PANANALIKSIK SA ASIGNATURANG FILIPINO
PERSPEKTIBO NG CRUSH AT NG NAGKAKA-CRUSH
Ang salitang “crush” ay
may dalawang pagpapakahulugan isang pagdurog at isa namang “puppy love”.
Sinasabi na unang naitala ang salitang “crush” na ang kahulugan ay pagkakaroon
ng romantikong atraksiyon noong taong 1884 sa dyornal ni Isabella Maud
Rittenhouse. Madalas na gamitin ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan ang
salitang “crush” para tukuyin ang taong kanilang nagugustuhan. Inuugnay din ang
salitang ito sa salitang “puppy love” na impormal na termino para ilarawan ang
pagkakaroon ng romantikong nararamdaman para sa isang tao. Kadalasan itong
nararanasan mula sa pagkabata hanggang sa pagbibinata o pagdadalaga, sa edad na
4 hanggang 15 taong gulang. Kaya marahil tinawag itong “puppy love” ay sa
dahilan na maituturing ito na panggigigil sa histura ng isang cute na tuta.
Sa Ingles tinatawag na
“infatuation” ang pagkakaroon ng isang crush. Nangangahulugan ito ng biglaan,
panandalian, at puro pangangarap ng gising.
Sa yugtong ito puros kilig at pagnanais na mapalapit o makasamang lagi
ang nagugustuhan. Ito’y itinuturing rin na “love at first sight” dahil biglaan
lang ang pagkakaroon ng atraksiyon na nakabase sa pisikal na katangian. Ayon sa
saliksik ng sikolohistang si Dorothy Tennov karaniwang tumatagal ito ng
humigit-kumulang 18 buwan at tatlong taon. Ito’y pawing imahinasyon at malayo
sa realidad sapagkat mas tinitignan ang positibong mga katangian at nabubulag
sa mga negatibong katangian ng nagugustuhan.
Madalas na gamitin ng
mga Pilipino lalo na ng mga kabataan ang salitang “crush” para tukuyin ang
taong kanilang nagugustuhan. Ang crush ay nagiging batayan ng pagkakaibigan
dahil sila rin ang nagsasabihan ng kani-kanilang mga crush. Lalo na noong
elementary at high school. Ang mga magkakabarkada ang nag-aasaran tungkol sa
kanilang mga crush at sa mga nagkaka-crush sa kanila. Ang kilig, inspirasyon,
distraksiyon ang pawang mga salitang maaring maglarawan sa tuwing magkakaroon
ang isang binata o dalaga ng crush. Dala ng maliliit na sandali ng pag-uusap,
pagtingin o pagsilay tuwing Flag Ceremony, tuwing recess at lunch, paghiram ng
gamit, pagtabi sa iyong upuan, at marami pa ang ilan sa mga nagpapakilig sa mga
may crush. Pagpasok nang maaga, paggawa ng mga aktibidades at proyekto ng may
ngiti sa labi, pagiging excited sa tuwing magkaklase kasama ang iyong crush ang
ilan sa mga halimbawa ng pagiging inspirasyon ng mga crush. Nagiging
distraksiyon naman ito sa pamamagitan ng imbes na makinig sa aralin ay
maghapong nakatitig na lang sa kaniya o kaya naman ay nananaginip ng gising,
imbes na gumawa ng mga aktibidades at mga proyekto ay inuubos ang oras sa
pakikipag-usap sa kaniya.
Mayroon naman na ang
crush nila ay pang “happy pill” lang na makita mo lang siya masaya ka na.
Kumbaga ito ay pagkakaroon ng crush na pang katuwaan lang, hindi sineseryoso,
at kadalasa’y ‘di na pinagkakalat o pinaaalam sa iba. Saglitan lang din ang mga
“happy pill” na crush dahil ‘di naman gaano kilala ito ng nagkakagusto.
Kadalasan ring binabase sa hitsura o kaya naman sa porma o sa mga bagay na
napapansin o nakikita ng mga mata.
“Marahil nagiging
inspired ang isang taong may crush dahil gusto niya na mapansin siya ng taong
hinahangaan niya o gusto niya kaya naman ipapakita niyang presentable ang
sarili at maayos ang kaniyang pag-uugali. Nagiging distracted naman ang isang
taong may crush kapag di naman niya nakukuha ang pansin na nais niya. Baka may
pagkakataon pa na dadating siya sa sitwasyon na gagawin niya ang lahat para
lang mapansin siya ng taong crush niya kahit pa mawala ang sarili niyang
identidad para lang maging kapansin-pansin sa crush niya,” paliwanag ng isang
guidance counselor.
Ang mga tinatawag naman
na “Crush ng Bayan” na mga muse o escort na laging sinasali sa mga contest, mga
magaganda at mga gwapo na sikat sa buong campus, mga varsity player na
pinapanood lagi ng mga babae at lalaki, mga matatalino na laging may award sa
school, ilan lang ‘yan sa mga maraming nagkaka-crush sa eskuwelahan. Sila na
laging may umaamin at laging nakakatanggap ng mga regalo, bulaklak, tsokolate,
at letter. Ang pakiramdam na sila ay napakapogi o napakaganda ay karaniwang
nararamdaman ng mga may nagkakagusto sa kanila. May iba naman na nagdududa o
nagtataka kung bakit may nagkagusto sa kanila o ano ang dahilan kung bakit sila
nagustuhan. Mayroon naman na naa-appreciate na merong nagkakagusto sa kanila.
‘Di naman nilalahat
pero malimit sa iba ang naiinis o nama’y naiirita kapag mayroong nagkakagusto
sa kanila. Naiinis siguro sa mga ginagawa ng nagkakagusto o kaya naman ay may
iba pang priyoridad sa buhay. Sa iba naman ay kadalasan nama’y nagtataka na
para bang kabute na lang sila na bigla-bigla na lang sumusulpot o kaya naman ay
ligaw na bala na ‘di mo alam kung saan nanggaling. Mayroon ding naiilang dahil
hindi alam kung paano ang gagawin sa sitwasyon na iyon o di kaya sa dahilan na
hindi naman maibabalik ang nararamdaman ng nagkakagusto.
Ayon sa isang guidance
counselor, “Marahil natural lang naman na maramdaman ng isang teenager ang
ilang kapag may taong umamin na may gusto sakanila dahil sa gulat na may taong
nagpapahayag ng paghanga o pagkagusto sakaniya. Naiilang siya dahil hindi niya
alam ang isasagot sa taong umamin sakaniya o ano na ba ang mangyayari sa
ugnayan na mayroon sila.”
PAGHAHAMBING
SA PAGPAPANSIN KAY CRUSH SA PARAANG ONLINE AT PERSONAL
Ang pagpapansin ay karaniwang ginagawa para makuha ang
atensyon. Sa lahat yata ng pagkakataon na makukuha nating magpapansin sa ating
crush ay hindi papalampasin, At sa mga crush halos lahat naman ay nagawa ng
magpapansin maging personal man o online. Sa personal na paraan ay ginagawa ito
ng harap-harapan, may pisikal na presensiya ng isa’t isa. Ito ay nangyari o
nangyayari noong face-to-face pa ang klase. Ang online na paraan naman ay bunga
ng makabagong teknolohiya tulad ng social media – Facebook, Twitter, Instagram
at marami pang iba. Sa paraan na ito ang ang paggawa ng daan para magkakilala kayo
nang hindi nagkakahiyaan.
Simulan natin sa personal. Diretsahan. Dito ay maaring
nakakausap mo siya, nakakasama mo siya sa isang classroom, o kaibigan mo siya.
Mga halimbawa pag-uusap tungkol sa kaniya o sa ‘yo, tungkol sa lesson sa isang
subject, tungkol sa mga hilig o interes niyong dalawa. Kaibiganin mo siya at
mga kaibigan niya para mas lumalim ang ugnayan niyo sa isa’ isa. Pag-amin sa
crush na kayo lang dalawa sa hallway, sa classroom pag kayo na lang dalawa o
kahit saan na makakapag-usap kayong dalawa. Pangliligaw, isa rin ito sa mga
tradisyonal na sa ating kultura. Pagchi-cheer sa tuwing magpe-perform o
maglalaro ng basketball/volleyball ang crush. Ngunit sa panahon ngayon bihira
na lang ang harana kaya’t dinadaan na lang sa mga pakulo na bulaklak,
tsokolate/Stik-o, letter na minsa’y ginagawa sa pagpunta o pagbisita sa
kanilang bahay o kaya naman sa mismong eskwelahan ginagawa.
Sa personal na paraan
pa rin. Hindi-diretsahan. Dito papasok ang mga pagpaparinig sa classroom na may
crush ka, pagsali sa mga sinalihan ng crush mo na clubs, at pakikipagkaibigan
sa mga kaibigan niya. Pang-aasar ng mga kaibigan niya sa kaniya at pang-aasar
ng mga kaibigan mo sa ‘yo. Paglahok sa mga kompetisyon, o pag-achieve ng mga
awards. Dito rin papasok ang panlilibre ng recess, pagsabay sa pag-uwi o
pagsakay sa parehong jeep.
