“Nag-iiba lang ang mukha ng kalaban ngunit parehong sistema pa rin ang lumulupig sa ating bayan.”
Nagsimula ang ating pagkaalipin mula ng dumating ang mga barko ni Fernando de Magallanes hanggang sa pagbalik ni Miguel Lopez de Legazpi para simulan ang pananakop ng Kastila sa ating bayan. Ito ay umabot ng tatlong daan at tatlumpu’t tatlong (333) taon ang kanilang panlulupig sa ating bayan. Layunin nila ang pagpapalaya sa atin mula sa impluwensiya ng demonyo. Nasakop din ng Briton ang Maynila taong 1762 hanggang 1764 habang nasa ilalim pa tayo ng mga Kastila. Hanggang sa binenta nila ang Pilipinas sa halagang $20 milyon sa panibagong mananakop – ang mga Amerikano – na sinakop tayo sa loob ng apatnapu’t walong (48) taon. Sila naman daw ang “tagapaglitas” na nagpalaya sa atin mula sa kamay ng mga Kastila. Sa gitna naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig napasailalim tayo ng mga Hapones ng tatlong (3) taon. Sila naman ang nagligtas sa atin mula sa pananakop ng Amerika. Matapos ang tatlong taong panlulupig ng mga Hapones ay bumalik sila Douglas MacArthur para iligtas tayo sa kanilang pang-aalipin.
Taong 1946 nang matamo natin ang kasarinlan mula sa mga mananakop na nagbabalat-kayong “tagapagligtas” daw natin. Ngunit tunay na nga ba ang tinatamasa nating kasarinlan? Malaya na ba tayo sa epekto ng pang-aalipin ng mga dayuhan? O sa paghihintay na naman natin sa pagliligtas ng dayuhan ay tayo na ngayon mismo angmanlulupig sa sarili nating mga kalahi?
Ang Alipin Noon
Ang mga Kastila ay pinakilala ang kanilang sarili na bitbit ang espada sa kanan at krus sa kaliwa. Ang mithiin nila ay ang maipalaganap ang relihiyon ng Kristiyanismo, ang maghanap ng Kayamanan, at matamo ang Katanyagan sa Europa. Kinasangkapan nila ang relihiyon, ang pagiging “Sugo ng Diyos” upang mapasunod ang mga Pilipino hanggang sa maging alipin na nila tayo o sa kanilang bansag – Indio. Sa ilalim ng frailocracia o ang pamumuno ng mga prayle sa kani-kanilang parokya ay nilason ang utak ng mga mamamayan sa paggamit ng Simbahang Katoliko at pananakot na mapupunta sa impiyerno ang sinumang lalabanan sila. Sa mali nilang pamamalakad ay ginawa nilang encomienda ang lupa ng mga katutubo at sapilitang pinagtrabaho ang mga kalalakihan ng walang bayad sa polo y servicio. Hinuburan nila ang mga katutubo sa kanilang material na pangangailangan at ipinalit dito ang kanilang turo hinggil sa Kristiyanismo. Katuwiran nila na maigi ng gutom ang sikmura at naghihikahos ang mga katutubo kaysa ang kagutuman ng kanilang kaluluwa sa pananampalataya. Ang panatisismo ang naging bunga ng kanilang maling pamamalakad gamit ang relihiyon. Dahil dito ay inalipin nila tayo gamit ang relihiyon na magliligtas daw sa atin mula sa mga demonyo ngunit mas masahol pa sa demonyo ang dulot nilang pagkasira para malugmok ang mga Pilipino.
Ang mga Amerikano naman ay dumating na hawak-hawak ang baril sa kanan at libro sa kaliwa. Nagbalat-kayo silang “tagapagligtas” daw ng mga Pilipino. Ang kunwaring mabuting imahen na kanilang ginamit para malinlang ang ating lahi. Kung ang mga Kastila ay nanlason sa pamamagitan ng espiritwal na aspeto, ang mga Amerikano naman ay panlalason sa intelektuwal na aspeto o ang kaisipan. Ang edukasyon na ipinagkait sa atin ng mga Kastila ang ginamit nilang sandata para pahinain ang diwang makabayan at itanim ang Kaisipang Kolonyal sa mga Pilipino. Sa pagpapadala nila ng mga gurong sundalo ay isinubo sa atin ang Wikang Ingles na ginawa nilang pamantayan ng talino, ng demokrasya, at ng kaunlaran. Ang mga bagay na ayon sa kanila ay hindi taglay ng mga Pilipino. Ito ay sapilitan nilang ginamit na midyum sa pagtutuo kung saan nahirapan ang mga mag-aaral na unawain dahil ito ay panibagong wika. Ang kanilang mga kwento, awitin, at produkto ay pinalaganap sa Pilipinas para itanim sa utak natin ang konseptong Pilipinong Maka-Dayuhan. Taliwas sa konspeto ng edukasyong mapagpalaya ang ipinunla sa atin ng mga Amerikano. Ikinulong lamang nila ang kaisipan ng ating lahi sa pamamagitan ng edukasyon na tayo ay mababang uri at mga mangmang na kailanman ay hindi sila mapapantayan
Lahing Ihiniwalay sa Kanyang Nakaraan.
Sa matagal na panahong nagapi tayo ng mga dayuhang mananakop, sila ang sumulat ng ating kasaysayan. Kaya’t kakaunti lamang ang ating kaalaman hinggil dito dahil ang perspektibo ng mga dokumento ay ang kanilang punto de vista. Nagtagumpay sila na sakupin hindi lang ang ating lupain bagkus pati na rin ang ating kaisipan. Ayon nga kay Renato Constantino, isang historyador, “Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito.” Tagumpay nilang nalupig ang kaisipan ng mga Pilipino sa relihiyon at edukasyon, kasama na rin ang politika at ekonomiya. Ang layunin nilang lisyahin, lituhin, at limutin ng mga Pilipino ang kanilang pagkakakilanlan ay ang magsisiguro na kakapit at kakapit pa rin ang ating bansa sa kanila. Sa pagbabawal nila sa mga kwento ng mga bayaning Pilipino ay lumaganap ang katakot-takot na pambansang amnesya sa ating bayan na magpahanggang-ngayon ay hindi natin malunasan. Ang mga aral na dapat nating matutunan mula sa kasawian ng ating bayan ay nabaon sa limot. Kaya’t hindi natin nasasaliksik, nasisiyasat, at nasusuri ang ating lipunan na siyang susi para sa maunlad na kinabukasan. Bunsod ng lahat ng ito, tayo ay naging lahing ihiniwalay sa kanyang nakaraan na patuloy na nagdarahop sa ating lupang sinilangan.
Ang Manlulupig Ngayon
Sabi nga sa awitin ni Bamboo na pinamagatang Tatsulok:
“Hindi pula't dilaw tunay na magkalaban.
Ang kulay at tatak ay di syang dahilan.
Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan.
At ang hustisya ay para lang sa mayaman.
Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok.
‘Di matatapos itong gulo.”
Ang mga nasa itaas ng tatsulok, ang mga trapo sa gobyerno, kapitalista sa negosyo, at iba pang naghaharing uri sa ating masalimuot na lipunan. Sila na namimihasa sa yaman ng bayan habang patuloy ang paghihikahos sa mga nasa laylayan ng lipunan. Mahigit pitumpung taon na mula ng makalaya tayo sa kamay ng dayuhan, ngunit pumalit naman ang mga nakaupo sa pwesto na sinisiil ang mga mamamayan at nananataling bulag at bingi sa hinaing ng masa. Dahil dito ay naghahari rin ang pagtinging subersibo na ang mga kritikong nagtataguyod ng diwang makabansa ay binubusalan, ginagapos,at tinatakot. Katambal nito ang pagpapalaganap ng maling bersyon ng kasaysayan. Walang ibang bersyon ang kasaysayan. Iisa lamang ito. Kaya’t nalalason nito ang utak ng mga Pilipino. Nakalaya nga tayo sa diktadurya ngunit sa pagsapit ng nakaraang eleskyon ay ibinalik sa katungkulan ang anak ng diktador at kanyang pamilya. Pilipino na ang lumulupig sa kapwa niya Pilipino. Nakalulungkot na ang paulit-ulit at hindi matapos-tapos na pagka-alipin ng ating lahi ay palala nang palala. Sabi nga ng isang kasabihan, “History repeats itself.” Tunay nga na bagaman ang kasarinlan ng bayan ay natamasa natin ay hanggang doon lamang iyon. Patuloy pa ring naghihikahos ang sambayanang Pilipino bunga ng ideolohiyang ipinamana sa atin ng mga mananakop na kinakasangkapan pa rin ng mga naghaharing uri sa lipunan – ang edukasyon at ang relihiyon. Alipin pa rin tayo ng sistemang ito kaya’t nananatiling mangmang at panatiko ang ating bayan na siyang sinasamantala ng mga manlulupig ngayon.
Ang Kahapon, Kasalukuyang, at Kinabukasan ay Iisa
Kung hindi tayo ang magsusulat ng ating kasaysayan mananatili tayong kopya ng mga bansang sumakop sa atin. Ayon nga Kay Renato Constantino,” Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kailangang isulat muli batay sa pananaw ng isang Pilipino.” Ito ang kwento natin – ang ating tagumpay, pagkabigo bilang isang bayan – kung saan nakaugat ang pagkakakilanlan natin bilang isang lahi. Kung hindi natin bibigyan ng halaga ang kasaysayan bilang paraan ng pag-unlad ng sarili at ng bayan ay mananatili tayong nakagapos sa tanikala ng kahapon. Saliksikin, siyasatin, at suriin nating mabuti ang ating kasaysayan na repleksiyon ng lipunang ating ginagalawan. Tulad nga ni sinabi ni Elias sa Noli Me Tangere, “Mamamatay akong hindi man lang makikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan. Kayong mga makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi.” Ang sakripisyo ng mga bayaning nakipaglaban sa kalayaan natin ay mahalagang aral na baunin natin upangbuhayin ang diwang makabayan na nakasalig sa ating identidad. Ang aral sa atingkaranasan bilang isang bayan ay magagamit natin para ipunla ang isang matatag napambansang liderato na may pambasansang bisyon batay sa isang matibay napambasang mithiin at plano na pangmatagalan at nananatiling buhay sa kabila ng pagpapalit ng pinuno. Tunay nga na nag-iiba lang ang mukha ng kalaban ngunit parehong sistema pa rin ang lumulupig sa ating bayan. Ngunit kung titindig tayo para sakahalagahan ng pag-aaral, pagsusuri, at paglalapat ng ating kasaysayan sa ating lipunan ngayon hindi imposibleng makamit natin ang tunay na kalayaan. Sabi nga ni Luis Camara Dery na “Ang kasalukuyang ay bunga ng kahapon, at ang hinaharap ay hinuhubog sa kasalukuyan.” Samakatuwid, ang kahapon, kasalukuyan, at kinabukasan ay iisa. Sa paraang ito lamang maipapanauli ng ating lahi ang ating pagkakakilanlan.
SANGGUNIAN
Constantino, R. (1987). Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino. (Malayang salin ni Luis Maria
Martinez).
David, R. S. (2017). ANG LIPUNANG FILIPINO: Isang Paglilimi Ukol Sa Modernisasyon
at Globalisayon. Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining. Komisyon sa
Wikang Filipino (KWF).
Dery, L. C.. (2003). Ang Kahapon, Kasalukuyan, at Kinabukasan ay Iisa. MALAY, 17(1-
2). Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=7869
Palma, R. Y.. (1994). Kasaysayan ng Filipinas: Kakaiba Nga Ba?. MALAY, 12(2).
Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=7815
Teodoro, N. V.. (2013). Wika bilang Daluyan ng Kamalayang Pangkasaysayan at
Pangkalinangan. Saliksik E-Journal, 2(1). Retrieved from
http://ejournals.ph/form/cite.php?id=5472