Isinusulat sa bawat pahina ng nobela
Mga salitang hindi mabigkas ng dila
Sa likod ng bawat mahahabang litanya
Nandoon ang sundalong talunan sa giyera
Nakalupaypay na agad ang iyong mga braso
Wala pa ngang laban tinanggap na ang pagkatalo
Tinakpan ang ilaw na dapat itanglaw sa mundo
Gumilid ang bida na dapat gumitna sa entablado
Nakikipagbunong-braso sa sarili
Nilalabanan ang mga luha at ngiti
Pilit na ipinagbubunyi
Ang kasawian kong parati
Ako ba ay habambuhay na talunan
Kung sarili ko lang naman ang kalaban
Magpapatalo ba ako sa madilim na yugto
O aakyatin ang balong pinagbagsakan ko
Ang iyong mga pakpak na nakatiklop
Iwagayway at lumipad saan mang lupalop
Tuklasin, halughugin, at liparin
Ang taas ng sa buhay mong hangarin