[DIWA DIWATA by KasibulanNiMarikit: Salin sa Filipino]
Si Diwa at ang kanyang mga kaklase ay nasa gymnasium ng kanilang paaralan para manood ng pagtatanghal ng mga diwata. Tutok na tutok ang mga mata niya sa entablado.
Nakapangalumbaba siya at bumulong, "Gusto kong maging diwata." Sumasabay siya sa pagkanta at pagsayaw ng mga diwata.
Matapos ang pagtatanghal ay pinauwi na sila ng kanilang guro. Naghihintay naman sa labas ang kanyang nanay para sunduin siya.
Sabay-sabay na lumabas ang mga magkakaklase at tumakbo papunta sa gate.
Isang batang lalaki na kaklase ni Diwa ang lumapit sa nanay nito at sinabi,"Bakla po ba ang anak niyo?Kasi para po siyang babae kumilos."
Nagulat ang nanay ni Diwa sa hindi inaasahang sinabi ng batang lalaki kaya wala siyang nasabi rito.
Bumalik ulit siya sa ulirat nang marinig niya ang tinig ni Diwa. na bumati sa kanya, "Hello Nay, natuwa ako sa mga pinanood naming diwata kanina."
Pagkauwi nila pumasok si Diwa sa kwarto nila at nag-isip kung ano ang ang kanyang gagamitin para maging diwata. Ang nanay niya ay pumunta sa kusina para magluto.
Tumayo siya sa salamin hawak ang kumot at tuwalya. Tinapis niya ang kumot parang isang bestida. Ang tuwalya naman ay binalunbon niya sa ulo parang isang mahabang buhok.
Pinalamutian niya ang kanyang ulo at tainga ng bulaklak galing sa plorera nila. Kinuha niya ang lapis at iwinagayway niya itong parang isang wand tulad ng sa mga diwata.
“Diwa, kain na," narinig niyang tawag ng kanyang nanay.
Hindi na siya nakapagbihis pa at nabuksan na ng kanyang nanay ang pinto. Naabutan niya itong nakatapis ng tuwalya, nakabalunbon ang ulo ng tuwalya, at may palamuting bulaklak sa tainga.
“Diwa… napakaganda mo naman," sabi niya sabay lakad papunta kay Diwa at niyakap ito nang mahigpit.
“S-salamat nay," mangiyak-ngiyak na bulong nito sa kanyang nanay.
Pinahiran agad ng kanyang nanay ang kanyang luha.
"Huwag ka na umiyak, mahal na mahal kita, Diwa." sabi niya.
"Nay, gusto ko maging isang diwata kagaya ng nasa school," masiglang sabi niya.
"Sige ngayon ikaw na si Diwa Diwata," nakangiting sabi ng nanay niya.
"Diwa Diwata," masayang sigaw niya habang kumikislap-kislap ang mata nito. Abot-tainga rin ang ngiti ng kanyang nanay.
“Tutulungan ka ni nanay para ikaw ang maging pinakamaganda at pinakamabait na diwata sa buong mundo," sabi niya sabay halik sa pisngi ni Diwa.
Matapos nilang kumain, magkayakap silang nanood sa telebisyon ng mga diwata.
Nakatulog na sila sa kanilang kinauupuan. Sa panaginip sila ay parehong diwata na lumilipad at nagbabahagi ng mahika sa mga tao.
Nakangiti silang punong-puno ang puso ng tuwa, pag-ibig, pagtanggap, at... mahika.
"Pwede mong abutin ang pangarap mo maging ano at sino ka man."
AUTHOR'S NOTE:
Ang kwentong ito ay aking love letter sa limang taong gulang na ako. Hango ito sa aking karanasan at nais kong ipabatid sa mga kabataan at magulang na makakabasa nito na walang mali sa pagiging isang bakla. Pagtanggap, pagmamahal, at pagsuporta ang dapat natin ipalaganap kalakip ng isang mahigpit na yakap. Nawa'y mahanap natin ito sa ating puso tulad nina diwa at ang kanyang ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento