Mga kumukutikutitap na abot-taingang ngiti Noong tayo ay mga bata pang mumunti Umiindayog sa mga tugtog pang-Pasko Habang nakapila’t humihingi ng aguinaldo
Dating payak at karaniwang pagsasalu-salo
Sabayan pa ng inosenteng pagtingin sa mundo
Kasama ang pamilyang kumpleto at buo
Ang sarap balikan ng mga nagdaang Pasko
Sa matuling pagtakbo ng oras at panahon
Mga kasiyahan sa nilimot at atin nang binaon
Sadya bang nagbago na ang selebrasyon
O mahirap nang pasiyahin mga puso natin ngayon?
Ngayong Pasko, kaliwa’t kanan na ang suliranin
Ang pagdanak ng dugo sa Gaza, Palestine
Ang mga taga-Congo na tahasang inaalipin
Ang mga tsuper ng tradisyunal na jeep ay sisisantehin
Magiging matamis pa rin kaya ang mga tsokolate?
Magiging malinamnam pa rin kaya ang nakahandang putahe?
Makapagpapahinga pa rin ba sa biyahe pauwi
Pauwi sa nakaraang mga Pasko na siyang minimithi
Sa pagdaan ng nagmamadaling takbo ng buhay
Ang Pasko nga ba ay nagbagong tunay?
O sadyang tayo na ang binago ng panahon?
Kaya’t sinasaliksik ang lalim at saysay ng kagalakan taon-taon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento