“Naniniwala ako na ang mga mamamayang sumusulat, bumabasa, at sumusuri sa
panitikan ay ang pag-asa ng bayan.”
BAWAT SALAYSAY AY MAY SAYSAY
Kwentuhan, huntahan, chismisan… anuman ang tawag mo ay hindi maitatatwa na bahagi na sila ng kultura nating mga Pilipino. Ganoon kahalaga ang bawat salaysay, kwento, pati na ang chismis sa paghubog ng ating pagkakakilanlan bilang isang lahi. Dito nabigyang-pansin ang pagpapakahulugan sa panitikan na ito ay akdang maaring pasalita, pasulat o pasalintroniko na sumasalamin sa danas, lagay, tagumpay, at pagkabigo ng isang tao o lipunan, anuman ang sosyo-ekonomikong estado, relihiyon, at kasarian nito.
Tuwing pumapatak ang buwan ng Abril ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Pambansang Panitikan alinsunod sa Proklamasyon Blg. 968, s. 2015. Bunsod nito naglunsad ang Center for Literary and Language Studies - PUP ng serye ng mga lektura para sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan na siyang dinaluhan namin ng aking mga kaklase. Dito sa lekturang ito ay binigyang-diin at ipinanukala ng tagapagsalita na si Dr. U Z. Eliserio, isang manunulat at propesor, ang pagtatatag ng pagkakakilanlan ng Pilipinasbilang isang “Bayan ng Maikling Kwento” na kumakatha ng mga salaysay na masining, rebolusyonaryo, at mapagpalaya. Ang pinakapuso ng lektura ay paalala na bawat salaysay na kinakatha ay may saysay sa buhay ng bawat Pilipinong makababasa nito.
MONUMENTO NG MGA SALITA
Ang maikling kwento, ayon sa tagapagsalita, ay isang monumento na binubuo ng mga salita na maaring pumaksa sa sariling karanasan ng manunulat. Bakit nga kaya ginamit ang salitang ‘monumento’ sa pagpapakahulugan ng maikling kwento? Sa aking palagay at pagsusuri, ang ‘monumento’ ay binuo para alalahanin ang isang tao o pangyayari (Cambridge Dictionary). Kung gayon, ang maikling kwento ay isang pagsesemento ng alaala sa paraan ng pagsulat ng alaala, damdamin, at mithiin ng tao o ng pangyayari.
Dagdag pa ng tagapagsalita na hindi natatapos sa pagsulat at pagbasa ang maikling kwento dahil ang mithiin nito ay maging daluyan ng pagbabago para sa isang lipunan. Ayon kay Piglia, naniniwala siya na: “Ang piksyon ay nangungusap sa paraan ng mga simbolismo at talinhaga na pumapaksa sa realidad ng lipunan.” (“Fiction always codes and constructs hieroglyphs out of social reality.”) Nasa mambabasa na para unawain at tuklasin ang kahulugan ng mga simbolismo at talinhagang itinago ng manunulat sa akda.
MAIKLING KWENTO VS TULA VS NOBELA VS SOCIAL MEDIA
Sa isang bahagi ng lektura ay inihambing ng tagapagsalita ang Maikling Kwento sa Tula, Nobela, at maging sa Social Media. Una, ang tula raw ay masyadong madaling isulat kaya’t kadalasan ay hindi maayos ang pagkakahabi ng mga salita upang matawag na makata. Pangalawa, ang nobela naman ay mahaba kung isusulat at babasahin kaya’t hindi lahat ng mga Pilipino ay makasusulat sa ganitong midyum. Pangatlo, ang social media ay mabilis ang pag-usad at nalilimitahan ang titik na maaring magamit para makapagkwento.
Samantala ang maikling kwento ay hindi mahirap isulat dahil ito ay prosa / tuluyan. Hindi ito mahaba isulat at basahin. Hindi rin nalilimitahan ang titik na maaring gamitin para makapagkwento. Sa madaling sabi, ang maikling kwento ay ang tamang timpla ng panitikan na maaring gamitin ng mga Pilipino upang maging imbakan ng alaala, ng damdamin, at ng mithiin.
ALAALA NG ISANG BAYAN, IMBAKAN NG KARANASAN
Huwag makalimot. Huwag magbulag-bulagan. Huwag magsinungaling. Iyan ang ilan ang mga panlaban sa mga lason na pumupuksa sa integridad ng isang alaala. Itinuturing ang maikling kwento, o ang panitikan para sa kabuoang pagtingin, na alaala ng isang bayan dahil nagsisilbi itong imbakan ng karanasan, karunungan, at katalinuhan ng mga mamamayan.
Ginamit ng tagapagsalita ang simbolismo ng elepante sa kabuoan ng kanyang lektura dahil ito ay isang hayop na mayroong matalas na memorya. Dapat nating tularan ang mga elepante sa talas ng memorya dahil sabi nga sa pelikulang ‘Smaller and Smaller Cirlces’ na “Ang paglipas ng oras at pagkalimot sa alaala ay kakampi ng mga mapang-abuso.” (“Time and forgetfulness are the allies of the abusers.”)
Kaya mahalaga na isatitik natin ang ating mga kwento nang sa gayon ay maitatak natin ito sa memorya ng bayan na mahalaga ang bawat karanasan natin. Kaya’t kung lahat ay magsusulat ng maikling kwento magbubunga ito ng rebolusyong tampok ang bawat isa – minorya man o mayorya; babae man o lalaki o bahagi ng LGBTQIA++.
ATING DAMDAMIN, ATING PAG-ALABIN
Ang pag-ibig, galit, saya, lungkot… ang mga damdaming kadalasan ay nakukulong sa ating dibdib ay maaring ibuhos sa salita upang maipahayag ang mga tagumpay at pagkabigo. Sabi nga ni Hellen Keller na “Ang pinakamaganda at pinakadakilang bagay sa mundo ay hindi nakikita o nahahawakan. Bagkus ito ay nararamdaman sa kaibuturan ng ating mga puso.” (“The best and most beautiful things in the world cannot be seen or even touched. They must be felt with the heart.”) Makapangyarihan ang damdamin, kaya’t kung mailalapat ang bawat kulay nito sa isang akda tulad ng maikling kwento ay maaring ang makabasa nito ay mag-alab ang puso at diwa tungo sa mithiing malaya at mapagpalaya.
Kadugtong ng alaala ang damdamin. Kung ano ang naiisip ng utak ay siya ring nararamdaman ng puso. Kaya’t kung mailalapat ang talas ng alaala at ang sidhi ng damdamin sa pagkatha ng maikling kwento ay mabisang mailalahad sa mambabasa ang kwento na tatagos sa puso at tatatak sa isip. Makapangyarihang tunay ang ating damdamin upang pag-alabin ang puso ng isang lahi lalo na kung gagamiting kasangkapan sa pagkatha ng maikling kwento.
BAYANG MALIKHAIN, BAYANG MAY MITHIIN
Ang maikling kwento ay hindi nagtatapos sa salitang ‘wakas’ bagkus ito lamang ang simula ng ating pagkilos batay sa ating nabasang kwento. Ang aral na natutunan maging ito man ay personal o panlipunan ay dapat mabakas sa ating buhay at maging mitsa ng pagkilos tungo sa pag-unlad, paglaya, at paglipad. Kahalintulad ng ibon na nasa hawla ang ating mga isipan, at ang mga salaysay o kwento ang siyang susi parang mabuksan ito mula sa pagkakapinid.
