artista, boksingero, at komedyante ay pinasok na rin ang politika. Ginawa nilang “retirement plan” ang pwesto sa gobyerno. Sigurado na rin ang boto sa kanila dahil sikat na sila. Ganyan ang kultura ng politika sa Pilipinas, basta’t sikat ka o ang pamilya mo pasok ka na sa gobyerno.

Ang koneksyong nag-uugnay sa ’tin sa dayuhan ay hindi naputol dahil mga elistita pa rin ang namumuno sa ating bayan. Bitbit ng mga elitistang politiko ang kolonyal na mentalidad na kumikiling sa kapitalismo na ang mga naghaharing-uri at banyaga lamang ang nakikinabang. Ang neokolonyalismo ay ang modernong paraan ng pananakop ng mga dayuhan na pinapakita sa anyo ng “pagtulong” ng dating mananakop sa politika at ekonomiya ng dating kolonya. Kaya’t nakadepende pa rin ang ating pamahalaan sa mga banyaga na nagreresulta sa patuloy na pag-utang sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Amerika. Hanggang sa mabaon na tayo sa utang at patuloy na lang umasa sa kanilang tulong. 

Ipinagdadamot ng sistemang ito ng politika ang pag-unlad sa ating lipunan. Ang mga mayayaman ay patuloy sa pagpaparami ng pera’t ari-arian, samantalang ang mga mahihirap ay patuloy na nalulugmok sa kahirapan.


VI. KANSER NG LIPUNANG PILIPINO

Kung ang mga nakalipas na punto ay panlabas na manipestasyon ng hadlang sa kaunlaran sa ating bayan, ang tatalakayin ng bahaging ito ay ang panloob na sakit ng bayan. Ang kanser ng lipunang Pilipino na kumukonsumo sa mithiing kaunlaran ay ang katamaran, ningas-kugon, at rehiyonalismo.

Ang katamaran ayon sa mga eksperto ay dahil daw sa ating klima na maalinsangan na sa kaunting pagkilos ay agad na pagpapawisan. Ngunit hindi iyon dahilan para umiwas na lamang ang bawat Pilipino sa pagbabanat ng buto. Lalo na’t nangangailangan sabayan ng kilos ang mithiin natin natin tungo sa pag-unlad. 

Ang ugaling ningas-kugon naman ay pagkakaroon ng sigasig, sigla, at galing sa umpisa. Sa madaling sabi, magaling lang sa simula. Kilala rin ito sa katawagang “maňaňa habit” na nangangahulugang bukas na lang sisimulan o gagawin ang isang bagay. Ito ay hadlang sa pagtutuloy-tuloy ng ating pagkilos tungo sa pambansang kaunlaran.

Ang rehiyonalismo ay diskriminsayon ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino na kadalasan ay nangyayari sa konteksto ng rehiyon. Kagaya ng pagbibigay ng “stereotype” sa mga taga-Bisaya na mga katulong at sa mga taga-Mindanao na terorista. Ang paghihiwalay na ito ay hindi nagtataguyod ng pagkakaisa natin bilang isang lahi. Dapat pairalin ang respeto sa bawat isa saang rehiyon at anuman ang wika o diyalekto ang kanilang gamit dahil iisa lang ang ating lahi. 


VII. TANGLAW NG BAYAN

Bigyang-kahulugan natin ang kaunlaran ayon sa depinisyon ng United Nations (UN Declaration on the Right of Development) na: “isang komprehensibong proseso ng paglago sa sangay ng ekonomiya, lipunan, kultura, at politika na isinasaalang-alang ang kapakanan ng kabuoan ng populasyon at ang aktibo, malaya, at mapagpalayang pakikilahok ng mga kasapi nito para sa pag-unlad at pantay na karapatan mula rito.” 

Kung gagamitin nating pamantayan ang depinisyon ng UN sa kaunlaran ay mahihinuha natin na kahit na sandamakmak man ang suliraning dala ng anino ng dayuhan sa ating ipunan, mayroong tanglaw ng bayan na maaring magbigay liwanag sa nadirimlan nating kababayan sa paglalakbay natin tungo sa pagkamit ng pambansang kaunlaran. Ang solusyon sa panloob at panlabas na tunggalian sa entablado ng ng kalikasan, edukasyon, ekonomiya, politika, at lipunan ay ang kaunlarang isinasaalang-alang ang interes ng lahat ng mamamayan anuman ang estado sa lipunan, rehiyon, relihiyon, kasarian, at kulay.

Maari nating ikasangkapan sa pagkamit ng pambansang kaunlaran ang pagpapatibay ng pag-unawa, pag-aaral, at pagsasaliksik sa Filipinolohiya na ayon kay Bayani G. Abadilla ay ang: “disiplinang karunungan na nakasalig sa makaagham na pag-aara lsa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan.”Bilang paglalagom sa kabuoan ng repleksyong papel, mahalaga ang pag-uungkat ng ating pinag-ugatan – ang ating wika, kultura, at kasaysayan - na siyang nagbubuklod sa atin bilang isang lahi. Kaputol at kadugtong nito ang mithiing paunlarin hindi lamang ang sarili bagkus pati na rin ang bayang sinilangan kasama na ang ating mga kababayan. Sa pag-uungkat, paghuhukay, at pagbubungkal ay matutuklasan natin ang mga yaman ng ating lahi na dapat natin linangin at ang mga bangkay ng ating kahapon na dapat nating solusyunan. Bagaman nagsisimula pa lamang ang ating lahi sa paglalakbay tungo sa pag-angat ng tanglaw ng ating bayan – ang pagkakakilanlan, diwang makabayan, at kalayaan – na siyang magpapalaya sa ating bayan mula sa anino ng dayuhan.


SANGGUNIAN

ARTIKULO

Abadilla, B.S. (2002). Wisyo ng Konsepto ng Filipinolohiya.

Buendia, R. G. (1993). Colonialism and Elitism in Philippine Political Development: 

Assessing the Roots of Underdevelopment. 

Demeterio Iii, F. P. (2012). Sistematikong Multilingguwalismo: Lunsaran ng Mas Matatag 

na Wikang Pambansa = Systematic Multilingualism: Foundation for a more Effective 

National Language. MALAY, 24(2).

Maningas, I. (1993). Kasipagan, Pagkamakabayan, At Pagkamaka-Diyos: Implikasyon 

sa Kaunlaran ng Bansang Filipinas. MALAY, 11(1).

Rallonza, M. V. (1996). Ang Kapaligiran At Ang Mga Katutubong Filipino: Isang Pagsusuri 

Ng Fundamental Na Epekto Ng Pambansang Kaunlaran. MALAY, 13(1).

Tullao Jr., T. S. (2006). Padalang Salapi ng mga OFW: Nagdadala ng Kabuhayan, 

Katatagan at Kaunlaran sa Ekonomiya. MALAY, 19(1).

DOKUMENTARYO

Mary Rose Bulos. (2013, July 4). Don't English Me! Documentary of Howie Severino) 1(1) 

[Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=tWNv-BLjmLQ

GMA Public Affairs. (2014, August 12). Investigative Documentaries: Ang estado ng 

wikang Filipino [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=WSsEaBA06-0

GMA Public Affairs. (2018, September 30). I-Witness: 'Pag-asa sa Pagbasa,' 

dokumentaryo ni Kara David (full episode) [Video]/ YouTube. 

https://www.youtube.com/watch?v=J7JegoKjpmM

HATINGGABI (2023)

Sa paglubog ng haring araw

Kumalat ang dilim sa paligid

Ang liwanag ay unti-unting pumanaw

Sa loob ng aking munting silid


Sa pagsapit ng hatinggabi

Nahati rin ang ngiti at simangot

Tinago ang tunay na sarili

Gising akong binabangungot


Nagniningning kapiling ang bituin

Kausap ang sarili sa salamin

Sa bukangliwayway ay tutunghayan

Nangungulilang araw sa ulap na nagdaraan




VULCANIZING SHOP (2023)

Sabi nga ng isang pilosopo na si Rufa Mae Quinto,

“Ang buhay ay parang gulong.

Minsan nasa itaas.

Minsan nasa ibaba.

Minsan nasa Vulcanizing Shop.”


MINSAN NASA ITAAS

“Ang mga maituturing na bulaklak ng ating kabataan

Dadalhin at babaunin hanggang sa kamatayan.”

 

Minsan ikaw ay nasa itaas na…

 Ang buhay ay masaya

Ang panahong walang problema

Kapiling ang kaibigan at pamilya

Kapiling ang taong mahahalaga

 

Mga pagkakataong pinagsaluhan

Ang tagumpay na pinaghirapan

Mga taong pinagkakatiwalaan

Mga alaalang babalik-balikan


MINSAN NASA IBABA

“Ang mga taong nagbibigay sa atin ng lugod,

Ang siya ring magbibigay sa atin ng lungkot.”

 

Minsan ikaw ay nasa ibaba na puno ng…

Mga mapapait na kasawian

Mga taong nang-iwan

Mga sandali ng kapanglawan

Mga alaalang kinakalimutan

 

Ang oras na patuloy sa pagtakbo

Habang ako’y sugatan at naghihingalo

Ang humagupit na malakas na bagyo

Ang mga aral na sa akin ay nagpayuko

 

MINSAN NASA VULCANIZING SHOP

“Ang mga aral na bunga ng araw na sumikat sa pinagtamnan

Ang mga aral na bunga ng ulang pumatak sa halamanan

Sa aking buhay ay lagi’t lagi kong pakatatandaan.”

 

Nawalan man ng inspirasyon

Ang agos ay hindi sumasang-ayon

Hindi pa huli ang panahon

Para huminga at maghanap muli ng direksyon

 

Minsan ikaw ay nasa vulcanizing shop

Hindi ka nalayo sa iyong pangarap

Huminto ka lamang para lumanghap

Ng sariwang hangin habang nakatingin sa alapaap

PAGSUSURI SA ANG LIPUNANG FILIPINO: ISANG PAGLILIMI UKOL SA MODERNISASYON AT GLOBALISASYON NI RANDOLF S. DAVID (2022)

 

PAGDALUMAT SA PAMAGAT

 

“ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi ukol sa Modernisasyon at Globalisasyon”

 

PAGPAPAKAHULUGAN NG MGA TERMINOLOHIYA:

 

·         Lipunan – Ang salitang lipunan ay hango sa ugat nitong “lipon” na ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Diskyonaryo ay nangangahulagang katipunan ng mga bagay, tao, at iba pa. Sa madaling sabi, ang lipunan ay sambayanan o mga taong naninirahan sa parehong lugar

 

·         Filipino – kadalasang pumapatungkol sa wika, ngunit ginagamit din para tukuyin ang mamamayan ng bansang Pilipinas

 

 

·         Paglilimi – Ayon sa KWF Diskyonaryo ang limi (salitang ugat) ay nangangahulugang pagsusuri at pag-iisip sa anumang bagay o pangyayari.

 

·         Modernisasyon - – Ayon pa rin sa KWF Diskyonaryo, ang kahulugan nito ay pagiging makabago.

 

 

·         Globalisayon – Sa tala ng KWF Diksyonaryo, ang globalisasyon ay paraan ng pamumuhay at pananaw na nakaugnay sa buong mundo.

 

Samakatuwid, ang kahulugan ng pamagat ay ang pagsusuri sa sambayanan ng mga Filipinong may halos pare-parehong karanasan sa pagbabago ng kaisipan at ang pagsabay nito sa buong mundo. Mahihinuha na ito ay nakasandig sa agham-panlipunan partikular na sa Sosyolohiya na larangang sumusuri sa lipunan upang lubos itong maunawaan para makapagbahagi ng suhestiyong makakapagpabago dito.

 

KALIGIRAN NG MAY-AKDA

 

Picture

 

RANDOLF S. DAVID

 

Siya ay Sosyologo, Kolumnista, Mamamahayag,Television Host, Propesor Emeritus ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, at miyembro ng board of advisor of ABS-CBN Corporation.

 

He is a Sociologist, Columnist, Journalist, Television Host, Professor Emeritus of Sociology in University of the Philippines, and member of board of advisor of advisor of ABS-CBN Corporation.

 

Nagtapos siya ng Bachelor of Arts degree, major in Sociology sa University of the Philippines.

 

Siya ang sumulat ng “ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi ukol sa Modernisasyon at Globalisasyon” na binasa sa Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang

Filipino [International Congress on Philippine Studies],

Agosto 2-4, 2017, National Museum, Manila)

 

NILALAMAN NG ARTIKULO: MGA PUNTONG TINALAKAY

 

·         KAHALAGAN NG SOSYOLOHIYA

·         Ang sanghay ng agham panlipunan na Sosyolohiya na naglalayong pag-aralan ang lipunan para matukoy ang tamang pagbabago dito.

 

·         Wika ay mahalagang kasangkapan sa proseso ng demokratisasyon.

 

·         GLOBALISASYON AT MODERNISASYON

 

·         Globalisasyon paglulunsad ng bagong plataporma ng komunikasyon ang social media.  Ngunit hindi makasabay ang ating pamahalaan sa pagbuo ng mga batas. Pati na rin ang mga kinagisnang institusyon ay hindi makasabay sa bilis ng mga pagbabagong ito.

 

·         Modernisasyon ay bunsod ng globalisasyon. Ito ay isang uri ng lipunan na may katangiang pagbubukod o differentiation of function.

 

ü  Ayon sa sulatin ni Randolf S. David ang halimbawa na “kung dati ay lahi, angkan o pamilya, o uring kinabibilangan, o kasarian, ang pangunahing gabay sa komunikasyon—sa modernong lipunan, ang mga ganitong katangian ay unti-unting nawawalan ng halaga.” May panibagong takdang midyum ng komunikasyon para mabisang maisagawa ang trabaho.

 

ü  Ayon pa rin sa may-akda na “Ang proseso ng unti-unting pagbubukod o differentiation ng iba’t-ibang larangang ito sa lipunan ay higit marahil mapapansin sa panahon ng transisyon—kung saan ito’y nagbubunga ng kalituhan na malimit humantong sa away.”

 

 

    TRADISYONAL VS MODERNONG LIPUNAN

 

§  Awtoritaryanismo o kamay na bakal noong Panahon ng Diktadurya ni Marcos. Martial Law.

 

ü  Isang bahagi ng kasaysayan na dapat huwag natin kalimutan.

ü  Hindi dapat sinasakal ng gobyerno ang mamamayan lalo na sa isang bansang demokratiko. Bagaman ang kalapit nating bansa tulad ng Tsina, South Korea, Singapore at Vietnam ay umunlad sa pagpapatupad ng kamay na bakal ng kanilang lider ay hindi pwedeng kopyahin

ü  Dapat parehong pinapahalagahan pa rin ang human rights at civil liberties kasabay ng pagpapaunlad ng ekonomiya at “social harmony”.

ü  Walang shortcut sa problema ng isang bansa kaya mahalaga ang siyentipikong pagsusuri sa lipunan lalo na sa pulitikal na programa ng pagbabago.

 

§  Kapitalismo

 

ü  Nanatili pa rin ang tagisan sa uring panlipunan. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema ng kahirapan matapos ang mapayapang protesta sa EDSA para bumagsak ang diktador.

ü  Lumang sistema pa rin ang namamalakad sa bansa kaya buhay pa rin ang lumang problema.

ü  Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagsimula sa konsepto ni Marcos noong 1974. Tatlong dekada na ay nandito pa rin at ginawang sandalan ng ekonomiya ng pamahalaan. Dalawang bilyong dolyar ang ipinapadala ng mga OFW bawat buwan kaya’t gustuhin man natin kumawala sa pang-aalipin ay hindi natin kaya dahil umaasa rito ang bawat institusyon ng lipunan gaya ng bangko at iba pang kumpanya.

 

§  Paghahalo ng tradisyunal na relasyon at modernong pananagutan sa Mamasapano 2015 sa ilalim ni Pangulong Aquino

ü  Paghahalo ng personal na relasyon at propesyunal na pananagutan Ni Pangulong Aquino na isinalang ang kaibigang suspendido na hepe para sa Oplan Exodus. Nagkabulilyaso ang chain of command dahil dito.

§  Pangulong Duterte: isang matingkad na produkto ng lumang lipunan at kultura

§  Ang politikong Pamlya Parojinog na pinahuli dahil sindikato ng droga ayon kay Pangulong Duterte

§  Pagpapahuli sa kritikong si Sen. Lelia de Lima kahit wala pang hatol na napatunayang may sala

§  Paglilibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani kahit maraming tutol rito.

§  Ang solusyon sa problema sa droga na pagpatay sa mga “adik” sa droga na halos lahat ay mga mahihirap

 

·         SOLUSYON

 

·         Ayon kay Randolf S. David, “Sa tradisyunal na lipunan, ang tugon ng mga nasa kapangyarihan sa kahirapan ay gawin silang mga alila at mga kapanalig na pinaasa sa iniaabot na biyaya. Sa isang modernong lipunan, ang sagot sa kahirapan ay hindi simpleng pagbibigay biyaya—bagkus pagbibigay ng kakayahan at oportunidad sa lahat, upang sila’y makatakas sa iba’t ibang anyo ng pagka-alila. Sa pamamagitan ng pagbibigay libre o abot-kayang edukasyon, suporta sa kabuhayan, kalusugan, at pabahay, inaako ng isang modernong pamahalaan at komunidad ang pag-aangat sa katayuan ng bawat mamamayan, bilang batayang pananagutan ng pambansang pamunuan, at hindi bilang kapalit ng isang personal na obligasyon.”

 

·         Masinop at palagiang pagtanaw at pagtatanong sa sarili o Reflexivity at panlipunang pagsusuri bilang instrumento ng panlipunang reflexivity. Dapat na suriin sabi nga ni Randolf S. David ang lipunan mula sa loob at labas nito, at iulat sa nakararami ang napag-aalaman—kung paano tayo nabubuhay bilang isang lipunan, kung paano tayo nagpapasya, at kung paano nagbabago ang ating mga pinahahalagahan (values) sa paglipas ng panahon

 

·         Sabi nga ni Marx: “Politicians and revolutionaries of every generation have tried to change the world in various ways. The point however is to understand what is happening to this world.”

 

 

KONKLUSYON: MENSAHENG NAIS IPARATING

 

·         Ang mga lumang problema na kamangmangan, kahirapan, at katiwalian ay nakaugat sa kawalan ng matatag na pambansang liderato, ng isang pambansang bisyon na nananatiling buhay sa kabila ng pagpapalit ng mga pinuno, at ng matibay na pambansang mithiin at plano na hindi binabago para mapagbigyan lang ang nakaupo.

 

·         Ito ay nakaugat sa kawalan ng pagpapahalaga sa pag-aaral ng agham panlipunan, o ang Sosyolohiya. Matutukoy natin ang pinagmulan ng suliranin sa ating lipunan kung susuriin natin ang bawat pangyayari sa ating kasaysayan, ekonomiya, politika, at lalo na sa lipunan kung saan maaring makabuo ng makabago at pangmatagalang solusyon sa luma at tradisyonal ng problema sa ating bayan.

 

 

SANGGUNIAN

https://www.prrm.org/prof-randy-s-david.html

https://kwfdiksiyonaryo.ph/

WORK IN PROGRESS (2022)

Who am I?

I am a work in progress

I am never too much, I am never not enough


I am in my endless pursuit

Searching for my place in this vast world

Searching for my worth in this tiny heart


I may be little and fearful

I may be flawed and hateful

I may be an imperfect creature


But, I will work on myself, I will do it for me 

I will work on myself, I will try my very best

For I am a work in progress


I may be too upbeat and uproarious

I may be too offbeat and oblivious

I may be too much to handle


But, I will endure and remain

I will trust the process

For I am a work in progress


Colors from emotions that taught me how to live

Designs from my triumphs and ecstasy

Carvings from my defeats and despondency


For when I enter into my deep slumber

I will recollect, relive, and remember

The fruit of my work in progress 


REPLEKSYON SA LISYANG EDUKASYON NI RENATO CONSTANTINO (2022)

    Ayon sa panimula ng may-akda na si Renato Constantino, “Ang edukasyon ay isang mahalagang sandata ng isang bansang nagpupunyaging magtamo ng kalayaang pangkabuhayan at pampulitika at nagnanais na muling madalisay ang sariling kultura. Dahil dito, ang ating edukasyon ay dapat lumikha ng mga Pilipinong may pag-unawa sa saligang suliranin ng bayan at sa mga lunas sa mga suliraning ito. Dapat itong lumikha ng mga Pilipinong may sapat na malasakit sa bayan at may sapat na lakas ng loob na kumilos at magpakasakit para sa katubusan ng Inang Bayan.” Samakatuwid, ang edukasyon ay hindi lamang nakukulong sa ideya ng pangangalap ng impormasyon tulad ng pagkatuto sa pagsulat, pagbasa, at pagkukwenta. Ipinakilala sa atin ng mga Amerikanong mananakop na sila ang “tagapagligtas” natin buhat sa pagiging kolonya ng Espanya. Sabi nga ng may-akda, ”Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito.” Kaya’t ibinigay nila sa atin ang karapatang ipinagkait sa atin ng mga Kastila – ang karapatang makapag-aral. Kinasangkapan nila ito upang lituhin, limutin, at lisyahin ng mga Pilipino ang ating pagkakakilanlan nang sa gayon ay madali tayong mapasailalim at maging sunud-sunuran sa kanila.

Sa humigit-kumulang na limampung taong pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa napakalaki ng naging pagbabago sa ating kaisipan dahil sa kanilang panlulupig gamit ang edukasyon. Ang mga naging epekto ng sistemang pinairal ng mga Amerikano sa edukasyon sa Pilipinas ay danas pa rin ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon; Ito ay ang mga sumusunod – Pilipinong Maka-dayuhan, Suliranin sa Wika, at Pribadong Sektor.


Pilipinong Maka-dayuhan

Ipinakilala sa atin ng mga Amerikano ang mga kuwento nina George Washington at Abraham Lincoln, awiting Amerikano, ang pangitain ng pag-ulan ng yelo at si Santa Claus nang sa gayon ay malimot natin ang ating kabansaang tampok sa sarili nating mga kwento at awitin. Ang mga bayani nating nakipaglaban para sa kasarinlan mula sa mananakop ay pinalabas na tulisan, salarin, at subersibo. Sila ang sumulat ng mga aklat hinggil sa ating kasaysayan na binura ang diwang makabansa nating mga Pilipino. Bunsod din ng malayang kalakalan natin sa kanilang bansa, ipinakilala nila ang mga produkto na kinagiliwan ng marami. Ang kunwaring malayang kalakalan bilang patunay ng kabutihang-loob at pagkakawanggawa ng mga Amerikano ang naging daan para makontrol nila ang ating ekonomiya. Ito ang ginamit nila para isipin nating nakahihigit sila sa atin pagdating sa teknolohiya. Ang industriyalisasyon ay hindi natin maabot dahil ang larawang ipinakilala nila sa atin ay ang buhay sa kabukiran na agrikultura lamang ang kaya nating gawin. Ibinunga nito ang kaisipang Kanluranin o ang mga Pilipinong Maka-dayuhan. Kaya’t naging mababaw na lamang ang ating pagiging makabansa na ayon sa artikulo ni Renato Constantino ay naipapakita lamang sa ”paggalang sa watawat, pagpuri sa kagandahan ng kabukiran at iba pang mga walang saysay na pagpapakita ng kabansaan.” Nabulag na ang mga mamamayan sa kunwaring “pagtulong at kabutihan”ng mga mananakop kaya’t nagbunsod ng mga “mamamayang larawan ng kawalang malay at nakasandig sa mga pakikitungo sa mga dayuhan… mamamayang manhid sa pag-aalipusta ng ibang bansa, bukas-palad sa mga dayuhan at tumutulong pa sa kanila sa pagdambong sa ating likas na kayamanan.” Dinadakila pa rin ng mga Pilipino hanggang ngayon ang kultura ng mga Kano kaysa ang sa atin kaya’t damang-dama pa rin ang tuwirang epekto ng edukasyong banyaga sa ating bansa.


Suliranin sa Wika

Nang isubo sa atin ng mga Kano ang Wikang Ingles sa kanilang pamamalakad ng edukasyon sa ating bansa ay itinanim nila sa ating mga utak na ito ang wika ng demokrasya, ng talino, at ng kapangyarihan. Isinantabi nila ang katutubong wika na daluyan ng ating identidad, kultura, at diwang makabansa. Ibinaba nila ang ating wika at itinaas ang sa kanila. Nahirapang makausad ang maraming mga mag-aaral dahil sa panibagong wika na kanilang aaralin muna bago maunawaan ang araling tinatalakay.Pinalabas nilang inililigtas nila tayo mula sa kamangmangan. Nakawala na nga tayo sa pangalang Indio na katawagan ng mga Kastila ay mangmang at inutil pa rin ang turing sa atin ng bagong mananakop. Ayon kay Rizal, “Maglalaho ang sarili ninyong pagkatao, paaalipin kayo sa utak ng iba, at sa halip na palayain ang inyong sarili ay masasadlak kayo sa ganap na pagkaalipin!” Sa madaling sabi ito aniya ay isang pagpapatiwakal. Sabi nga ni Renato Constantino, ”Sa alinmang malayang bansa, likas ang paggamit ng katutubong wika sa edukasyon. Pero dito sa atin, masyadong malalim ang pagkagumon natin sa kolonyal na edukasyon na hindi mapagkasunduan ang paggamit ng ating sariling wika na mas maraming Pilipino ang tutol kaysa pabor na gamitin ito.” Hanggang ngayon ay pasan-pasan pa rin ng milyon-milyong mag-aaral ang suliranin ng wika pagdating sa pagkatuto. Sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, kulelat ang Pilipinas pagdating sa reading comprehension, mathematics, at science. Ang mga asignaturang ito ay itinututuro sa midyum ng Wikang Ingles. Isa itong patunay na naghihirap pa rin tayo sa aspekto ng edukasyon bunga ng dayuhang wikang dala ng mga Amerikanong mananakop.


Pribadong Sektor

Pinakilala ng mga Amerikano ang konspeto ng pampublikong paaralan kung saan maaring mag-aral ang kahit na sino – babae man o lalaki. Pinasok na rin nila ang sektor ng politika at ekonomiya kaya’t umikot na rin sa pera ang edukasyon. Nagkaroon na rin nga paghahati sa edukasyon – ang pribadong institusyon at ang pampubliko. Ayon kay Renato, “Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mababa ang tingin ng mga nagsipagtapos sa paaralang publiko sa mga nagtapos sa mga pribadong paaralan. Itinuturing ng marami na mas mahusay ang mga nagsipagtapos sa paaralang publiko kaysa pribado.” Sa pagdaan ng panahon ay hindi na epektibo ang paraang ito, bumaba na ang kalidad ng edukasyon dahil sa kawalan ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan at ang komersiyalisasyon ng mga pribadong institusyon. Naging negosyo na lang ang edukasyon. Dahil ito ay naging negosyo ay lumaki nang lumaki ang kanilang paaralan na hawak ng mga dayuhan. Sila na rin ang nagtuturo ng agham panlipunan kaya’t hindi napagtuonan ng pansin ang diskurso ng diwang makabansa. Ang mga walang sapat na kakayahang mag-aral sa pribadong sektor ay lubhang napag-iiwanan na pagdating sa kaalaman dahil kulang sa silid-aralan o kaya naman ay siksikan at kulang sa kagamitan tulad ng mga aklat. Mas naramdaman sa kasalukuyan ang agwat ng mga nag-aaral sa pribado at pampublikong institusyon dahil sa distance learning. Angkaramihan sa mga nasa pampublikong paaralan ay walang gagamiting electronic gadget para makadalo sa mga online meeting at makagawa ng mga gawain. Ang mga nasa pribado naman ay kumpleto sa kagamitan kaya’t hindi naging sagabal sa kanilang pag-aaralan ang pandemya


Sabi ni Renato Constantino sa kanyang artikulo na Lisyang Edukasyon ng Pilipino,“Ang edukasyon ng Pilipino ay dapat maging isang Pilipinong edukasyon.” Ang edukasyon ay dapat mapagpalaya sa paghubog ng mga Pilipinong naninikluhod sa mga mananakop. Huwag nating itulad at iwangis sa konspeto ng mga Kanluranin dahil iba ang lagay ng kanilang politika, ekonomiya, at kultura kumpara ng lagay sa atin. Dapat itong ibatay, iayon at iakma sa ating adhika at pangangailangan bilang isang bayan. Pagkatuto na humuhubog ng isang mamamayang mayroong malasakit sa bayan at may pag-unawa sa kanilang pagiging bansa. “Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kani-kanilang mga sarili.” Samakatuwid, ayon pa rin kay Renato Constantino, “Ang tungkulin ngayon ng edukasyon ay iwasto ang maling pananaw na ito.” Ipaglaban natin ang panawagan ng mga Pilipinong iskolar at ekonomista na ipinalaganap ng yumaong Claro M. Recto na Pilipino Muna. Masisimulan natin ang hakbangin na ito tungo sa pagkatutong makabansa sa pamamagitan ng pagsulat ng kasaysayan natin mula sa perspektibo natin at hindi ng sa dayuhan. Sa pagsaliksik, pagsusuri, at pagsisiyasat natin kung sino tayo mabubuo ang diwang makabayan na magiging saligan ng pag-unlad ng ating bayan bilang isang lahing malaya at mapagpalaya.


SANGGUNIAN:

Lisyang Edukasyon salin ng Miseducation of Filipino by Renato Constantino ni Lusi Maria Martinez 
Link:   https://filipinostudies.files.wordpress.com/2012/01/constantino.pdf 
Link: https://fil40online.files.wordpress.com/2012/06/lisyang-edukasyon-ng-pilipino.pdf 


PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...