PAGSUSURI SA SARUNG BANGGI AT PALASONG ULILA
I. AWITING BAYAN
SARUNG BANGGI (Awiting Bayan ng Bikol)
ni Potenciano V. Gregorio
“Sarung banggi, sa higdaan
Nakadangog ako nin huni nin sarong gamgam
Sa loba ko katurogan
Bako kundi simong boses iyo palan
Dagos ako bangon
Si sakuyang mata iminuklat
Kaidtong kadikluman ako nangalagkalag
Si sakong paghiling pasiring sa itaas
Simong lawog nahiling ko maliwanag”
SARUNG BANGGI (Salin sa Wikang Filipino)
“Isang gabi, maliwanag, ako'y naghihintay
Sa aking magandang dilag,
Namamanglaw ang puso ko
At ang diwa ko'y lagi ng nangangarap.
Malasin mo giliw ang saksi ng aking pagmamahal,
Bituing nagniningning, kislap ng tala't liwanag ng buwan,
Ang siyang magsasabi na ang pag-ibig ko'y sadyang tunay
Araw, gabi, ang panaginip ko'y ikaw.
Magbuhat ng ikaw ay aking inibig,
Ako ay natutong gumawa ng awit;
Pati ng puso kong dati'y matahimik,
Ngayo'y dumadalas ang tibok ng aking dibdib.”
II. TULA
PALASONG ULILA
ni Marikit
“Minsan raw naubusan si Kupido ng pana
Kaya isang puso lang ang may tama
Nakakalimutan na dalawa dapat ang magkapareha
Kaya mayroong naiiwang mag-isa
Kahit ay hagilapin saan kahit sa eskinita
Wala kahit ni isa na tumutugma
Sa pihikan kong puso na nangungulila
Baka ako na nga ang natamaan ng palasong ulila?”
III. PANIMULA
TALINHAGA, TALASTASAN, AT TALAMBUHAY
Ang mga akdang susuriin sa papel na ito ay ang awiting bayan at tula. Kapwa may kariktan na siyang nagpapatingkad sa kathang ito. Kadalasan ang mga tema nito ay kinukubli sa talinhaga. Ang talinhaga ay pinagdugtong-dugtong na salita ng nakataling-hiwaga. Nasa mambabasa o manunuri na upang tuklasin ang hiwagang nakatago sa
isang teksto.
Ang talastasan naman ay ang kompilasyon ng mga pagsusuri ng mga dalubhasa na gagamitin bilang sanggunian upang masigurado na wasto ang kritik na isasagawa. Mawawari natin ang salitang ‘talas’ sa talastasan na kasingkahulugan ng tulis,talim, at tusok. Mula dito ay maihahalintulad natin ang bias ng isang akda sa kakayahan nitong ipaglaban ang bayan, paniniwala, at paninindigan gaya ng isang espada.Ang talambuhay naman ay pumapatungkol sa kaligiran, kasaysayan, at kalagayan ng may-akda.Ang kaligiran ay ang mga impormasyon tungkol sa sumulat ng akda. Ang kasaysayan naman ay mayroong malaking gampanin sa pagkatha ng panitikan dahil dito maiuugnay ang mga konteksto ng sulatin at dito umiinog ang inspirasyon para kumatha ng sining. Ang kalagayan ng may-akda ay napakahalagang isaalang-alang upang lubusang maunawaan ang teksto.Tunay na nakakapanabik ang pagpapalawak ng ating kaalaman sa pamamagitan ng pagbasa at pagsuri ng mga akdang pampanitikan tulad ng awiting bayan at tula.Patuloy na magbasa dahil ang pagbasa ay pag-asa. Ang paglalakbay sa pag-unawa sa talinhaga, talastasan, at talambuhay ay isang serye ng pagpapaunlad sa sarili na mayroong pakialam sa sarili, kapwa, bayan, at mundo.
IV. PAGSUSURI SA AWITING BAYAN – SARUNG BANGGI
Ibabahagi ko lamang na ang aking mga lolo, ang ama ng aking ina at ang ama ng aking ama, ay buhat sa Catanduanes, Bicol kaya’t ang awiting bayang ito ang siyang napili kong dalumatin, suriin, at himayin. Isang pagbalik-tanaw, pagkilala, at pagpupugay sa aking pinag-ugatang bayan.
ISANG GABI
Kung isasalin sa Tagalog ang pamagat, ito ay tatawaging “Isang Gabi.” Sa mababaw na paglilimi ng awitin, ito ay pumapatungkol sa isang umiibig na nagising sa gitna ng gabi at wari’y napagmasdan ang kanyang iniirog. Marahil sa unang pagkarinig sa awiting ito ay ganoon ang mahihinuha ng mga tagapakinig. Ang tono at ritmo ng awitin ay akma sapanghaharana na kadalasan ay ginaganap sa gabi. Kasing lalim ng gabi ang nadaramangpag-ibig ng magkasintahan. Kasing kislap ng mga bituin ang mga salitang ginamit upang ilarawan ang sinisinta. Kasing lamig ng simoy ng hangin ang ritmo ng awitin. Sa kabuoan ay mawawari na ang pamagat na “Isang Gabi” ay bunsod ng kadahilanang ito ay panghaharana sa isang iniirog.
POTENCIANO V. GREGORIO
Isang kilalang musiko at kompositor si G. Potenciano V. Gregorio mula sa bayan ng Albay, Bicol. Kinatha niya ang Sarung Banggi sa edad na 17 taong gulang. Ang husay niya sa pagtugtog ng biyolin, piano, at bandura kasama na ang orihinal niyang komposisyon na Sarung Banggi ang naging susi upang mapasok siya sa Philippine Constabulary Band. Laging tinutugtog ang kanyang piyesa sa mga aktibidades ng bayan kaya’t madali itong sumikat at naging awiting pangharana ng mga taga-Bicol.Ayon kay Justo Gregorio, pamangkin ni Potenciano, naisulat ang Sarung Banggi dahil nabighani sa huni ng ibon at lagaslas ng dahoon si G. Potenciano. Ibang bersiyon naman ang ibinahagi ni Resurrecion Gregorio, apo ni Potenciano. Ayon sa kanya ito ay kinatha nang pumutok ang Bulkang Mayon noong 1897 at inalay sa kanyang nobya na si Dominga Duran na kalauna’y naging asawa niya.
PAG-IBIG SA INANG BAYAN
Ang persona na sinisimbolo ng awitin ay ang mga bayaning Pilipino. Ang mga bayaning may marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan. Ang paggising nila sa gitna ng gabi ay kahalintulad ng oras ng pagtitipon ng mga maghihimagsik upang pag-isipan at balangkasin ang mga hakbangin upang mapalaya ang ating bayan. Ang matamis nitong tinig ay pagwawangis sa kasarinlang minimithi ng ating lahi buhat ng tayo ay mapasailalim sa mga mananakop. Isa itong paalala na huwag nating limutin ang pag-ibig sa Inang Bayan at sa mga bayaning dinilig ang kanilang dugo't buhay upang matamasa natin ang ating kalayaan. Sabi nga ni Elias sa Noli Me Tangere, "Mamamatay akong hindi man lang makikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan. Kayong mga makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi." Kapansin-pansin sa linyang kinatha ni Dr. Jose Rizal ang “dilim ng gabi” at “bukang-liwayway” na mga talinhaga. Ang “dilim ng gabi” ay pumapatungkol sa pagwawakas ng buhay na alay sa mga bayaning nagbuwis nito para sa ating bayan. Ang “bukang-liwayway ay ang kasarinlang pinagbiktorya ng mga bayani. Ang pag-ibig sa bayan ay manipestasyon ng diwang makabayan, pakikipagkapwa, at pagkilos para sa ikabubuti ng nakararami. Isa itong aral na dapat iukit sa puso at isip ng bawat Pilipino. Upang mapagtibay ang pundasyon ng ating pagka-Pilipino at matamasa natin ang kaunlaran nang nagkakaisa at nagmamahalan.
V. PAGSUSURI SA TULA – PALASONG ULILA
PALASO, ULILA, AT KUPIDO
Ang palaso ay kadalasang ginagamit sa pangangaso o panghuli ng mga hayop sa
kagubatan. Si Kupido naman na siyang tauhan sa tula ay hango sa Mitolohiyang Romano
na diyos ng pag-ibig. Kaparehas naman sa Pilipinas ng pagkakakilala kay Kupido bilang
"matchmaker" o tagapana ng puso ng mga tao na kalaunan ay magkakaroon ng
romantikong ugnayan.
Masining ang pagkakahabi at pagkakaugnay ng palaso, ulila, at kupido para ilarawan ang
isang kuwento ng pag-ibig sa sarili. Ang tugmaan ay iisa at konektado sa dalawang
saknong. Ang diretsahang mga linya ay nagpapakita ng taos-puso at tagos-butong
pagsasalaysay ng proseso ng pighati at pagbangong-muli sa pag-ibig.
MARIKIT
Ang sumulat ng tulang susuriin ay isang blogger na nasa ilalim ng pseudonym na
“Marikit.” Siya ay nag-po-post ng kanyang mga tula sa blog na “Kasibulan ni Marikit.” Ang
salitang kasibulan ay hango sa salitang-ugat na “sibol” na nangangahulugan ng pagtubò
ng tanim na binhi. Datapwat, kung lalapian ng ka- at –an ay mag-iiba ang depinisyon nito
na magiging: panahon ng kabataan o kasariwaan ng anumang bagay (tulad ng halaman
at tao, o kalagayan ng isang lugar).
Mababakas sa blog page ang isang linya na: “Sa mga mahahalimuyak at makukulay na
bulaklak ng aking kabataang naisatitik para sa alaalang aking sasariwain at babalik-balikan.” Mula dito ay mahihinuha natin na ang mga karanasang nakatitik sa mga tula
dito ay mula sa kasibulan o kabataan ng may-akda. Ang kabataan na punong-puno ng
mga alaala ng pag-ibig, tagumpay, pagkasawi, at pagkabigo na siyang nagdala ng
maraming aral na baon-baon sa pagtanda.
PAG-IBIG SA SARILI
Kinabit sa palaso ang salitang 'ulila' na nangangahuluhang mag-isa at walang magulang.
Ngunit kung pagsasamahin ang palaso at ulila sa konteksto ni Kupido ay mahihinuha
nating pumapatungkol ito sa isang taong salat sa pag-ibig ng magkabiyak. Maaring
isangkot ang terminolohiyang "Single by Destiny" na kabuoang paksa nitong tula.
Ang pagiging mag-isa at walang kasintahan ay hindi nangangahulugan ng
pagkakasadlak sa kalungkutan. Hindi umiinog ang mundo sa romantikong pananaw.
Hindi lahat ng tao ay itinadhanang umibig. Sadyang mapaglaro ang tadhana. Maaring sa
ibang aspeto ng buhay bumuhos ang kasaganaan ng kapalaran.
Ang pag-ibig sa sarili ay isang proseso ng pag-iimpok ng kayamanan sa iyong puso.
Kasalungat sa paniniwala ng ilan, hindi naman pangangailangan ang kasintahan upang
mabuhay. Ang pag-aalaga sa sarili, pagpapanday ng mga kasanayan, at pagtutuon ng
pansin sa mga makabuluhang bagay ay mga kilos na para sa pagpapaunlad na sarili na
makakamit lamang kung mamahalin mo ang nag-iisang ikaw.
VI. PANGWAKAS
SAMOT-SARING WANGIS NG PAG-IBIG
Samot-sari ang wangis ng pag-ibig kaya’t hindi ito maikakahon sa isang salita o sa isang
mukha. Maari itong pumaksa sa iba’t ibang mukha gaya ng pag-ibig sa kasintahan, pag-ibig sa magulang o pamilya, pag-ibig sa bayan, pag-ibig sa kalikasan, pag-ibig na
masaklap, pag-ibig sa sarili, at pag-ibig na pagkakamali.
Ang pag-ibig ay isang popular na paksa at tema ng mga awitin at tula dahil ang mga
alaala, damdamin, at mithiin ay nailalabas bilang sining. Ang ritmo, tono, tugmaan, at
sukat ay mga bagay na direktang maiuugnay sa pag-ibig. Ang ritmo ng damdaming
nadarama sa tuwing umiibig. Ang kaaya-ayang tono ng relasyon sa isang tao. Ang
tugmaan ng dalawang taong nag-iibigan. Ang sukat ng oras at panahon na ilalaan para
sa mga pinahahalagahan sa buhay. Kaya’t maraming manunulat, kompositor, at musiko
ang kumakatha ng mga sining na pumapatungkol sa pag-ibig.
Sabi nga ng isang popular na kanta ni Donna Cruz, "Kapag tumibok ang puso wala ka ng
magagawa kundi sundin ito." Kaparehas naman nito ang isang tula ni Fransisco Balagtas
na, "Ang pag-ibig kung pumasok sa isip ng sinuman, Hahamakin ang lahat mukha ka
lang." Tunay na makapangyarihan ang pag-ibig. Isa itong malakas na pwersang
bumabalot sa isang nilalang upang mag-isip at kumilos nang kakaiba kaysa sa
nakagawian. Pag-ibig ang nagdala sa atin sa mundong ito. Pag-ibig din ang babaunin
natin sa pag-alis dito
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento