LIHIM, PATALIM, TAKIPSILIM (2023)

Ang lihim na matagal kong ikinubli

Sa puso kong bumbilyang napupundi

Nabuksan tulad ng Kahon ni Pandora

Hanggang kainin ako nang buo at sa akin ay wala ng tinira


Ang patalim na nakatarak sa dibdib kong duguan

Ang patalim na sinaksak ng multo ng nakaraan

Mga sugat kong hindi pa naghihilom taon na ang lumipas

Ako’y buhay pa ngunit para ng bangkay na hinihintay maagnas


Sa takipsilim ay akin na bang matatagpuan

Ang katihimikan, kapayapaan, at kapatawaran

Nang mga hinanakit ko ay mawala na ng tuluyan

Nang kahit papaano ako, tayo ay maging masaya naman 

HINDI NA AKO TATAWAGING BUHAY PA (2023)

Sipain ang mukha

Tadyakan ang natitirang pag-asa

Ingudngod sa putik ng kalsada

Ano pa? Gawin mo na


Punitin ang takdang aralin

Hitsura ko ay kutyain

Basagin ang salamin

Ano pa? Hindi na tao ang tingin sa akin


Kulang na lang ay kumuha ka ng kutsilyo

Sa akin ay isaksak nang tuluyan nang patay na ako

Dahil hindi na ako tatawaging buhay pa

Kung kaluluwa ko ay nasa libingan na

PILIPINAS ANG HIRAP MONG MAHALIN (2023)

Pilipinas bakit ang hirap mong mahalin

Ika'y nagpapakadusta sa mga suwail

Mga leeg mo ay gano'n na lang kung kanilang sakalin

Ika'y nagpapaalipin sa mga taksil


Pilipinas bakit ang hirap mong ipagtanggol

Gagawin nilang pambayad ang mga sanggol

Nais nilang sipain at patayin ang mga mahihirap

Habang ang mga mayayaman ay nagpapakasasa sa alapaap


Pilipinas ang hirap mo'y hirap din namin

Bawat sugat mo ay dobleng hapdi sa amin

Bawat luha mo ay hagulgol ng bayan natin

Bawat sigaw mo ay nagpapaalab ng galit namin

PILA (2023)

Madaling araw bumangon

Para aking maipon

Pangarap ko sa munting garapon


Pipila nang maaga

Sa bukang-liwayway ay mauuna

Para sa pangarap kong sigla


Magtitiyaga sa init ng umaga

Magbabanat ng buto kahit bata

Para sa pangarap kong ginhawa

PANALANGIN (2023)

Nakaluhod na nagsusumamo

Hawak-hawak ang butil ng rosaryo

Sambit ang nag-iisang panalangin

"Sana ako ay Inyo na pong kunin"


Aking isip, puso, at kaluluwa

Umaawit ng isang himig ng panalangin

Ako ay papanawin dito sa lupa

Sana'y munting tinig ko'y dinggin


Hapis at tangis sana'y magwakas

Alak sa kalis ay makalampas

Yaring panalangin kong madalas

Matuldukan kapalaran kong malas

PAGMAMALABIS (2023)

Sa mata ng iba 

Kilos ko'y kakaiba

Taliwas sa nakikita

Kaya hindi makapaniwala


Tingin nila sa bawat kilos

Isang pagmamalabis

Lagi ko raw binubuhos

Sandaang porsiyentong pawis


Masyadong maligalig

Masyadong umiibig

Masyadong galawgaw

Masyadong magaslaw


Kung sa mata nila ay ganoon ako

Sa salamin ang nakikita ko

Isang taong magtatagumpay

Sa kabila ng maraming pagsablay

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...