Dumako naman tayo sa online na paraan. Direstahan.
Dito ay icha-chat mo siya, babanat ka ng mga pick-up line, mga jokes, mga
matatamis na linyahan. Pagmemention sa mga memes na nakakatawa o kaya ay
personal na ise-send sa chat. At mag-uusap sa chat ng tungkol sa iba’t ibang
mga bagay – mga hilig o interes niya, kung anong nangyari sa kaniya ngayong
araw. Pwede ring mag-comment sa mga posts niya para mapansin niya. Pwede rin
umamin ka sa chat para diretso na alam niya agad ang intensyon.
Sa online na paraan pa rin. Hindi-direstahan. Dito
papapasok ang pag-a-add o pag-follow sa mga social media accounts ng iyong
crush. Pagshe-share lagi ng mga posts – memes, quotes, o mga hilig mong
anime/series – lalo na sa Facebook para makita niya ito lagi. I-stalk mo siya
para may malaman ka tungkol sa kaniya. Pagre-react sa mga posts niya – lalo na
sa mga memes – sa Facebook o sa kahit anong social media accounts niya. Paggawa
ng video (TikTok, Facebook) para mag-trending para magkaroon ng topic na
pag-uusapan. Paggawa ng dummy account at sabihin na magpapatulong ka paano
umamin sa crush mo pero siya talaga crush mo. Mag-joke sa group chat ninyo ng
nakakatawang jokes or memes. Pagbati ng “Merry Christmas!”, “Happy New Year!”,
at “Happy Birthday!”
Sa personal nahihinuha ng mananaliksik na ito ay
tradisyonal dahil dito napapabilang ang pakikipagkilala, pakikipag-usap, o
panliligaw. Pangalawa, ito ay harap-harapan dahil nakikita niyo ang reaksyon ng
isa’t isa. Pangatlo, para sa malakas ang loob at makapal ang mukha dahil
kailangan mong lapitan, kausapin, at magpapansin mismo ang crush mo. Pang-apat,
ito ay mas epektibo kaysa sa online sa kadahilanang mas makatotohanan ang mga
pangyayari at nakikita niyo ang katangian ng isa’t isa. Panghuli, ito ay mas
gumagamit ng diretsahan na atake sa pagpapansin para mas nakaka-excite at
nakakakaba.
Sa online naman tinukoy
ng mananaliksik na ito ay makabago dahil sa henerasyon lang ngayon sumulpot ang
ganitong paraan ng interaksiyon buhat ng makabagong teknolohiya. Pangalawa, ito
ay sa social media nagaganap, tulad ng nabanggit sa una ito;y bunsod ng
makabagong teknolohiya. Ito ang nagsisilbing plataporma para kausapin o
magpapapansin sa crush. Pangatlo, ito ay para sa mga mahiyain sapagkat mas
komportable sila ditto dahil hindi nakokompromiso ang kanilang sarili msayado
at pupwedeng burahin ang mga ginawang pagpapapansin online. Pang-apat, ito ay hindi
gaanong epektibo para sa lahat dahil mas madaling hindi pansinin ang mga
nagpapapansin sa online. Panghuli, ito ay mas ginagamit ang hindi-diretsahan na
kategorya ng pagpapansin dahil mas mahirap ngang kuhanin ang atensyon sa paraan
na ito.
Para naman sa pagkakapareho na ito ang nasaliksik.
Una, parehong kailangang madiskarte para makuha ang atensyon, para mapalingon o
mapatingin siya sa iyo o buksan niya ang message mo at mag-reply. Dito lalabas
ang pagiging malikhain at maparaan para magpapapansin. Pangalawa, parehong
pwedeng diretsahan at hindi-diretsahan nagkakatalo na lang sa kung ano ang
epektibo depende sa crush o kung saan komportable ang magpapapansin. Pangatlo,
parehong magkakakilala kayo at magpapansin dahil makikita niya ang effort mo
para magpapansin maging direkta man o hindi. Panghuli, kapag itong dalawa naman
ay pinagsabay ay nakikitang mas epektibo na mas makukuha ang Inaasahang bunga.
Ayon sa paliwanag ng isang guidance counselor na, “Iba
pa rin ang personal na ugnayan ng mga tao kapag pinag-usapan ang pagpapahayag
ng nararamdamang atraksyon sa isang tao. Nandiyan ang nakikita mo mismo ang
non-verbal expressions ng tao lalo na ang verbal na pamamaraan. Ngunit isa na
ring paraan ngayon ang online para magpapansin sa crush. Napakadali na sa
social media na magpahayag ng kagustuhan o paghanga sa isang tao. Nagkakaroon
ng lakas ng loob dahil mas nasasala ang bawat mensaheng ipapadala o maging ang
kilos ng ugnayan na mayroon ang dalawang tao.
SANHI
AT BUNGA NG PAGPAPAPANSIN SA CRUSH SA PARAANG ONLINE AT PERSONAL
Kinokosidera ang
pagkakaroon ng crush na interpersonal na atraksiyon na ayon kay Weiten ay isang
positibong nararamdaman sa isang tao. Sakop nito ang mga karanasang pagkagusto,
paghanga, pagkakaibigan, pagnanasa, at pag-ibig sa ibang tao. Ang mga salik na
isinaalang-alang ay ang pisikal na atraksiyon, pagkakaroon ng parehong ugali o
interes, pagkakagusto sa isa’t isa, at pagiging malapit sa aspekto ng
distansya.
Para sa mga sanhi ng
pagpapansin sa paraang online at personal. Una, sa panahong nagsisimulang magkaka-crush
ka dito tinitignan mo pa kung saglit lang ba o matagal mong magugustuhan ang
taong ito. Nag-e-experiment ka kumbaga kung kikiligin ka o kung siya ba iyong
tipo mo sa isang lalaki o babae. Nagpapapansin ka pero hindi-diretsahan at may
pagkilatis pang nagaganap. Dito rin papasok ang dahilan na gusto mong malapit
sa kaniya o gusto mo siyang magng kaibigan. Gusto mo siyang maging malapit para
mas makilala mo siyang mabuti at makilala ka rin niyang mabuti. Kumbaga, ditto
nakasalalay kung may pag-asa ka ba o wala. Dito ay nagagamit ang personal na
paraan at ang sa online para sa mas malaking tsansa.
Pangalawa, ang dahilan na “thrill
at excitement.” Dito ay nacha-challenge ka kapag hindi ka pinapansin at mukhang
hindi interesado sa iyo ang crush mo. Dito naghahanap ka lang ng excitement
para mapansin ka ng crush mong “cold”, di namamansin, masyadong seryoso, at
walang pakialam sa iyo. Minsa’y ginagawa lang ito dahil nakakakilig o dahil
inaasar ka ng mga kaibigan mo at/o ng kaibigan ng crush mo. Dito ay mas
nagagamit ang personal dahil sa pang-aasar pero nagagamit pa rin ang online sa
paraang pagcha-chat kay crush kahit pa sini-seen ito.
Pangatlo, ang dahilan na
pagiging marupok. Sa sanhi na ito ipinapakita ang sitwasyon ng pagka-basted at
pag-reject ng crush mo sa iyo pero dahil hindi ka maka-move-on magpapapansin ka
pa rin. Sa bahagi na ito hindi mo pa rin matanggap na hindi ka gusto ng crush
mo. Hindi naman naging kayo pero masakit din ma-reject at mahirap mag-move-on. Dito
mas nagagamit ang online dahil china-chat mo siya kung may pag-asa pa ba atbpa.
Para naman sa bunga ng
pagpapansin sa paraang online at personal. Una, kahihiyan dahil napahiya ka
lang sa pinaggagawa mo para mapansin ang crush mo. Ito ay ang naging bunga pag
hindi mo na crush ang crush mo at sa tuwing inaalala mo pinaggagawa mo natatawa
ka o kaya nahihiya ka. Hindi ka rin makapaniwala na ginawa mo ang bagay na
iyon.
Pangalawa, friend zone, seen
zone, at rejected/basted. Friend zone ang tawag pag nagpapansin ka o umamin ka
tapos sinabihan ka na kaibigan lang daw ang kayang niyang ibigay. Kung titignan
hindi na masama ang maging kaibigan ng crush dahil naging malapit ka sa kaniya
na isa sa mga sanhi kung bakit nagpapapansin. Ito ay maaring sabihin ng
personal o sabihin sa chat. Seen zone sa aspekto naman ito ng pagpapapansin
online. Ito naman ang tawag pag sineen lang ang chat mo. Mayroon ding tinatawag
na inbox zone, ito naman pag hindi niya sineen o binuksan ang message mo. Ang
rejected o basted naman ay pwedeng sabihin na direkta o paligoy-ligoy pa. Ang
pag-reject o pag-basted ang pagsasabi na hindi mo siya gusto at hindi mo
maibabalik ang nararamdaman niya. Maaring may iba siyang gusto o hindi ka
talaga niya gusto. Pwedeng na-reject o na-basted sa personal o pinadaan sa
kaibigan o sa chat.
Pangatlo,
naging jowa si crush. Ito ang pinakalayunin ng marami kung hindi ng lahat kapag
nagpapapansin sila. Jowa ang impormal na tawag sa kasintahan o
boyfriend/girlfriend. Pag ganito ang sitwasyon pareho kayo ng nararamdaman, sa
madaling salita gusto niyo ang isa’t isa. Umepekto ang mga pagpapapansin mo.
Kadalasang ginagamit ang dalawang paraan ng mga nakakakuha ng ganito resulta.
Aking
kinapanayam ang isang guidance counselor at guro na si Bb. Velia Angelica O.
Rivero tungkol sa kaniyang personal na ideya, opinyon, at pananaw sa paksa ng
pagpapapansin sa crush. Aniya, “Normal sa mga tinedyer ang magpapansin
sakanilang mga crush dahil kritikal ang yugto na ito sa buhay ng isang tao kung
saan binubuo niya ang kaniyang identidad, mga mithiin sa buhay, at maging ang
relasyon sa ibang tao gaya pamilya, kaibigan, at maging sa katapat na kasarian.”
“Sa buhay kasi ng high school students, nakikita nila na iyong mga kasing-edad
nila ay may kaniya-kaniya na ring karelasyon kaya marahil ninanais din nila na
maranasan na iyon kaya naman isa sa magagawa nila ay magpapansin sa crush nila.
Nandiyan din ang kantyaw ng mga kaibigan na magpapansin sa crush,” dagdag pa
niya.
Sa
aspekto naman ng mga resulta kaniyang pinaliwanag na ang friend zone at ang ‘di
pagpansin sa kanila ng crush ay “Hindi lamang siguro talaga sila kayang icrush
back ng crush nila. Sa buhay ng isang teenager, marami namang aral ang
mapupulot nila sa mga karanasan na ito gaya ng pagkafriendzone o hindi
pagpansin ng crush nila. At kaniyang suhestiyon na, “Mas mabuti pa rin na
pagyamanin ang sarili muna. Mas pagtuunan at mahalin ang sarili. At baka
dumating din iyong panahon na crush ka na rin ng crush mo.”
Pangwakas,
nag-iwan ng payo si Bb. Rivero na,” Sa
mga taong may crush, o nagpapapansin sa crush nila lalo na sa mga kabataan
normal naman na magkaroon ng crush. Siguraduhin lang na unahin pa rin ang
sarili ng identidad. Sana inspirasyon ang dulot ng pagkakaroon ng crush at di
negatibong impluwensiya ang dala nila. Tandaan na mas mabuti pa rin na may
kahandaan sa pagpasok sa relasyon sa katapat na kasarian.” Sa kabuoan, kaniyang
pinagdidiinan na mahalaga na ituon muna ang atensyon sa sarili – sa
pagpapaunlad ng identidad. At ang crush ay paghanga sa isang tao na nagdudulot
ng positibong impluwensiya sa mga nagbibinata at nagdadalaga.
SANGGUNIAN:
MGA NAKASULAT NA DATOS:
Clements, Warren, (2011).
Feeding love by the spoonful. www.theglobeandmail.com/arts/feeding-love-by-the-spoonful/article626912
Heitler, Susan, (2012). The
Deceptive Power of Love's First Moments. www.psychologytoday.com/us/blog/resolution-not-conflict/201207/the-deceptive-power-loves-first-moments
Wynne, Griffin, (2019). The
Truth About Puppy Love In Relationships, According To An Expert. www.elitedaily.com/p/the-truth-about-puppy-love-in-relationships-according-to-expert-18685484
MGA DI-NAKASULAT NA DATOS:
“TIPS PARA MAPANSIN NI
CRUSH :")” (Kimpoy Feliciano, 2016) https://www.youtube.com/watch?v=vcnCx4ayvH4
“Tips Paano Mapansin Ni
Crush (MAGPAPANSIN TAYO BES!)” (MATTalks, 2017) https://www.youtube.com/watch?v=qWgJM4oPHlU
“PAANO MAPANSIN NI CRUSH?
(Learn from the Expert)” (Lady Martin, 2018) https://www.youtube.com/watch?v=FD_ksrbTE20
“Mars Sharing Group:
Paano ka magpapansin sa crush mo sa social media?” (GMANetwork, 2018) https://www.youtube.com/watch?v=vP604Jo54kw
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento