TALINHAGA (2025)

 Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa

Ako ay talinhaga
Naghihintay sa silid
Nakakandado, nakapinid
Ang susi ay ‘di nababatid
Ng ano at sinuman
Sa sangkalupaan at sangkatubigan

Ako ay talinhaga
Hindi ginagamitan ng mata
Puso ang pinangbabasa
Pagkat ang susi
Ay pinagkaloob lamang sa mga pinili
Piniling makaunawa at makaintindi


SISIW SA PERYA (2025)

 Nakatayo, hindi alam kung nasaan
Hinawakan tapos biglang kinulayan
Kahit sa maikling buhay may kamatayan

May malaking singsing na hinahagis
Pag nasuot sa ulo, hindi na maalis
Aalagaan daw kahit sa kangkungan hinahagis

Pang katuwaan lang sa perya
Ang mababalahibong krayola
Wala namang saysay ang munting buhay sa higanteng lupa


TAKBU-TAKBUHAN (2025)

 Pagkamulat ng mata, nagsisintas ang paa... Kinakandado ang pinto, pagbangon sa kama Tumatakbo na sa labas nang tuluyang magising ang diwa Hindi pa sikat ang araw, kumakaripas na sa kalsada

Hanggang maipit sa mabigat na daloy ng trapiko
Pero sumisingit-sungit ako sa bawat gilid, bawat kanto
Animo’y singbilis ng humaharurot motorsiklo
Nagmamadali pa sa madaling araw ng alas kwatro

Pero sa aking paghiga sa maghapong pagtakbo mula Marikina hanggang Divisoria
Hindi mapakali, hindi makahinga, hindi makahiga
Ngayong maliwanag na ang buwan,  alam kong nandiyan na siya —
Nahuli na ako ng damdamin kong tinatakbuhan tuwing umaga


SALISI (2025)

 Ikaw sa LRT Ako sa MRT Tayo’y nagkasalisi… Sa Cubao

Kahit sandali

Aba matindi

Hindi ka na mawala

Sa isip ko tumatak na


Paano bibitawan

‘Di naman nahawakan

Kahit saglit, kahit pinilit

Wala talaga


PIRASO (2025)

Ako ay piraso lamang ng aking mga minahal

Mga bubog ng tinatakbuhang nakaraan

Mga nalabing mga alaala na pinanghahawakan

Mga tira-tira ng miminsang pinagsamahan

Ako ay binubuo lamang ng retaso ng aking mga inibig

Kaya ang puwang, napunan

Ang kulang, naging sapat

Hanggang sa ang pira-piraso ay maging isang buo

Durugin man ng panahon

Paghiwa-hiwalayin man ng pagkakataon

Muli ko na lamang tatahiin ang punit-punit na tela ng aking mga minahal at inibig

Pagkat sino nga ba ako kung wala sila?

 

ROBOT (2025)

Tanggalin na ang puso

Pihitin pa ang utak

Hindi pwede ang gusto

Bawal magalit, bawal umiyak


Ikabit na ang mga kable

Isaksak na ang kuryente

Kokontrolin na bawat pagkilos 

Bawal malambot, 'yan ang utos


Hindi ba kaya nilagyan ng puso

Para sa pag-ibig ay matuto

Bakit tinanggal, bakit pinagbawal?

Bakit naging mali ang magmahal?


Nilikha ang bawat piyesa

Para lang sabihing sira-sira

Kaya dapat na baguhin

Kahihiyan kasi ang maging nilalang na baluktutin


Bakit pa ba nilikha noong una

Kung papalitan bawat bahagi

Sana 'di nilang ginawa

Kung magiging piyesang sa tingin ninyo ay mali-mali


PIPI (2025)

 


Bumabara sa lalamunan

Mga binabara na usapan

Binalewala at kinalimutan

Hanggang sa bigla ka nitong hagkan...


Sa isang umagang nag-iisa

Habang nakatulala ang bibig ay binuka

Nagtataka bakit hindi na makapagsalita

Napipi nang tuluyan ang kaluluwa


Wala naman kasing makakausap

Pinuputol ang dila sa bawat pangungusap

Paano, hindi naman kasi pinapakinggan

Kaya paano makikipagkwentuhan


Lagi na lang mali

Laging walang kakampi

Laging pinag-iinitan 

Ngunit 'di pinapakinggan

Kaya't natuluyan nang mapipi

Kikimkimin na lang ang bawat paghikbi


NAGLALAKAD SA SINULID (2025)

  Binabalanse ang sarili

 Habang naglalakad sa sinulid

 Bawal makapante

 Kahit luha'y nangingilid

 Dahil sa isang pagkakamali

 Pwede kang mahulog

 Mula sa pinakataas

 At doon ka na matutulog

 Diyan sa pinakababa


JABETIS (2025)

 


Kung alam ko lang na ganoon kabilis

Ako na sana ang lumayo at umalis

Hindi man lang nahawakan, muntik lang dumamplis

Ito pala ang kapalit ng panandaliang tamis


Hindi mo naman ako binigyan ng tsokolate

Ang lahat pala ay walang kahulugan

Sa huli, hindi rin naman ako pinili

Pagkat wala talaga ako sa pagpipilian


Masyado lang sigurong lumabis nang lumabis

Ang pananaginip ko ng matamis

Kaya siguro bigla ka na lang nawala at umalis

Naiwan mo akong mayroong... jabetis


PISCES (2025)

 Lumalangoy na dalawang isda
Isang pa-timog, isang pa-hilaga
Sa ilog ng pagtangis at pagtawa

Sinusundan ang buntot ng isa't isa
Paikot-ikot sa gabi hanggang umaga
'Di nahihilo ang mga mata

‘Di pa rin alam kung kanan o kaliwa
Ang pupuntahan pagpapasok at pauwi
Pagkat tahanan ang karagatang malaya
Ngunit ang isda’y sa lambat nahuli

 

ELEHIYA SA AKING DAMDAMIN (2025)

 Nagpapabigat ang damdamin...

Kaya’t unti-unting lumulubog
Sa dagat, palalim nang palalim
Dumidilim ang paligid ng puso

Nalulunod sa dagat ng tangis
Ngunit ‘di marunong lumangoy
Tahimik na lang tinatanggap
Walang saysay ang panaghoy

Lulutang na lang ba pag walang buhay
O tatangayin ng malakas na alon
Patungo sa isang dalampasigan
Hindi kilala ang kalungkutan 

Hindi na masisisi ang sarili
Mapapatawad lamang ba ng labi
Ngunit ang pusong dating kay liksi
Makakahabol pa kaya sa bilis ng sandali

Bawat buntong-hininga nababatid
Maging pagtibok at pagtigil ng puso
Nakikilala sampung laman at litid
Gayundin ang galak at paninibugho

Ang batong inimpok sa aking puso
Ang mga alaalang pilit nililimot
Pitong-libo, pitong-daan, at pitompu
Paulit-ulit nang paulit-ulit
Hanggang sa ang mga luha ay matuyo
At matira na lamang ang mga guhit


KASAL NG DEPRESSION AT INSOMNIA (2025)

Pag kinasal ang depression at insomnia

Uulan, aaraw, at liliwanag ang buwan 

Yagpi-tagping panyo ang traje de boda

At ang handaan sa burol at libingan 

Hahalikan sa pisngi ng mga luha
Huhubarin naman ang magandang alaala
At magniniig ang takot at pangamba
Sa isang gabi ng pamumulot-gata

Magsasama habambuhay ang sumpa
Sa madlang hirap at kaunting ginhawa
Hanggang sa ibuga ang huling hininga
'Di maghihiwalay dito at doon sa kabila

Pag kinasal ang depression at insomnia
Lahat ay imbitado sa burol at libing
Pakabusog kayo sa kape, zesto, at chicha
Hanggang sa muli, ito na ang final viewing

 

BAKIT HINDI NA AKO NANALANGIN? (2025)

Nililibang ang isipang malikot

Para ‘di na maligaw sa pasikot-sikot

Pinipilit na mabura at malimot

Ang tanong na hinubad sa pagkakasuot —


Bakit ako tumigil manalangin?

Pagkat musmos palang tinatakan na

Sa aking murang-mura na isipan

Na sa impiyerno ang aking pupuntahan


Sinubukang magdasal

Sinikap namang maging banal

Ngunit ano ang isinukli?

Mapanghusgang tingin at salita


Hindi naman ako tumigil manalangin

Sadyang pinipili lang nila ang maliligtas

Marahil ‘di ako napili pagkat iba…

Dapat hipokrita rin akong makasalanan


Pinapako niyo lagi sa krus

Kayo ang Hudas kay Hesus

Mga makabagong Pontio Pilato

Humahatol agad sa tao


Kaya ano pang saysay ng buhay

Kung para rin naman akong pinapatay

Sana sa impyerno ay tanggapin

Ang aking mga pagsamo’t dalangin —


Hanggang sa nilagay na ang tungtungan

Itinali nila ang lubid sa kisame

Isinuot na rin ang ulo sa butas

Tinulungan pang tumalon para magbigti


Hindi ako nagpakamatay

Pinatay niyo ako

Ikaw ang may kasalanan

Nasa kamay mo ang dugo


Maghugas ka man ng konsensya

Magkumpisal man sa parokya

Hindi ka mapapatawad

Mabubulok na sa purgatoryo


Hindi naman ako magmumulto

Didiretso na agad sa impyerno

Kaya huwag niyo na akong hanapin

Pagkat ngayon alam niyo bakit ‘di na ako nanalangin


UNDAS (2025)

hinuhukay ang lupa

ang ataul ay ibababa na

huling tingin na sa bangkay

tatabunan na rin pagkatapos

pagkat buhay namamatay

 ang simula natatapos

ngunit ako ay humihinga pa

ngunit nabubulok na

ang kaloob-kalooban

pagkat ang basura

hindi natapon sa basurahan

hindi kasi pwedeng tuluan

ang kabaong ng luha

pagkat mamalasin daw

kaya’t ang bulaklak ay nauhaw

tuwing undas lang dinadalaw

ang mga yumaong namayapa

ngunit aking kaluluwa

nagpantay na ang mga paa

kaya kahit sindihan ang kandila

hihipan din ng hangin

ang aking mga panalangin

pagkat sa buhay ngayon at sa kabila

hindi pa rin naman payapa

 

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...