What's up? Guess what? Quarantine pa rin.
Itong chikahan na 'to ay part two na ang unang part ay sinulat ko noong April 19, 2021.
Noong nakaraang tatlong linggo, Agosto 2, 2021, nagsimula na ang pang-akademikong taon 2021-2022 sa aming paaralan. Grade 12 na ako. Grabe, parang kailan lang sumasayaw-sayaw lang ako sa corridor para mapansin ng crush ko, humahalakhak lang ako nang walang katapusan sa canteen, sa classroom, at sa kung saan-saan, at nag-e-enjoy sa aking "high school life". Hays... ang bilis nga naman ng panahon.
Kaninang madaling araw, mga alas-kuwatro, nagising ako, naihi, at 'di na nabawi pa ang aking tulog kaya late ako nagising at 'di nakapasok sa aking homeroom. Online na nga lang 'di pa nakapasok. Kaninang hindi ako makatulog inisip ko na lang ang plano ko sa hinaharap. Isa na doon ang kursong kukunin ko sa kolehiyo. Ang isa sa mga kinokonsidera kong kunin ay Marketing. Ang layo sa HUMSS strand na kinuha ko 'di ba. Iniisip ko kasi na iyon ang kursong kinukuha ng mga mag-a-artista e, feeling artista at superstar naman ako kaya why not?
Bago rin ako matulog may ritwal pa kong ginagawa. 'Di naman ito pang-kulto kaya don't worry. Naglalagay lang ako ng Vicks sa ilong at sa dibdib (Oo na pareho ng likod 'to). Tapos in-e-exercise ko rin 'yung ilong ko pa-upward motion 100 times. 'Yung bridge din para medyo lumiit. Pero nakaka-relax kasi 'yun kaya halos tatlong buwan ko nang ginagawa. minamassage ko rin 'yung under eyes ko para mawala eye bags na sobrang lusog dati pero ngayong medyo numinipis na... whew. saka 'yung sa brow bone ko minamassage ko rin. Lahat 100 times. Pagtapos ay nag-ko-close-open ako sabay ng pagpikit-pikit saka ng pagpapatunog ng daliri sa paa ('di ko alam tawag sa eme na activity na yan).
Noong nakaraan pala nagpunta kami sa mga "Pilgrimage Church sa Diocese ng Antipolo" dahil 500 years na ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Noong July 9 kami nagpunta. Nagsimula kami sa Antipolo Cathedral, tapos sa Anunciata Parish na pinakamatandang simabahan daw sa diyosesis. Sa Regina Rica naman kami nagsimba at kumain ng tanghalian. Ang haba ng biyahe papunta roon pero worth it naman. Sunod naman ang Our Lady of Light na malapit sa 'kin dahil doon kami lagi nagsisimba noong nag-aaral pa ako sa Cainta at noong tumira kami roon. Tapos sa San Ildefonso de Toledo na paikot-ikot kami kasi nakasarado ang gate. 'Yun pala magsasabi para pagbuksan ng gate. Last stop ang Our Lady of the Abandoned at umuwi na kami.
Balik sa araw ngayon. Sa nobelang Entablado ('di pa pinal na pamagat pero maganda na naman 'di ba) naisulat ko na ang unang kabanata pero tulad nga nang naipangako ko sa sarili ko na magsusulat ako ng nobela kung nakapagbasa na ako ng sampung nobela. Kumbaga hitting two birds with jackstone (tama ba?) nag-research na ko sa topic na plano kong isulat at natututo pa ako ng istilo sa pagsulat. Nabuo ko na ang mga eksenang gusto ko isulat pero hindi pa siya masyadong ganap, hapyaw pa lang. Wala pa nga rin akong ending sa ngayon e. Kaya iyon muna ang gusto kong pag-isipan, pagnilayan, at pagtuonan dahil karamihan sa mga awtor na napapanood ko na nagbibigay ng tips sa mga baguhan sa pagsulat ay dapat daw na alamin muna ang ending para alam mo kung saan ka pupunta. Kaya 'yon muna ang aatupagin ko.
Sa online class naman may apat na bagong teacher na hindi ako kilala pero okay lang mahaba pa naman ito kaya may panahon pa akong magpakilala. May isa naman pinaglihi ata sa gulo at katamaran. Bago 'yan, disclaimer muna kahit tanungin niyo pa mga ka-batch ko ganon din ang sasabihin nila. Magpapa-repoting na naman siya. Isang malaking awit naman diyan. Naalala ko tuloy na nag-ke-candy crush lang siya pag nag-re-report kami dati. Tas ngayon on the spot siya gumawa ng powerpoint niya, galing 'di ba? Pero natuwa naman ako sa Philosophy teacher namin magaling siya napaka-active at interactive ng lesson/meet niya kahit na patay na oras natapat subject niya (alas-dos hanggang alas-tres).
Nag-birthday din pala tatay ko. Naghanda ng palabok, ng kare kare, saka ng cake at ice cream. Share ko lang hehe.
'Iyon lang naman ang mga ganap sa buhay ko sa ngayon. Hanggang sa muling MGA NAIISIP KO NGAYONG QUARANTINE. BA-bye!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento