KAPITAN NA NAPAILALIM SA TULISAN (2021)

 

Sa paglalayag sa gabing kalaliman

Ni ilaw ng buwan di masilayan

Magdamag man magsagwan nang magsagwan

Walang patutunguhan, walang dadaungan

Pagkat ang kapitan ay napailalim sa mga tulisan



INSPIRASYON (2019)

 

Ikaw na nagbigay inspirasyon

Sa loob ng sandaling panahon

Sana’y makita kang lumingon

Sa pagtulong mo sa ‘king bumangon


I LOVE VIEW (2019)

 Sa lahat ng nakita ko nang tanawin

'Di alam ba't sa'yo pa rin nakatingin

Sa lahat ng pwede ko sa 'yong aminin

Bakit 'yon pang sa'yo'y meron akong pagtingin



CARLO (2019)

 

Ang makasama ka sa entablado

Ay ang araw na ayaw kong huminto

Pinakalma mo ang puso kong kabado

Gusto kang makasama buong linggo

 



SELDA (2020)

 

AKO AY NAKAKULONG SA ISANG SILID

KABISADO NA BAWAT SULOK AT GILID

DAIG PA ANG TAONG NASA BILIBID

SA SINAPIT NA SAKIT NA WALANG PATID

 

O BAKIT BA DITO MO AKO HINATID

KUNG SAAN NILAGYAN PA AKO NG BAHID

BINABALUKTOT NILA ANG ISIP KONG TUWID

KAYA’T NAKAKULONG SA PINTONG NAKAPINID

PAANO KUNG HINDI AKO NAGING BAKLA? (2019)

Paano kung hindi ako naging bakla

Naisip ko habang nakatulala

Baka sakaling ako'y matanggap na

Baka sakaling ako'y mahalin pa

 

'Di ko lubusang maisip kung ito ba'y biyaya o sumpa

Napag-isip-isip ko lang noong ako'y bata

Biyaya sapagkat ako'y nakapagpapasaya;

Sumpa dahil ako'y kinukutya

 

Bakit may panghuhusga sa bawat salita't galaw

Tunay ngang mahinhin at minsa'y  magaslaw

Sa bawat panghuhusga mundo ko'y nagugunaw

Sa bawat panghuhusga pangarap ko'y nalulusaw

 

Paano kung hindi ako naging bakla

'Di ako titibay dahil sa mga binitiwan nilang salitang mapapakla

'Di siguro ako makakawala sa kanilang pang-aalila

Kung wala ang mga taong sa 'kin ay sumuporta marahil ako na'y tumumba

KONSEPTO NG PAGPAPAPANSIN KAY CRUSH: PAGHAHAMBING SA PARAANG ONLINE AT PERSONAL (2021)

PANANALIKSIK SA ASIGNATURANG FILIPINO

PERSPEKTIBO NG CRUSH AT NG NAGKAKA-CRUSH

Ang salitang “crush” ay may dalawang pagpapakahulugan isang pagdurog at isa namang “puppy love”. Sinasabi na unang naitala ang salitang “crush” na ang kahulugan ay pagkakaroon ng romantikong atraksiyon noong taong 1884 sa dyornal ni Isabella Maud Rittenhouse. Madalas na gamitin ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan ang salitang “crush” para tukuyin ang taong kanilang nagugustuhan. Inuugnay din ang salitang ito sa salitang “puppy love” na impormal na termino para ilarawan ang pagkakaroon ng romantikong nararamdaman para sa isang tao. Kadalasan itong nararanasan mula sa pagkabata hanggang sa pagbibinata o pagdadalaga, sa edad na 4 hanggang 15 taong gulang. Kaya marahil tinawag itong “puppy love” ay sa dahilan na maituturing ito na panggigigil sa histura ng isang cute na tuta.

 

Sa Ingles tinatawag na “infatuation” ang pagkakaroon ng isang crush. Nangangahulugan ito ng biglaan, panandalian, at puro pangangarap ng gising.  Sa yugtong ito puros kilig at pagnanais na mapalapit o makasamang lagi ang nagugustuhan. Ito’y itinuturing rin na “love at first sight” dahil biglaan lang ang pagkakaroon ng atraksiyon na nakabase sa pisikal na katangian. Ayon sa saliksik ng sikolohistang si Dorothy Tennov karaniwang tumatagal ito ng humigit-kumulang 18 buwan at tatlong taon. Ito’y pawing imahinasyon at malayo sa realidad sapagkat mas tinitignan ang positibong mga katangian at nabubulag sa mga negatibong katangian ng nagugustuhan.

 

Madalas na gamitin ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan ang salitang “crush” para tukuyin ang taong kanilang nagugustuhan. Ang crush ay nagiging batayan ng pagkakaibigan dahil sila rin ang nagsasabihan ng kani-kanilang mga crush. Lalo na noong elementary at high school. Ang mga magkakabarkada ang nag-aasaran tungkol sa kanilang mga crush at sa mga nagkaka-crush sa kanila. Ang kilig, inspirasyon, distraksiyon ang pawang mga salitang maaring maglarawan sa tuwing magkakaroon ang isang binata o dalaga ng crush. Dala ng maliliit na sandali ng pag-uusap, pagtingin o pagsilay tuwing Flag Ceremony, tuwing recess at lunch, paghiram ng gamit, pagtabi sa iyong upuan, at marami pa ang ilan sa mga nagpapakilig sa mga may crush. Pagpasok nang maaga, paggawa ng mga aktibidades at proyekto ng may ngiti sa labi, pagiging excited sa tuwing magkaklase kasama ang iyong crush ang ilan sa mga halimbawa ng pagiging inspirasyon ng mga crush. Nagiging distraksiyon naman ito sa pamamagitan ng imbes na makinig sa aralin ay maghapong nakatitig na lang sa kaniya o kaya naman ay nananaginip ng gising, imbes na gumawa ng mga aktibidades at mga proyekto ay inuubos ang oras sa pakikipag-usap sa kaniya.

 

Mayroon naman na ang crush nila ay pang “happy pill” lang na makita mo lang siya masaya ka na. Kumbaga ito ay pagkakaroon ng crush na pang katuwaan lang, hindi sineseryoso, at kadalasa’y ‘di na pinagkakalat o pinaaalam sa iba. Saglitan lang din ang mga “happy pill” na crush dahil ‘di naman gaano kilala ito ng nagkakagusto. Kadalasan ring binabase sa hitsura o kaya naman sa porma o sa mga bagay na napapansin o nakikita ng mga mata.

 

“Marahil nagiging inspired ang isang taong may crush dahil gusto niya na mapansin siya ng taong hinahangaan niya o gusto niya kaya naman ipapakita niyang presentable ang sarili at maayos ang kaniyang pag-uugali. Nagiging distracted naman ang isang taong may crush kapag di naman niya nakukuha ang pansin na nais niya. Baka may pagkakataon pa na dadating siya sa sitwasyon na gagawin niya ang lahat para lang mapansin siya ng taong crush niya kahit pa mawala ang sarili niyang identidad para lang maging kapansin-pansin sa crush niya,” paliwanag ng isang guidance counselor.

 

Ang mga tinatawag naman na “Crush ng Bayan” na mga muse o escort na laging sinasali sa mga contest, mga magaganda at mga gwapo na sikat sa buong campus, mga varsity player na pinapanood lagi ng mga babae at lalaki, mga matatalino na laging may award sa school, ilan lang ‘yan sa mga maraming nagkaka-crush sa eskuwelahan. Sila na laging may umaamin at laging nakakatanggap ng mga regalo, bulaklak, tsokolate, at letter. Ang pakiramdam na sila ay napakapogi o napakaganda ay karaniwang nararamdaman ng mga may nagkakagusto sa kanila. May iba naman na nagdududa o nagtataka kung bakit may nagkagusto sa kanila o ano ang dahilan kung bakit sila nagustuhan. Mayroon naman na naa-appreciate na merong nagkakagusto sa kanila.

 

‘Di naman nilalahat pero malimit sa iba ang naiinis o nama’y naiirita kapag mayroong nagkakagusto sa kanila. Naiinis siguro sa mga ginagawa ng nagkakagusto o kaya naman ay may iba pang priyoridad sa buhay. Sa iba naman ay kadalasan nama’y nagtataka na para bang kabute na lang sila na bigla-bigla na lang sumusulpot o kaya naman ay ligaw na bala na ‘di mo alam kung saan nanggaling. Mayroon ding naiilang dahil hindi alam kung paano ang gagawin sa sitwasyon na iyon o di kaya sa dahilan na hindi naman maibabalik ang nararamdaman ng nagkakagusto.

Ayon sa isang guidance counselor, “Marahil natural lang naman na maramdaman ng isang teenager ang ilang kapag may taong umamin na may gusto sakanila dahil sa gulat na may taong nagpapahayag ng paghanga o pagkagusto sakaniya. Naiilang siya dahil hindi niya alam ang isasagot sa taong umamin sakaniya o ano na ba ang mangyayari sa ugnayan na mayroon sila.”

 

PAGHAHAMBING SA PAGPAPANSIN KAY CRUSH SA PARAANG ONLINE AT PERSONAL

Ang pagpapansin ay karaniwang ginagawa para makuha ang atensyon. Sa lahat yata ng pagkakataon na makukuha nating magpapansin sa ating crush ay hindi papalampasin, At sa mga crush halos lahat naman ay nagawa ng magpapansin maging personal man o online. Sa personal na paraan ay ginagawa ito ng harap-harapan, may pisikal na presensiya ng isa’t isa. Ito ay nangyari o nangyayari noong face-to-face pa ang klase. Ang online na paraan naman ay bunga ng makabagong teknolohiya tulad ng social media – Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba. Sa paraan na ito ang ang paggawa ng daan para magkakilala kayo nang hindi nagkakahiyaan.

 

Simulan natin sa personal. Diretsahan. Dito ay maaring nakakausap mo siya, nakakasama mo siya sa isang classroom, o kaibigan mo siya. Mga halimbawa pag-uusap tungkol sa kaniya o sa ‘yo, tungkol sa lesson sa isang subject, tungkol sa mga hilig o interes niyong dalawa. Kaibiganin mo siya at mga kaibigan niya para mas lumalim ang ugnayan niyo sa isa’ isa. Pag-amin sa crush na kayo lang dalawa sa hallway, sa classroom pag kayo na lang dalawa o kahit saan na makakapag-usap kayong dalawa. Pangliligaw, isa rin ito sa mga tradisyonal na sa ating kultura. Pagchi-cheer sa tuwing magpe-perform o maglalaro ng basketball/volleyball ang crush. Ngunit sa panahon ngayon bihira na lang ang harana kaya’t dinadaan na lang sa mga pakulo na bulaklak, tsokolate/Stik-o, letter na minsa’y ginagawa sa pagpunta o pagbisita sa kanilang bahay o kaya naman sa mismong eskwelahan ginagawa.

 

Sa personal na paraan pa rin. Hindi-diretsahan. Dito papasok ang mga pagpaparinig sa classroom na may crush ka, pagsali sa mga sinalihan ng crush mo na clubs, at pakikipagkaibigan sa mga kaibigan niya. Pang-aasar ng mga kaibigan niya sa kaniya at pang-aasar ng mga kaibigan mo sa ‘yo. Paglahok sa mga kompetisyon, o pag-achieve ng mga awards. Dito rin papasok ang panlilibre ng recess, pagsabay sa pag-uwi o pagsakay sa parehong jeep.

Dumako naman tayo sa online na paraan. Direstahan. Dito ay icha-chat mo siya, babanat ka ng mga pick-up line, mga jokes, mga matatamis na linyahan. Pagmemention sa mga memes na nakakatawa o kaya ay personal na ise-send sa chat. At mag-uusap sa chat ng tungkol sa iba’t ibang mga bagay – mga hilig o interes niya, kung anong nangyari sa kaniya ngayong araw. Pwede ring mag-comment sa mga posts niya para mapansin niya. Pwede rin umamin ka sa chat para diretso na alam niya agad ang intensyon.

 

Sa online na paraan pa rin. Hindi-direstahan. Dito papapasok ang pag-a-add o pag-follow sa mga social media accounts ng iyong crush. Pagshe-share lagi ng mga posts – memes, quotes, o mga hilig mong anime/series – lalo na sa Facebook para makita niya ito lagi. I-stalk mo siya para may malaman ka tungkol sa kaniya. Pagre-react sa mga posts niya – lalo na sa mga memes – sa Facebook o sa kahit anong social media accounts niya. Paggawa ng video (TikTok, Facebook) para mag-trending para magkaroon ng topic na pag-uusapan. Paggawa ng dummy account at sabihin na magpapatulong ka paano umamin sa crush mo pero siya talaga crush mo. Mag-joke sa group chat ninyo ng nakakatawang jokes or memes. Pagbati ng “Merry Christmas!”, “Happy New Year!”, at “Happy Birthday!”

 Venn Diagram na nagpapakita ng pagkakaiba at pagkakapareho ng paraan ng pagpapapansin kay crush: 


Sa personal nahihinuha ng mananaliksik na ito ay tradisyonal dahil dito napapabilang ang pakikipagkilala, pakikipag-usap, o panliligaw. Pangalawa, ito ay harap-harapan dahil nakikita niyo ang reaksyon ng isa’t isa. Pangatlo, para sa malakas ang loob at makapal ang mukha dahil kailangan mong lapitan, kausapin, at magpapansin mismo ang crush mo. Pang-apat, ito ay mas epektibo kaysa sa online sa kadahilanang mas makatotohanan ang mga pangyayari at nakikita niyo ang katangian ng isa’t isa. Panghuli, ito ay mas gumagamit ng diretsahan na atake sa pagpapansin para mas nakaka-excite at nakakakaba.

 

Sa online naman tinukoy ng mananaliksik na ito ay makabago dahil sa henerasyon lang ngayon sumulpot ang ganitong paraan ng interaksiyon buhat ng makabagong teknolohiya. Pangalawa, ito ay sa social media nagaganap, tulad ng nabanggit sa una ito;y bunsod ng makabagong teknolohiya. Ito ang nagsisilbing plataporma para kausapin o magpapapansin sa crush. Pangatlo, ito ay para sa mga mahiyain sapagkat mas komportable sila ditto dahil hindi nakokompromiso ang kanilang sarili msayado at pupwedeng burahin ang mga ginawang pagpapapansin online. Pang-apat, ito ay hindi gaanong epektibo para sa lahat dahil mas madaling hindi pansinin ang mga nagpapapansin sa online. Panghuli, ito ay mas ginagamit ang hindi-diretsahan na kategorya ng pagpapansin dahil mas mahirap ngang kuhanin ang atensyon sa paraan na ito.

Para naman sa pagkakapareho na ito ang nasaliksik. Una, parehong kailangang madiskarte para makuha ang atensyon, para mapalingon o mapatingin siya sa iyo o buksan niya ang message mo at mag-reply. Dito lalabas ang pagiging malikhain at maparaan para magpapapansin. Pangalawa, parehong pwedeng diretsahan at hindi-diretsahan nagkakatalo na lang sa kung ano ang epektibo depende sa crush o kung saan komportable ang magpapapansin. Pangatlo, parehong magkakakilala kayo at magpapansin dahil makikita niya ang effort mo para magpapansin maging direkta man o hindi. Panghuli, kapag itong dalawa naman ay pinagsabay ay nakikitang mas epektibo na mas makukuha ang Inaasahang bunga.

Ayon sa paliwanag ng isang guidance counselor na, “Iba pa rin ang personal na ugnayan ng mga tao kapag pinag-usapan ang pagpapahayag ng nararamdamang atraksyon sa isang tao. Nandiyan ang nakikita mo mismo ang non-verbal expressions ng tao lalo na ang verbal na pamamaraan. Ngunit isa na ring paraan ngayon ang online para magpapansin sa crush. Napakadali na sa social media na magpahayag ng kagustuhan o paghanga sa isang tao. Nagkakaroon ng lakas ng loob dahil mas nasasala ang bawat mensaheng ipapadala o maging ang kilos ng ugnayan na mayroon ang dalawang tao.

 

SANHI AT BUNGA NG PAGPAPAPANSIN SA CRUSH SA PARAANG ONLINE AT PERSONAL

Kinokosidera ang pagkakaroon ng crush na interpersonal na atraksiyon na ayon kay Weiten ay isang positibong nararamdaman sa isang tao. Sakop nito ang mga karanasang pagkagusto, paghanga, pagkakaibigan, pagnanasa, at pag-ibig sa ibang tao. Ang mga salik na isinaalang-alang ay ang pisikal na atraksiyon, pagkakaroon ng parehong ugali o interes, pagkakagusto sa isa’t isa, at pagiging malapit sa aspekto ng distansya.

 

Para sa mga sanhi ng pagpapansin sa paraang online at personal. Una, sa panahong nagsisimulang magkaka-crush ka dito tinitignan mo pa kung saglit lang ba o matagal mong magugustuhan ang taong ito. Nag-e-experiment ka kumbaga kung kikiligin ka o kung siya ba iyong tipo mo sa isang lalaki o babae. Nagpapapansin ka pero hindi-diretsahan at may pagkilatis pang nagaganap. Dito rin papasok ang dahilan na gusto mong malapit sa kaniya o gusto mo siyang magng kaibigan. Gusto mo siyang maging malapit para mas makilala mo siyang mabuti at makilala ka rin niyang mabuti. Kumbaga, ditto nakasalalay kung may pag-asa ka ba o wala. Dito ay nagagamit ang personal na paraan at ang sa online para sa mas malaking tsansa.

 

Pangalawa, ang dahilan na “thrill at excitement.” Dito ay nacha-challenge ka kapag hindi ka pinapansin at mukhang hindi interesado sa iyo ang crush mo. Dito naghahanap ka lang ng excitement para mapansin ka ng crush mong “cold”, di namamansin, masyadong seryoso, at walang pakialam sa iyo. Minsa’y ginagawa lang ito dahil nakakakilig o dahil inaasar ka ng mga kaibigan mo at/o ng kaibigan ng crush mo. Dito ay mas nagagamit ang personal dahil sa pang-aasar pero nagagamit pa rin ang online sa paraang pagcha-chat kay crush kahit pa sini-seen ito.

 

Pangatlo, ang dahilan na pagiging marupok. Sa sanhi na ito ipinapakita ang sitwasyon ng pagka-basted at pag-reject ng crush mo sa iyo pero dahil hindi ka maka-move-on magpapapansin ka pa rin. Sa bahagi na ito hindi mo pa rin matanggap na hindi ka gusto ng crush mo. Hindi naman naging kayo pero masakit din ma-reject at mahirap mag-move-on. Dito mas nagagamit ang online dahil china-chat mo siya kung may pag-asa pa ba atbpa.

 

Para naman sa bunga ng pagpapansin sa paraang online at personal. Una, kahihiyan dahil napahiya ka lang sa pinaggagawa mo para mapansin ang crush mo. Ito ay ang naging bunga pag hindi mo na crush ang crush mo at sa tuwing inaalala mo pinaggagawa mo natatawa ka o kaya nahihiya ka. Hindi ka rin makapaniwala na ginawa mo ang bagay na iyon.

 

Pangalawa, friend zone, seen zone, at rejected/basted. Friend zone ang tawag pag nagpapansin ka o umamin ka tapos sinabihan ka na kaibigan lang daw ang kayang niyang ibigay. Kung titignan hindi na masama ang maging kaibigan ng crush dahil naging malapit ka sa kaniya na isa sa mga sanhi kung bakit nagpapapansin. Ito ay maaring sabihin ng personal o sabihin sa chat. Seen zone sa aspekto naman ito ng pagpapapansin online. Ito naman ang tawag pag sineen lang ang chat mo. Mayroon ding tinatawag na inbox zone, ito naman pag hindi niya sineen o binuksan ang message mo. Ang rejected o basted naman ay pwedeng sabihin na direkta o paligoy-ligoy pa. Ang pag-reject o pag-basted ang pagsasabi na hindi mo siya gusto at hindi mo maibabalik ang nararamdaman niya. Maaring may iba siyang gusto o hindi ka talaga niya gusto. Pwedeng na-reject o na-basted sa personal o pinadaan sa kaibigan o sa chat.

 

Pangatlo, naging jowa si crush. Ito ang pinakalayunin ng marami kung hindi ng lahat kapag nagpapapansin sila. Jowa ang impormal na tawag sa kasintahan o boyfriend/girlfriend. Pag ganito ang sitwasyon pareho kayo ng nararamdaman, sa madaling salita gusto niyo ang isa’t isa. Umepekto ang mga pagpapapansin mo. Kadalasang ginagamit ang dalawang paraan ng mga nakakakuha ng ganito resulta.

Aking kinapanayam ang isang guidance counselor at guro na si Bb. Velia Angelica O. Rivero tungkol sa kaniyang personal na ideya, opinyon, at pananaw sa paksa ng pagpapapansin sa crush. Aniya, “Normal sa mga tinedyer ang magpapansin sakanilang mga crush dahil kritikal ang yugto na ito sa buhay ng isang tao kung saan binubuo niya ang kaniyang identidad, mga mithiin sa buhay, at maging ang relasyon sa ibang tao gaya pamilya, kaibigan, at maging sa katapat na kasarian.” “Sa buhay kasi ng high school students, nakikita nila na iyong mga kasing-edad nila ay may kaniya-kaniya na ring karelasyon kaya marahil ninanais din nila na maranasan na iyon kaya naman isa sa magagawa nila ay magpapansin sa crush nila. Nandiyan din ang kantyaw ng mga kaibigan na magpapansin sa crush,” dagdag pa niya.

 

Sa aspekto naman ng mga resulta kaniyang pinaliwanag na ang friend zone at ang ‘di pagpansin sa kanila ng crush ay “Hindi lamang siguro talaga sila kayang icrush back ng crush nila. Sa buhay ng isang teenager, marami namang aral ang mapupulot nila sa mga karanasan na ito gaya ng pagkafriendzone o hindi pagpansin ng crush nila. At kaniyang suhestiyon na, “Mas mabuti pa rin na pagyamanin ang sarili muna. Mas pagtuunan at mahalin ang sarili. At baka dumating din iyong panahon na crush ka na rin ng crush mo.”

 

Pangwakas, nag-iwan ng payo si Bb. Rivero na,” Sa mga taong may crush, o nagpapapansin sa crush nila lalo na sa mga kabataan normal naman na magkaroon ng crush. Siguraduhin lang na unahin pa rin ang sarili ng identidad. Sana inspirasyon ang dulot ng pagkakaroon ng crush at di negatibong impluwensiya ang dala nila. Tandaan na mas mabuti pa rin na may kahandaan sa pagpasok sa relasyon sa katapat na kasarian.” Sa kabuoan, kaniyang pinagdidiinan na mahalaga na ituon muna ang atensyon sa sarili – sa pagpapaunlad ng identidad. At ang crush ay paghanga sa isang tao na nagdudulot ng positibong impluwensiya sa mga nagbibinata at nagdadalaga.

 

SANGGUNIAN:

 

MGA NAKASULAT NA DATOS:

Clements, Warren, (2011). Feeding love by the spoonful. www.theglobeandmail.com/arts/feeding-love-by-the-spoonful/article626912

Heitler, Susan, (2012). The Deceptive Power of Love's First Moments. www.psychologytoday.com/us/blog/resolution-not-conflict/201207/the-deceptive-power-loves-first-moments

Wynne, Griffin, (2019). The Truth About Puppy Love In Relationships, According To An Expert. www.elitedaily.com/p/the-truth-about-puppy-love-in-relationships-according-to-expert-18685484

MGA DI-NAKASULAT NA DATOS:

“TIPS PARA MAPANSIN NI CRUSH :")” (Kimpoy Feliciano, 2016) https://www.youtube.com/watch?v=vcnCx4ayvH4

“Tips Paano Mapansin Ni Crush (MAGPAPANSIN TAYO BES!)” (MATTalks, 2017) https://www.youtube.com/watch?v=qWgJM4oPHlU

“PAANO MAPANSIN NI CRUSH? (Learn from the Expert)” (Lady Martin, 2018) https://www.youtube.com/watch?v=FD_ksrbTE20

​“Mars Sharing Group: Paano ka magpapansin sa crush mo sa social media?” (GMANetwork, 2018) https://www.youtube.com/watch?v=vP604Jo54kw

 

MGA NAIISIP KO NGAYONG QUARANTINE (2021)

(Chikahan at mga banat sa crush)  

  Ngayong quarantine dahil sa naganap na pandemiya ng COVID-19 marami ang naantala, maraming nabago, at maraming naganap. Isang taon na tayong nasa loob lang ng bahay, nakasuot ng face masks at face shields, at nakasalalay lang sa "online" sa shopping, learning, at sa pangkalahatang interaksiyon. Halos lahat na yata ay naka-online ngayon. Sa totoo lang nakakaburyong na dito sa bahay dahil kung hindi paulit-ulit ang ginagawa ko ay umay na ko sa online. Nakakaumay rin pala pag magdamag kang online parang doon ko naalala 'yung mga panahon na nakakalabas ang lahat nang dikit-dikit at walang kung anu-ano sa pagmumukha natin. 

    'Yung pisikal na pagpasok sa klase ang isa sa sobra kong nami-miss dahil iba pa rin 'yung nasa classroom ka nag-aaral kasi doon may kasama kang naghihirap pag hindi gets ang nangyayaring sorcery tuwing math class, may sisilayan kang crush mo at kung malakas ang laman-loob mo ay magpapapansin ka pa, at pakikipagchikahan at pakikipagchismisan sa mga kaibigan mong andaming baong balita daig pa si Jessica Soho. 

    'Yung pagsakay sa jeep na siksikan at sa tricycle na sobrang maningil nakakamiss rin kasi iba 'yung simoy ng hangin pag gano'n 'di ba? Sa umaga amoy fresh, malamig-lamig pa ang simoy, at kung minsa'y may halong alikabok at usok pag napadaan kayo sa traffic. Sa hapon naman nakaka-relax lalo na pag Montalban sinakyan mo para kang dadalhin sa langit (literal na dadalhin ka, pagdilat mo, "Hello San Pedro" ka na) saka 'yung mga tugtugan grabe ang hahalay o kaya ang lalakas 'yung tipong nasa puwitan mo ang speaker kaya't nagva-vibrate ang laman-loob mo. Ka-miss sobra!

    Sana sa susunod na taon ay maumpog ang mga namamahala sa bansa at magsitino na ang mga kokote nila (kung meron lang naman). Sana ayusin na nila ang pag-iimplementa ng mga batas at magsara agad ng borders, parang awa na nila, lahat ata ng virus gusto makuha (limited edition item ba 'to? Pokemon cards?). Hay nako, pag usapang politika imposibleng hindi ka madidismaya at kukunot ang noo. Next na nga. 

    Plano ko rin sana magsulat ng dalawang kwento na binubuo ko pa ang karakter, ang daloy ng istorya, at kung ano bang midyum ang gagamitin ko - nobela ba o pang-pelikula/teleserye. Hindi ko pa sigurado pero may mga inisyal na kong ideya tulad ng mga pangalan, ano bang tema pero kung paano ko pagdudugtong-dugtungin ay wala pa. Kaya't balitaan ko kayo kapag naisulat ko na ito. Iniisip ko siyang isulat ngayong bakasyon namin.

    Speaking of bakasyon, malapit na. Maaga kami magbabakasyon mga 4:30 ng madaling araw, charot. Mga 27 ngayong April ay tapos na ang aming school year pero, pero, pero may examination pa kami at madugong defense('wag naman sana umabot do'n). Iyon magpe-prepare pa kami sa defense namin - ire-revise ang mga pinapa-revise, gagawa ng PowerPoint presentation, at tatalak at magku-Q and A sa mga panelist. Nakakaloka naman ito.

Isa pa sa mga nasa bucket list ko, na nasa utak lang naka-document, ay ang mag-exercise at mag-glow up physically. Ewan ko ba? Siguro nako-conscious na rin ako sa physical appearance lalo na't ngayon lang ako tinamaan ng puberty, charot. Suguro sa pag-e-exercise ang talagang gusto kong makuha ay good posture at tamang papawis lang. O kaya mag-gain ng timbang na ilang taon ng nabubulok sa bucket list ko. Sa glow up naman, na ewan ko ba kung mangyayari sa 'kin, ginagawa ko ay nagpapahid ng baby oil na pampakinis sa buo kong katawan. Yes, tama ka ng pagkakabasa, buong katawan. So far, medyo nangingintab na ang kutis ko. Isang linggo pa lang ko pa lang ito ginagawa. Saka plano ko rin mag-sugaring. Para siyang wax pero mas light at natural lang. Gagawa ka gamit ang honey, sugar at lemon at voila mayroon ka ng pantanggal ng balahibo.

    Ngayon, nagmu-move on pa rin tayo pero 'di na masyadong bongga. Subtle na lang. Pero feeling ko nga hindi ko na crush e. Pero sige 'wag na lang siguro ako magpapansin. Share ko na lang sa inyo 'yung mga naisip kong mga banat.

Mga banat:

Ako: Anonymous ka ba?

Crush: Bakit?

Ako: Kasi HACK-in (akin) na lang puso mo.


Buhok mo green

Utak mo green

Brief mo green

Bakit gano'n?

Cute mo pa rin


Ako: Anong mas masarap sa tagumpay?

Crush: Ano?

Ako: Ang makasama ka habang buhay.


(Ito latest lang, pwedeng pang-move-on)

Ako: Quarantine ka ba?

Crush: Bakit?

Ako: Kasi sawa na ko sa 'yo


Crush: Para kang ligaw na bala

Ako: Bakit?

Crush: Kasi 'di kita inaasahan e


SALAMAT SA PAGBABASA!

LITO (2021)

Andito ako sa harap mo

Nakatitig, nakatayo

Ikaw ba ay aking gusto

O ako lang ay nalilito

O dahil sa ikaw ang naririto

Kaibigan kang totoo

Nararamdaman ko ba’y lito

Itutuloy ba o ihihinto

Kakatok ka ba sa ‘king pinto

O ako ang kakatok sa ‘yo?


PIKIT MATA (2021)

Pikit mata kong pinadaan 

Ang mga oras na ikaw ang nandiyan

Ang mga oras na ikaw ang kakwentuhan

Ang mga oras na ikaw ang kasama sa tawanan


Bakit ako nagkibit-balikat at pikit matang pinalipas?

Ngayo'y isa ka na lang bahagi ng aking pinalagpas

Isa na lang akong alaala sa 'yo na unti-unting naagnas

At isa na lang tayong pagkakataong umiwas


Kung dati pa ako gumising at dumilat 

Ikaw ang nag-iisang perlas na kumikinang sa dagat

Na sisisirin ko kahit anong sakit at anong alat

Para masabi kong kahit papaano ako 'y sumubok kahit salat

BAKIT NGAYON LANG? (2021)

Bakit ngayon lang tumama?

Ang palaso ng paghanga

Sadyang mapaglaro ang tadhana

Ngayon lang nabuksan ang mata

Kung kailan ikaw ay isa na lang alaala


Bakit sa iba ako nakatingin?

Noong ikaw pa ay nasa 'kin

Na ikaw pa ang aking katabi 

Na tuloy-tuloy ang iyong labi

Sa kwento mong sari-sari


Pero kaibigan lang ang tingin natin sa isa't isa

Ayaw masira kahit ililihim na lang muna

Hanggang sa dumating ang araw na pwede na

Pwede na nating mahalin ang taong gusto natin

Nang walang pag-aalinlangang pagmamahalan



O PABORITO KONG LIBRO (2021)

O paborito kong libro
Na babalik-balikan ko ang kwento
Ang amoy ng tinta at pahina
Ang pakiramdam na matuwa at maluha

O paborito kong libro
Na binasa ko na nang ilang libo
Ang mga salita mong may sinta
Ang sining ng iyong bawat kabanata

O paborito kong libro 
Sana'y sa susunod na yugto
Ikaw ay manatili sa aking puso
Kahit na sa panahong utak ay manlabo

O paborito kong libro
Sa susunod na babasa sa iyo
Sana maging kasing saya niya ako
Sana ay maintindihan ka niyang buong-buo

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...