ISINUKA (2025)

Nabuo sa sinapupunan

Tumagal nang siyam na buwan

Pagdating ng kapanganakan

Hindi isinilang, kundi isinuka

Niluwa sa lipunang mapanghusga

Nilait mula ulo hanggang paa

Katawan pati kaluluwa

Ano bang kasalanan

Para kutyain, para talikuran

Kung iibig lang naman

Kung magpapakatotoo

Mas gusto ba nilang magsinungaling ako?

Gusto akong magbago

Bakit hindi kayo?


TAKOT SA KALULUWA (2025)

Natatakot ka sa kaluluwa

Ngunit, 'di sa nabubuhay

Magkakaroon lang ba ako ng halaga

Pag ako ay namatay


Buti pa ang 'di nakikita ng mata

Binibigyang-pansin ang nararamdaman

Akong nakikita at nakakasama

Higit pa sa lupa kung tapakan


Siguro sa kabilang buhay

Maghihilom ang mga bukas kong sugat

Sa libingan ko ihihimlay

Matutuyo ito at magiging peklat


BIGLA! (2025)

biglang 'di na ako natatakot tumalon sa ikasampung palapag

para magwakas ang 'di matapos-tapos na sumpa ng magdamag

bakit parang 'di maubos-ubos ang problemang dagdag nang dagdag

ang katawang kalunos-lunos matutulad na sa kaluluwa kong basag


ang ang kulang-kulang kong nakaraan

tumatagos sa naghihingalong kasalukuyan

at sa hinaharap kong walang kasiguraduhan

puputol-putulin ang buhay kong walang katapusan


biglang 'di ako nalulula mataas-taas na gusali

biglang 'di nakakalunod ang malalim-lalim na dagat

biglang nakakaenganyo nang si kamatayan ngumiti

biglang naglakad-lakad sa mga bubog na nakakalat

biglang hindi na ako nabigla

na bigla na lang akong bumulagta



BUWIS-BUHAY (2025)

Bunga ng dugo, luha, pawis
Ginagawang araw ang gabi
Para sa buwis
Para sa bansa
Ngunit ano ang ginawa
Ang buwis ay binubulsa
Kinukurakot, kinakamkam
Ngunit 'di lang pera ang kinukuha niyo
Katumbas ng buwis ay buhay
Buhay ng mga pilipino
Kaya 'di lang kayo nagnanakaw
Kayo rin ay pumapatay
Hindi gamit ng dahas
Mas masahol pa riyan
Ang inyong armas
Ay kasakiman
Marahil 'di na impyerno ang naghihintay
Sa inyong pagkamatay
Mabubuhay kayong mas mababa pa
Mas dukha pa sa dukha
Mas mababa sa alikabok
Para maranasan ninyo
Ang buhay na inyong ginawa
Sa mga nasa laylayang inyong kinawawa
Ninakawan ng munting pag-asa
Kapalit ng pansamantalang ginhawa
Pero ngayon ay babaha
Babaha hindi ng tubig
Kundi ng galit ang mananaig
Papanugutin ang may sala
Babaha ng nga Pilipino
Na ang sigaw ay "Tama na!"
Ang buwis ay aming pawis
Ang aming buhay, ang aming pangarap
Ang aming sakripisyo, ang aming pagtitiis
Kaya ang lahat ay titindig
Para sa pag-ibig
Sa Inang Bayan
Sa EDSA, sa Luneta, at sa Bulacan

PS: 'Di man ako makapunta sa rally sa EDSA at Luneta. Sana ay maging mitsa ito ng pagbabago. Pagbabago tungo sa pag-unlad. Pag-unlad na pantay-pantay at walang maiiwan.
 

TRAFFIC LIGHT (2025)

Niliguan ng luntiang ilaw
Kaya't umapak sa pedal
Humawak sa manibela
Hindi pepreno, hindi hihinto
Tuloy lang sa pagmamaneho
Dumiretso man o lumiko
Hanggang sa palibutan ng pula
 Titigil ako, bibitaw ako
Walang bakit, walang pero
Ngunit hanggang luntian
Aabante nang aabante
Kahit hindi alam
Kahit hindi sigurado
Kung saan pupunta

ANTOK (2025)

tumutuwad, dumadapa

tumatagilid, tumitihaya

umiikot-ikot sa kama

dilat na dilat ang nakapikit na mata

lumilibot sa mundong natutulog na


walang hanggang susubok

para dalawin ng antok

sa mundo ng panaginip kakatok

hahanapin saan mang sulok

para ito ay mapasok


gusto kong matulog

sa kaiisip nabubugbog

mga alaala'y kinukuyog

paano ba tatahimik ang kulog?

para akong nilalamig at sinusunog


MINSAN (2025)

 minsan lang mag-aya

tinatanggihan pa

minsan lang humingi ng tulong 

umuurong pa


kaya ang minsan naging madalang

ang dumalas nang dumalas ay pag-iisa

nasanay dahil sinanay ko na lang

na huwag na huwag akong aasa sa iba


minsan na lang magkagusto

doon pa sa hindi ako gusto

minsan na lang magkwento

lagi pa akong barado


kaya ang minsan naging wala

ang naiwan ay ako na nag-iisa

nasanay na lang kasi walang magagawa

kaya ang aasahan ko, ako lang, walang iba

TALINHAGA (2025)

  Ako ay talinhaga Nakagapos sa tanikala Nakabusal ang bibig Nakapiring ang mata Nilisan ng pag-ibig Yaring puso at diwa Ako ay talinhaga Na...