MAKUKULAY NA PANGITAIN (2025)

 dumadalaw ka sa panaginip

sumasagi sa isip pag naiinip

nagugunita mo pa rin ba ako?

o ako ay isang alaalang nanlalabo


nagkita tayong muli sa lupain

ng makukulay na pangitain

doon mo pinagtapat sa'kin

ang iyong damdamin ay inamin


ngunit ako rin ay nagising

natanggal ang aking piring

saka ang mata'y dumilat

nakita ko ang katotohanang lahat


'di mo naman talaga ako gusto

dahil kung may nadarama ka

walang makapipigil sa iyo

na ako ay sabihan ng mahal kita


PS:

napaniginipan ko kasi si juan. sa panaginip ko, nag-chat kami. tapos bigla siyang nagsabi na gusto niya raw ako. tapos mine-make-sure ko mine-make-sure ko ala andrea brillantes na totoo ba 'to or panaginip lang. hanggang sa magising ako... tapos chineck ko 'yung phone ko. wala naman siyang chat sa'kin. well to be fair iniisip ko naman siya kasi dumadaan ako araw-araw sa gateway e nagpost siya na andon siya. so inisip ko siya HAHAHAHA.

IMPYERNO'T LANGIT (2025)

 naglalagablab ang sindi ng damdamin

bagaman niyayapos ng malamig na hangin

nakaluhod, nagsusumamo, nananalangin

kahit 'di sumobra basta't 'wag kulangin


tatangapin ang maganda't pangit

susuungin ang impyerno't langit

maging ang buhay at sa kamatayang bingit

gayundin ang pag-alala at pagkawaglit


kung ang bawat segundo'y lilimusin

bubuksan ang palad at ito'y hihingin

kahit mga sentimo'y bibilangin

ako ay mapalad kahit kawawain

TAHIMIK (2025)

tahimik akong lumabas

walang imik na tumakas

sa langit nagsusumbong

sa aking paghikbi bumubulong


 sukatan ba ng lakas

ang boses na sumisigaw

pamantayan ba ng tikas

ang ingay na umaalingawngaw


kung kikibuin ko ang tadhana

lalaruin ba ako nito nang madaya

dahil ultimo kaluskos ng aking paa

hindi maririnig ng inyong tainga

PUTING WATAWAT (2025)

'di makapagpasalamat

dahil lumalayo lagi ang agwat

'di pa naghihilom ang lamat

itataas na ba ang puting watawat


punasan na ang luha't

isang bahagharing hudyat

ang kasunod nitong kagyat

kayamanan ng isang salat

PITO-PITO (2025)

pito-pito

umuulang walang tigil

unos sa isang linggo

mananalasa at kikitil


pito-pito

lunes hanggang linggo

luluha ang kaulapan

babaha sa bundok at kapatagan


pito-pito

sampal sa mga politiko

binubulsa bawat sentimo

sa mga proyektong dapat sa pilipino


pito-pito

paalala ng inang kalikasan

huwag dungisan ang mundo

bagkus ito'y linisin, sinupin, at ingatan


pito-pito

umiinog ang uniberso

hindi lang sa'kin at sa'yo

sa lahat ng nilikha, tao man o bato


pito-pito

ilang milyon at ilang libo

ang pagbabagong 'di totoo

yinuyurak ang 'di pa nabubuo


pito-pito

lumubog man sa tatlo

manghina man sa pangwalo

sampung bahaghari naman ang sasalubong sa dulo

TINUTULAK KO LAHAT PAPALAYO (2025)

tinutulak ko lahat papalayo

dahil kasalukuyang naghihingalo

humihingi ng malaking espasyo

para mapag-isa, para maglaho


pero hindi naman pwede huminto

walang pahinga sa isang linggo

hindi na ako makikipagtalo

dahil alam ko namang 'di mananalo


puso man ay sumisikdo-sikdo

'di makakita ng kakampi dito

kaya wala namang kinikibo

pagkat sila ay mayroong sariling mundo

MANHID (2025)

luha'y 'di na pinapahid 

pagkat sa dagat ng tangis sumisisid

kahit ako ay mapatid

mabali man mga braso't litid

hindi na ito masakit

pagkat ang sarili'y namanhid


tiyan ko man ay mamilipit

ang mukha ay walang bahid

ng kahit anumang pananakit

pagkat ang ako ay manhid

wala nang mararamdamang pait


kung sa hinaharap na ako

sana ay tinatalikuran mo

ang lahat ng mga pighati

mga sigaw na nakabibingi

para kung mayroon ka ng pandama

pamamanhid mo ay unti-unting mawala

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...