I don't think you like me
I think it's just out of pity
Maybe we should stop this
But I want to see you again please!
It's me and my keloidal heart
It's forming again a thick raised scar
We never started, we never part
All is fair in love and in war
"Sa mga mahahalimuyak at makukulay na bulaklak ng aking kabataang naisatitik para sa alaalang aking sasariwain at babalik-balikan."
I don't think you like me
I think it's just out of pity
Maybe we should stop this
But I want to see you again please!
It's me and my keloidal heart
It's forming again a thick raised scar
We never started, we never part
All is fair in love and in war
Ganyan ka pala sa lahat
Buti na lang ako ay namulat
Hindi pala ako espesyal
Isa lang akong hangal
Dahil naniwala at nawala ako sa iyo
Umakap ka pa, tinapik aking braso
Ngunit pagtingin sa mga mata mo
Nakatutok sa kanya, naghuhugis-puso
Ganiyan ka pala sa iba, sa lahat, sa kanila
Wala lang palang ibig sabihin at malisya
Hayaan mo muna sana akong magluksa
Dahil ito raw ang kapalit ng pag-ibig sinta
bumabara sa aking lalamunan
ang mga pighati't kapaguran
kailan ko ba mararanasan?
ang wagas na kapahingahan
lumalabo na ang mga mata
dahil 'di tumutulo ang mga luha
nananatili lang nakababad
sa puso kong sawingpalad
gusto ko na munang bunutin
ang mga tinik na nakasinsin
sa pusong laging lulunurin
ang pagod at sakit laging susundin
Kapag ang puso ay umibig
Ito'y masasaktan at masusugatan
Lalo na kapag inuusig
Kailangang ipagsigawan at ipaglaban
Tarakan man ng sibat
Saksakin man ng balaraw
Magkaroon man ng maraming peklat
Ang mahalaga ay umibig kahit pumanaw
Dahil ang tunay na mas masakit
Ang hindi magmahal nang tunay
'Di maranasan ang tamis at ang pait
Buhay nga ngunit ang kalooban ay patay
Nang may biglaang kumalabit
Si Kamatayan ay lumalapit
Ang dibdib sumikdo't namilipit
Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit
Hinahabol-habol niya ako ngayon
Samanatalang hinahanap siya kahapon
Ngunit 'di niya pa ako matataya
Dahil marami pang 'di nasabing salita
Ngayo'y nahihirapan nang huminga
Na dati'y pinipigil pag lumuluha
Bakit pag gusto ay umaayaw bigla
Pag kinalabit ka, tatakbo o sasama ka ba?
PS:
Kasi kala ko matetegi boom na ako kanina sa Cubao kasi sobrang sakit ng dibdib ko kala ko heart attack. Kaya ayun dasal lang ako nang dasal na sana makauwi ako at hindi humandusay. Thank you Lord at 'di ako namatay today!
Ang aking puso rin ay tigib ng hapis
Kung maaring ilayo na yaring kalis
Ngunit pagkalooban po ako ng pagtitiis
Lakipan din po pag-ibig na walang mintis
Yaring puso ay nabalot ng maraming sugat
Natatarakan din ng isang matalim na sibat
Pagmamahal na dumaramay sa ligalig
Sa diwang tahimik, palaging nakikinig
Ang iyong pusong mahal na lipos ng habag
Ako'y dadalangin kahit na sa isip ay labag
Pagkat ikaw po ang natatanging kaibigan
Sa anumang pagsubok, ako'y hindi iiwanan
Kapag tumibok ang puso
Nagiging komplikado
Hanggang mahulog nang buo
Sobrang delikado
Tinawag na lahat ng santo
'Di pa rin desidido
Lagi pang tumatakbo't lumalayo
Kaya mas nagiging komplikado
May pag-asa bang totoo
Bakit nakakalito
Ang kwentong komplikado
Hanggang ganito ba hanggang dulo?
Sana maayos mo
Para 'di maging komplikado
Kahit piliin mo'y 'di ako
Ayos lang, sarili ay unahin mo
PS
Bakit ka nagdeactivate??? I hope you're okay and hindi ito tungkol sa akin. Pero kung tungkol sa akin ayos lang kahit 'di mo ko piliin. Piliin mo sarili mo!
Lagi na lang akong tumatakbo
Habang ang mundo ay lumalayo
Nais niyo ba akong magbago
Kahit wala naman mali sa'king pagkatao
Lagi na lang akong kumakaripas
Kaya't 'di namamalayang lumilipas
Ang matuling pag-andar ng oras
Naiisip ko lang na ako ay malas
Lagi na lang naglalakad nang matulin
Ang hirap-hirap niyo kasing habulin
Wala kasing nagpapaiwan para intindihin
Ako at ako na lang ang laging sisisihin
Lagi na lang akong napapagal
Kaya't ang puso ay hinihingal
Ganon ba kahirap ang magmahal
Kaya ako ay laging nasasakal
Pwede ba akong huminto kahit saglit
Pag tumigil, ako ba ay ipagpapalit
Isipin niyo naman minsan naging paslit
Para pagmamahal ninyo'y 'di ipagkait
Mawawala ka na lang at babalik
Magsasalita tapos 'di iimik
Lilitaw at lulubog ang lintik
Dati ka bang kabuteng may saltik
Eto naman ako laging naghihintay
Dito na yata ako mamamatay
Isang kanta, isang ngiti, mabubuhay
Para kang kabuteng umaahon sa hukay
Hanggang sa 'di na kita iniisip
Kaya't dinadalaw mo na ako sa paniginip
Andito lang naman ako pag ika'y nainip
Ikaw ang kabuteng nagtatago't sumisilip
Nawala na ang aking anino
Sumusunod na pala sa iyo
Minsan masyado 'yang pilyo
Madalas namang nagpapakatotoo
Ang kakambal kong kadiliman
Walang sumusunod, walang sinusundan
Lumalabas lang pag naarawan
Nawawala naman kinagabihan
'Yan na nga lang ang meron ako
Napunta at napunta pa rin sa iyo
Pwede mo bang ibalik ang aking anino
Dahil ngayon nag-iisa na lang ako
Mas natatakot ka pa sa dilim
Kaysa ako'y mapalayo't maging malihim
Mas kinatatakutan mo pa ang multo
Kaysa ako ay mapariwara sa mundo
O sino nga ba ang dapat kong kamuhian
Ang kabutihan ba o ang kasamaan
Kasi sa aking panimdim at paningin
Parang parehas lang naman kung iisipin
Mas natatakot ako ngayon sa hinaharap
Dahil pinatay mo ang aking pangarap
Mas kinatatakutan ko ang manatili
Sapagkat sa akin ay walang umiitindi
O sino nga ba ang dapat kong ikapangamba
Ang unti-unti ko paglapit sa pagtanda
O ang dahan-dahang pagmamartsa
Patungo sa lugar na masaya pero wala ka
Bagay ba sa leeg ang kwintas na lubid
Maganda kasi ang pula sa laman at litid
Tas iinumin ko pa 'yung muriatic acid
Walang makakaalam, walang nagmamasid
Bagay ba akong humandusay sa kalsada
Lasog-lasog ang bawat kalamnan at bituka
O kaya magbabad sa ilalim ng karagatan
'Yung tipong wala na akong hihingahan
Bakit ba kahit matulog ako ay pagod pa rin
Kahit ngumiti nakakaubos ng damdamin
Wala namang dumadamay, walang aakay
Mabuti pa siguro ako na lang ay humimlay
Walang umiimik
Paligid ay tahimik
Lalamuna'y may tinik
'Di rin makatitig
Dumadalaw ka
Sa aking diwa
Hindi nagsasalita
Lumalayo ka na ba?
Ang labo-labo mo kasi
Pati sa panaginip, 'di mapakali
Ano ba talaga ang sinasabi?
Lagi na lang ba ako iintindi?
PS: Napaniginipan ko siya nagsimba raw ako tapos andon siya nag-pi-piano. Nagkatitigan kami tapos ayun na. First time ko siya napaniginipan.
Ayoko munang idilat ang mga mata
Tutuyuin ko muna ang aking luha
Kailan kaya gigising sa isang umaga
Ang pagod ay wala, meron lang ay pahinga
Babangon kaya muli ng bitbit ay pag-asa
Hindi ang madlang takot ko at pangamba
Binabalot ng marami kong pagdududa
Bumabaluktot sa mumunti kong kama
Sisikatan kaya ako ng dakilang haring araw
Bago ako lagutan ng hininga sa pagpanaw
Tulad ni Icarus na ang pakpak ay natunaw
Sa aking pagbagsak, masaya akong hihiyaw
Hindi mo naman ako kailangang mahalin
Ang nadarama mo'y 'di naman kailangang sabihin
Hindi rin naman kita kukulitin at pipilitin
Ang tanging hiling sana'y hayaan ako sa aking lihim na pagtingin
Hindi naman natin tatakbuhin nang matulin
Kahit na hindi ako ang iyong piliin
Huwag na huwag mo lang sana akong lituhin
Hihiling na lang ako sa buwan at bituin
Sa aking buhay, kung saan man ako dalhin
Sa aking loob-loob, sana ay sa iyo pa rin
Kung hindi man, laman ka pa rin ng panalangin
Ang iyong kaligayahan sana ay kaniyang dinggin
Kung hindi tayo pwede sa buhay na 'to
Baka sa susunod pa tayong habangbuhay
Hanapin mo na lang ulit ang ikaw at ako
Para ang kwento natin malagyan ng kulay
Pag ako ay babae na at ikaw nama'y lalaki
O kaya ako ang lalaki at ikaw ang babae
Pwede rin namang pareho tayo ng kasarian
Dahil ang magmahal ay hindi kasalanan
Hindi naman natin maisisik ang sarili
Kung parehas nating hindi pinipili
Ang magmahal sa gitna ng pangyayari
Sa tadhana na lang ba natin isisisi?
Sa kalangitan may kumikislap, kumikinang na bulalakaw
Sinusundan ng tingin hanggang sa hindi na matanaw
Hinahanap kung saan bumagsak doon lang pala sa Cubao
At ang aking natagpuan at napagmasdan, walang iba kundi ikaw
Kahit minsan akong nawala, minsang nanaghoy, minsang naligaw
Sa madilim at mapanglaw na gabi, ikaw ang nagsindi ng ilaw
Mas maliwanag, mas matingkad, mas mainit pa sa araw
Ikaw ang biglang dumating sa kalangitan ko ang nag-iisang bulalakaw
Ako ang bumulusok at nagpatihulog nang ikaw ay biglaang lumitaw
Gaya ng gumuguhit sa malawakang kalawakang bulalakaw
Ang pusong pihikan ay tumibok, ang puso ay kusang binigay sa magnanakaw
Humiling sa buwan, bituin, at bulalakaw na ang malabo'y unti-unting luminaw
Paano ba ako manghuhula
Kung ano ang 'yong nadarama
Tao, Lugar, Hayop, Pagkain, o Bagay ba?
Ano ba talaga ang kategorya?
Kung 'di ka sigurado latkatawan muna
Babalikan na lang natin pag may oras pa
'Di mo naman kailangan maging Henyo
Para malaman nilalaman ng puso
May kutob at pandama naman ako
'Di ako manhid na katulad mo
Na basta-basta na lang lumalayo
Parang hindi ikaw ang nagbigay-motibo
Napapagod na akong manghula
Nauubos na pag-iisip kung meron ba
Kasagutan sa bawat katanungan
Kasiguraduhan ba o kalituhan
Sagutin mo naman ako kung oo o hindi
Para 'di nanlalabo ang aking pag-intindi
Magpaparamdam ka
Ta's bigla na lang mawawala
Magpapahiwatig pa
Ta's ako nama'y umaasa
Para kang vertigo
Pinapaikot mo ang aking mundo
Kaya ako'y nahihilo
Nalilito kung ano ba tayo?
Hanggang tuluyang magsawa
Maglalaho sa isang kisapmata
Ano pa ba ang aking magagawa?
Baka ito talaga ang tinadhana
Paano ba gagaling pa
Ang vertigo kong malubha na
Pero ako'y nasanay na
Sa pagpapaikot mo sa tuwina
Sa bla bla bla bla
Sa malabo ay okay na
Sa wala wala wala
Sanay na sanay na
Siguro nga lumalayo ka na
Nabalot ka na ng pangamba
Alam kong ako ay kakaiba
Ngunit wala namang mali sa'kin, 'di ba?
Tinangay ka na siguro ng hangin
Kasabay ng aking mga dalangin
Dapat siguro hindi na lang umamin
Para kahit papano natatanaw ka pa rin
Susulyap na lang ako sa malayo
Sa paglubog ng araw ng ating mundo
Hindi naman kasi dapat ako nalilito
Hindi ba malinaw na wala namang tayo
Lumalalim nang lumalim ang buntong-hininga
Hinuhukay nang hinuhukay ang kaibuturan ng kaluluwa
Tumambad ang bangkay na naagnas na
Umaalingasaw ang masangsang na diwa
Humihiwalay na ang isip sa aking mga paa
Naglalakad sa gitna ng kalsada
Ang mga kotse ang binabangga
Nabundol sa matagalang pagkatulala
Nalunod sa karagatan ng luha
Wala man lang naghagis ng salbabida
Lumulutang, lumulubog, lumalansa
Nananadyang umiwas ang lambat ng mangingisda
Bakit natin binibilang ang bituin
Para lang umiwas ng tingin
Bakit tayo nagtatagu-taguan
Sa ilalim ng maliwanag na buwan
Bakit natin ipinaparamdam
Ang damdaming tayo lang ang may alam
Bakit tayo laging naiilang
Kaya naiiwan ang isang lumulutang-lutang
Bakit natin nililihim at itinatago
Ang nilalaman ng ating mga puso
Bakit tayo laging naduduwag
Ang ating kwento ba ay maglalayag
Kung ang lumikha ay pag-ibig
Bakit ang pagmamahal ko'y inuusig?
Paano lalago ang buong daigdig
Kung ang isang halama'y walang dilig
Kung tatalikuran ang aking hinaharap
Pikit-mata akong mangangarap
Yayaman ako sa aking paghihirap
Sa kadiliman ng mundo, kikislap-kislap
Sa karagatan ng sandaang buhay
Ako ay sirenang 'di lumalangoy
Anurin man sa malalim na hukay
Tahimik akong aasa kahit nananaghoy
Sa bawat awiting napapakinggan
Ikaw na lang ang laging iisipin
Ngunit wala ka na, 'di na kapiling
Ikaw ay mananatili na lang na hiling
Kahit sa aking pagpapahinga
Dumadalaw ka pa sa panaginip
Dumudungaw ka sa gabi't umaga
Sa aking pagkabagot at pagkainip
Dumadapo ba ako sa iyong isipan
Kung hindi, ako'y nag-iisa na naman
Kailan mo ba ako lulubayan?
Gusto nang lumagay sa katahimikan
Pwede pa ba nating ipilit
Mukhang wala na 'to
Baka meron nang sumingit
Sa pagitan ng ikaw at ako
Ayaw ko pa namang nagpupuyat
Pero basta ikaw ay ayos lang
Pumupurol na ang panulat
Ikaw at ako pa rin ay naiilang
'Di kita mabasang talaga
Para kang libro sa matematika
Ano bang solusyon sa problema
Kung aamin ako, ikaw rin ba?
Nais kong mawala sa mundo
Isang segundo, isang minuto
Isang araw, isang linggo
Hahanapin mo kaya ako?
Nais magwala ng aking puso
Sumigaw, sumabog, sumikdo
Huminga, huminahon, huminto
Mauunawaan ba ako?
Nais kong mawala, magwala, maniwala
Maniwalang may puwang ang ako
Sa isang sandaigdigang pilit sinusuka
Ang aking paglalantad at pagpapakatotoo
Ikaw ang kasalanang uulitin at sasadyain
Hinding-hindi bibitawan, kakapit pa rin
Ikukumpisal pero may kaunting pabitin
Sa mandarayang tukso, ako ay lapitin
Kung mapupunta man ako sa impyerno
Dahil sa aking pagmamahal sa tulad mo
Hindi ito maipagsisino ng anghel at santo
Pagkat ang sala ko lamang ay umibig sa'yo
Nais kong malaman mo na kahit gumuhit
Sa puso ang damdaming mahapdi't mapait
Hinding-hindi sumagi sa isip na ipagpapalit
Ang ikaw sa panahong may galak at sakit
Lalakad ng paluhod sa altar ng simbahan
Kahit isuka man ako ng sangkalangitan
Ang kasalanan kong ito na pagmamahal
Aking taos-pusong aakuin at ikukumpisal
Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...