Kaya’t ang panawagan ng tagapagsalita ay bawat Pilipino ay sumulat ng kani-kanilang katha upang maitampok ng bawat isa ang kwento ng isang bayang malikhain na may hinaing, may panaghoy, may direksyon, at may mithiin. Nais kong palalimin at iakma sa tema ng Buwan ng Panitikan (“Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa pamamagitan ng Panitikan”) ang katagang ni Dr. Jose Rizal na “Kabataan ay pag-asa ng bayan.” Ganito ko siya isusulat sa konteksto ng pagbuo ng “Bayan ng Maikling Kwento” – “Naniniwala ako na ang mga mamamayang sumusulat, bumabasa, at sumusuri sa panitikan ay ang pag-asa ng bayan.” Hindi lang basta sumusulat, bagkus sumusulat ng alaala at damdamin ng lipunan pumipintig ng isang himig – ang pagkakaisa, pag-asa, at pagbabago. Hindi lang basta bumabasa, bagkus bumabasa nang may pag-unawa sa teksto at konteksto nito. Hindi lang basta sumusuri, bagkus sumusuri ng may talas na papanday sa mapurol na isipan at ng may apoy na magpapaalab sa diwang makabayan.
BAYAN NG MAIKLING KWENTO
Ang paglikha ng isang “Bayan ng Maikling Kwento” ay isang mahaba, kakila-kilabot, at matrabahong daan. Ito ay magsisimula sa pagtutuon ng pansin sa suliranin ng ‘literacy rate’ o ang bahagdan ng mamamayang marunong bumasa at sumulat at reading ‘comprehension rate’ o bahagdan ng mamamayang nakakaunawa sa tekstong kanilang binasa.
Una, magagawa itong proyekto ng pagsugpo sa “illiteracy” sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon upang matutukan ng lapis at papel ang mga kababayang hindi marunong bumasa at sumulat. Maari nating tularan ang ginawa ng bansang Cuba ang ‘Cuban Literacy Campaign’ matapos ang ‘Cuban Revolution’. Ginawa nilang priyoridad sa loob ng isang taon ang pagtatayo ng mga eskwelahan, pagsasanay sa mga kaguroan, at ang pagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa kanilang mga kababayan. Mahigit 707, 000 na Cuban ang natutong bumasa at sumulat. Mula 60-70 na bahagdan na literarcy rate, tumaas ito ng 96 na bahagdan.
Pangalawa, ang isyu sa mababang “reading comprehension rate” sa Pilipinas ay matutugunan kung maiaayos ang sistema ng edukasyon. Marahil dala na rin ng dalawang taong “online or modular learning” kaya’t mas bumaba ang bahagdan ng mga mag-aaral na nakauunawa sa kanilang binabasa. Ang nakikita kong solusyon dito ay ang magbasa nang magbasa ang mga Pilipino, lalo na ang mga mag-aaral, ng mga babasahing may sustansya at may saysay. Dito ay masasanay ang ating isipan na matuto ng bagong salita, masuri ang konteksto ng akda, at makabuo ng sariling kwento.
Sa pagwawakas, nais kong ibahagi ang isang saknong sa tulang aking kinatha na pinamagatang “Lapis:”
“Kung may lapis kang may tasa
Sumulat ka at nang mamulat ka
Mamulat ka at mamulat din ang iba”
Kadugtong nito ang ang panawagan na – MAGBASA, MAGSULAT, AT MAGSURI ng ating ALAALA, DAMDAMIN, AT MIHIIN bilang isang LAHI. Nang sa gayon ay sa pagdating ng araw na malampasan natin ang mga balakid na ito, ang pagkakalilanlang “Bayan ng Maikling Kwento” ay hindi na lang basta pangarap kundi maging isang ganap na realidad.
SANGGUNIAN
https://kwfdiksiyonaryo.ph/
Winterhalter, E. (2022). Rosa Hernández Acosta on the Cuban Literacy
Campaign. JSTOR Daily. https://daily.jstor.org/rosa-hernandez-acosta-on-the-cubanliteracy-campaign/Thenzai. (n.d.). Ibat-ibang kahulugan ng panitikan ayon sa ibay-ibang
awtoridad. http://thenzai.blogspot.com/2009/06/ibat.html
Buwan ng Panitikan 2023 – Kultura ng Pagkakaisa | PPP Center. (n.d.).
https://ppp.gov.ph/press_releases/buwan-ng-panitikan-2023-kultura-ng-pagkakaisa/
Moya, S., & Moya, S. (2017). The Success of Literacy Education in
Cuba. BORGEN. https://www.borgenmagazine.com/success-literacy-education-in-cuba
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento