“KAPATIRAN, KASARINLAN, AT KARAPATANG PANTAO: PANAWAGAN NG ‘OY UTOL, BUTO’T BALAT KA NA’Y NATUTULOG KA PA’ NI HEBER BARTOLOME” (2023)

“Isang pagtindig sa diwang makabayan na hindi na tayo magpapaalipin pang muli, maging sa dayuhan man o sa ating kababayan. Mangingibabaw ang kapatiran, kasarinlan, at karapatang pantao sa lahat ng mga Pilipino.”


PANIMULA

Ang Oy Utol, Buto’t Balat Ka Na’y Natutulog Ka Pa, ang awiting kinatha ni Heber Bartolome, ay komentaryo hinggil sa panlipunang lagay sa panahon ng diktadurya ng dating Pangulo na si Marcos. Isang diretsahang pagbasag sa sa pantasyang nilikha ng pasistang pamahalaan upang linlangin ang mga mamamayang Pilipino na maayos ang lagay ng lahat. Kabalintunaan ito ng pinakitang imahen ng mga Marcos na “Ginintuang Panahon” at “Bagong Lipunan” dahil maraming kababayan natin ang nagdarahop sa kahirapan, kagutuman, at kawalan ng karapatan. 


PAGDALUMAT SA PAMAGAT

Ang unang dalawang salita na nabanggit sa pamagat ay ang “Oy Utol.” Ang utol ay pinaikling tawag sa kaputol na karaniwang ginagamit sa mga magkakapatid. Ibig sabihin ang turingan ng ating mga kababayan ay hawig ng sa mga mag-utol. Ganoon tampok ang diwa ng bayanihan sa ating bansa. Maging sa hirap man o saya kapiling at kasangga mo sila. Ginamit na imahen ng komposer ang “Buto’t Balat” para bigyang-pansin ang kagutumang nararanasan ng mga Pilipino dahil sa pangangamkam ng yaman ng mga nakaupo sa pwesto na ginagasta sa mga luho at pagpapakitang-gilas sa ibang mga bansa. Samantala, ang “Natutulog Ka Pa” ay isang paggising sa diwang makabayan na bumangon at huwag magpaapi sa mga naghaharing-uri dahil kahit ang isang oso ay matatakot at tatakbo kung magsasama-sama ang mga bubuyog upang labanan ito. 


KRITIK SA LIRIKO

“Masdan niyo ang ating paligid

Akala mo'y walang ligalig

May saya at mayro'ng awit

Ngunit may namimilipit

At siya'y humihibik”

Ang unang bahagi ng awitin ay ang pagbangga sa panlilinlang ng pamahalaan sa tunay na sitwasyon ng bayan. Hindi matatakpan ng musika, pagtitipon, at pagsasaya ang mapait na katotohanang nananaghoy ang mga kababayan nating nasa laylayan na kumakalam ang mga sikmura.

“Masdan niyo ang ating buhay

Masdan niyo ang kapalaran

Bakit may nahihirapan?

Bakit may sumisigaw?

Kay hirap nang tumawa kung bungkag ang 'yong tiyan

Kay hirap nang mangusap kung bibig mo'y may tapal

Kay hirap nang mabuhay kung kalagaya'y ganyan

Kay hirap nang lumaban kung takot ka sa kalaban”

Sa ikalawang bahagi naman binigyang-diin ang mitsa ng pagrerebolusyon laban sa mapang-abusong pamahalaan. Ang salitang “hirap” ay nabanggit nang apat na beses at pumapatungkol ito sa mga inhustisya na hindi dapat nating palampasin bagkus ating tutulan para sating buhay, kasarinlan, at kapayapaan.

“Walang tutulong

Walang tutulong sa atin

Walang pag-asa kung di ka batuhin

At kung tayo'y mananahimik at di kikilos

Ang dapat sa atin ay tawaging mga gago

‘Di niyo ba nalalaman

Kung bakit tayo'y nagkaganyan

Bakit may nahihirapan

Bakit may sumisigaw

Bakit may namimilipit

At sila'y humihibik

Maging ako'y nahihirapan

Kaya ngayo'y sumisigaw

Sumisigaw”

Sa ikatlong bahagi ito na ang pagsisimula ng pagkilos. Pagkilos na tutuldok sa pasistang gobyerno na dumurahagi sa mga kababayan, hinuhubad ang karapatan, at yumuyurak sa ating kasarinlan. Isang pagtindig sa diwang makabayan na hindi na tayo magpapaalipin pang muli, maging sa dayuhan man o sa ating kababayan. Mangingibabaw ang kapatiran, kasarinlan, at karapatang pantao sa lahat ng mga Pilipino, anuman ang sosyo-ekonomikong lagay nito. Nang sa gayon, ang ating lipunan ang yumabong nang yumabong upang ang mga anak ng bayan ay hindi na muling dumaan sa ganitong pagdarahop.


PAGWAWAKAS

Isa itong panawagan sa atin na lingunin ang ating nakaraan dahil ito ang humuhulma sa ating kasalukuyan at ang magtataguyod ng ating ating kinabukasan. Bagaman, umupong muli sa pwesto ang mga pinatalsik ng mapayapang rebolusyon sa EDSA. Muli, tayong makikibaka, magmamartsa, at mananambitan ng panawagang: “KAPATIRAN, KASARINLAN, AT KARAPATANG PANTAO. WALANG MAIIWANG PILIPINO SA LAYLAYAN NG LIPUNAN.” Nang sa gayon, ang lipunan natin ay maging isang ganap na katuparan ng ating pangako, pag-asa, at pag-ibig sa ating bayang tinubuan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...