ISANG TAON (2021)

ISANG TAON


“G-gusto kita, Zeiran!”


Matagal ko na siyang gusto. Kaya ngayong huling araw ng klase napagdesisyonan ko na aamin ako. Dala na rin ng pangungulit ng mga kaibigan ko at minsan lang ako magiging teenager.


Kami na lang ang nandito sa room. Nagpaiwan ako. Nagpaiwan din siya. Sabi ko sa mga kaibigan ko na huwag na kong hintayin kasi may aasikasuhin pa ko pero sa totoo niyan haharot lang talaga.


Sana naman magsalita na siya. Nanginginig pa rin ang mga kamay ko habang nasa harap ko siya. Kinorner ko siya (in a good way) nang matiyempuhan kong wala siyang katabi. Pero kanina pa ay may hinhintay na siya. Kinakagat-kagat ko ang labi ko. Nakayuko at hinihintay na magsalita siya.


Sumilip ako nang saglit. Heto ngayon nakatingin pa rin siya sa cellphone niya. Abala sa paglalaro. Tumalikod na lang ako. Naiintindihan ko naman na wala siyang masagot baka nagulat din siya. Nakasimangot ako at nararamdaman ko na may namumuo ng luha sa mga mata ko. Pero inaasahan ko naman ‘to.


“Ako rin,” sumagot siya’t inabot ang palapulsuhan ko at pinaharap ako ulit sa kanya.


“Gusto mo ba ulitin ko? Gusto kit—”


“O-oo n-narinig ko na. T-totoo ba?” utal-utal kong sagot. Nilalaro ko ang aking mga daliri para maiwas ang tingin ko sa kanya.


“E di tayo na?” kaswal niyang tanong. Tinapat niya ang mukha niya sa harap ko at tinaas ang baba ko para magpantay kami ng tingin. Lumakas ang pagtibok ng puso ko.


“H-ha!? Ang bilis naman. ‘Di ako easy-to-get ‘no?” pagpapabebe ko sa kaniya.


Ang bilis naman naman yata ng pangyayari sa lalaking ‘to. Umamin ako. Pinaghintay. Umamin siya. Tapos jojowain agad!?


“Oo, bebe na kita,” pagbasag niya ng katahimikan, “Pero may isang kondisyon…”


“Ano namang kondisyon ‘yan? Sige, basta ‘wag ilegal,” pagsang-ayon ko naman. Nakatingin na ko nang diretso sa mga mata niya at ganoon din siya.


“Isang taon… lang tayo,” sagot niya. Ngumiti ang kanyang labi ngunit seryoso ang kanyang mga mata. 


“Isang taon,” tumigil muna ako at umupo sa tabi niya. “E di sa March 15 sa susunod na taon break na tayo?” pagpoproseso ko ng lahat ng mga sinabi niya.


Marahan siyang tumango at napabuntong-hininga siya. Pasimple siyang humawak sa kamay ko. “San tayo unang  mag-de-date?”


“Ha!? Date!?” Binawi ko ang kamay ko at tinakip sa aking mukha.


“Nangangamatis ka. Ang lala na ng tama mo sa ‘kin ha. Ganoon mo ba ko ka-crush?,” pang-aasar niya sa ‘kin. Kinuha niya ulit ang kamay ko at pinisil-pisil para mawala ang kaba ko.


“H-ha? Sakto lang hehe,” sagot ko habang nakanguso. Dahil sa pagpisil niya mas naging komportable akong kausapin siya. 


“Isang taon. Ikaw at ako magjowa.  May date pa. Para naman akong nanaginip pero magigising din agad,” inisa-isa ko pa sa daliri ko ang mga sinabi niya.


“Oo, seryoso ako,” tumitig siya sa ‘kin habang nakangiting abot tainga. “Kung magigising tayo ikaw ang panaginip na hinding-hindi ko makakalimutan,” tinaas pa niya ang kanang kamay niya.

“San mo na gusto mag-date?” pahabol niya at ngumuso din.


“Ngayon na ba?” tumango siya nang paulit-ulit mna parang bata. “Sa kwekkwekan na lang kaya?” nakapangalumbaba kong sagot.


Tumango siya at hinwakan ang mga kamay ko para itayo ako. “Tara sa kwekkwekan!”


Niligtas ko ba ang mundo sa past life ko? Bakit naman ako sinwerte at cinrushback. Nakakagaan ng loob ang mga ngiti niya. Nakakakilig ang mga tingin ng itim niyang mata. Ang lakas din ng dating ng makapal na kilay niya. At ang lambot pa ng mga kamay niya. 


“Kuya, dalawa pong kwekkwek,” tinuro niya ‘yung bagong luto saka inabot ang bente pesos. 


“Oh mainit pa yan ha. Dahan-dahan,” malambing niyang paalala saka nilagay ang stick ng kwekkwek sa kamay ko. Hinipan niya pa.


“Ay ‘di pa pala nasasawsaw,” kinuha niya ulit, “Ano gusto mong sawsawan?”


“Matamis. ‘Yung kasingtamis sana ng mga ngiti mo,” banat ko sa kanya. Siya naman ngayon ang namula ang pisngi.


“Ako naman ang nangangamatis ngayon,” bungisngis niya habang sinasawsaw ang kwekkwek namin sa matamis na sauce.


“Ganoon mo rin ba ko ka-crush?” pagbabalik ko ng tanong niya sa ‘kin kanina.


“Obvious ba?” kinakagat niya ang labi niya saka tumalikod. 


“Isang taon tayong magiging magjowa ‘di ba? Bakit may deadline?” tanong ko naman kasi nagtataka din ako kung bakit isang taon lang.


“Ah, ayaw mo ba?” humarap siya at biglang nag-iba ang timpla ng mukha niya. 


“Syempre na-curious lang. ‘Wag ka na magtampo bebe ko,” pagsuyo ko naman sa kanya habang kinukurot-kurot ko ang baywang niya with love.


“Sasabihin ko rin sa ‘yo kung bakit,” paliwanag niya na nag-pa-puppy eyespa sa akin.

“Sige, pag ready ka na sabihin sa ‘kin. ‘Di kita pipilitin,” hawak ko naman sa kamay niya para gumaan ang loob niya. Siguro nga hindi pa siya handa sabihin sa ‘kin.


“So, Achi, jojowain o totropahin?” hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko at nagseryoso ang kanyang mukha.


“J-jojowain po,” kinagat ko ang labi ko para pigilan ang tawa ko dahil seryoso siya. 


“T-talaga???” sumigla ulit ang mata niya at ngumiti na nakalabas ang ngipin.


“Gusto mo ba ulitin ko? Jojowa—” Bigla akong napatigil ng hilain niya ko para yakapin.


LUB-DUB-LUB-DUB-LUB-DUB


Nararamdaman ko na nagsabay ang tibok ng aming puso. Nakahawak ang mga kamay niya sa likuran ko kaya’t yinakap ko rin siya pabalik. Nakapatong ang baba niya sa balikat ko. 


“Seryoso ba na magjowa na tayo?” paninigurado ko sa kanya nang kumalas na kami sa yakapan namin


“‘Di ba sabi mo? Mag-de-date tayo lagi,” hawak niya ulit sa kamay ko at naglalakad na kami papunta sa sakayan ng jeep.


“Oo nga ‘no,” sagot ko kaya’t natawa ako nang mapagtanto ko na pumayag pala ako, “Pagtapos ng tatlong date natin maging “official”  na tayo.”


Dapat din maisip niya na “conservative” keme ako. Kaya magpapa-hard-to-get muna ang sis niyo. Para ma-challenge naman ng onti ang Zeiran ko. Taray may nilalagay na “ko” sa pangalan niya. Possessive ‘yan? Charot. 


“Okay lang, handa naman ako maghintay basta ikaw,” banat niya sa ‘kin na may pakindat pa, “Hatid na kita sa inyo.”


“Sige ba, para alam mo kung saan ako susunduin,” banat ko naman pabalik sa kanya at ginaya ko rin ang kindat niya.


Nandito ako ngayon sa isang court dahil dito kami magkikita. Naisip kasi namin na mag-sports kami tumanggi siya pero napilit ko rin. Mag-vo-volleyball sana kami o basketball. Wala naman akong inuurungan, charot.


Ilang minuto rin ay dumating na siya na nakaputing t-shirt, itim na basketball shorts, at itim na pang-basketball na sapatos. Lakas makayabang ng jowa ko ha. Ay may pa-jowa na. Lumelevel up na, echos.


“Pogi shoes ba ‘yan?” pang-aasar ko habang nakaturo sa sapatos niya.


“Poging jowa ni Achi,” nag-pogi sign pa siya at inismiran ako.


“Tara laro na tayo. Ano ba gusto mo volleyball o basketball?” tanong ko habang hawak sa kanan ang bola ng volleyball at sa kaliwa ang bola ng basketball.


“Kahit anong gusto ng bebe ko,” ngiti niya sa akin. Pinisil pa niya ang pisngi ko, “Ang cute cute mo talaga. Kagigil.”


“Shigiii, volleyball na lang para ‘di mapagod masyado boyfriend ko,” sagot ko dahil parang medyo nag-aalangan siya na maglaro kami ng sports. 


Pumwesto na siya sa kabilang dulo. Sabi ko ihagis niya na lang sa ‘kin at ako na ang mag-re-receive at maghahabol para ‘di siya mapagod. Pagtapos ng ilang pagsubasob ko sa sahig dahil nagpapa-impress ako ay nag-basketball naman kami. Siya naman ang nagpakitang gilas sa pag-su-shoot ng three points. 


Tumigil na kami matapos mapawisan. Hinihingal na rin siya kaya sabi ko pahinga na kami. Inabot ko ang dala kong water bottle sa kanya.


“Sorry, ‘di ka pala komportable pag naglalaro ng sports… kasi hinihingal ka,” sabi ko habang hinahagod ang likod niya para makatulong sa paghinga niya. 


“Ano ka ba? Ayos lang ‘yon bebe ko. Basta ikaw malakas ka sa ‘kin e,” tumingin siya nang diresto at hinawakan ang kamay ko.


“~UwU~” pinagdikit ko ang dulo ng hintuturo ko at ngumuso para magpa-cute sa jowa ko. Malala na ko nag-u-uwu na ako.


“Pwede ko ba itanong?” mahina kong sabi pagtapos ko siya kalabitin.


“Ang alin ‘yon Achi ko,” lumingon ang mga mata niya sa ‘kin habang hawak-hawak pa rin ang water bottle.


“Uhm… tungkol sa gender mo?” umiwas ako ng tingin at nilaro ang aking mga daliri.


“Ahhh ‘yun ba,” binaba niya ang tubigan at hinwakan ang baba ko para iharap sa kanya, “Kailangan pala no’n, kasi ako ‘di ako naniniwala sa “label” na ‘yan. Pero ewan ko e tinamaan ako sa ‘yo.”

“Queer?” 


“Ano ‘yon?”


“‘Yan ‘yung umbrella term para sa mga nalilito kung saang label sila.”


“Oh ‘yun pala ‘yon,” marahan siyang tumango at nginitian ako.


“ACHIIIII!!!!!” 


Narinig kong may tumatakbo at sinisigaw ang pangalan ko. Konting kembot lang ang court mula sa bahay namin kaya bigla akong kinabahan. Nanlaki ang mga mata ko at napalunok nang makita ko ang ate ko na tumatakbo papalapit sa ‘min. Bakit siya nandito lumakas bigla ang kabog ng dibdib ko parang may ‘di magandang magyayari.


“ACHI,HINAHANAP KA NI PAPA. MAINIT ANG ULO NIYA. UMUWI KA NA,” hingal na sabi niya sa ‘kin. Nakapangbahay pa siya at halatang nagmamadali.


“S-s-sige,” nanuyot ang lalamunan ko at pinawisan ako ng malamig. Alam kong hindi maganda ang ugnayan namin ni Papa dahil ‘di niya ko tanggap na bakla ako.


“A-ah Z-zeiran uwi ko na lang muna… cha-chat na lang kita,” nanginginig kong paalam kay Zeiran.


“Ingat ka. Bye,” kumaway siya at ngumiti na labas ang ngipin, “Mamaya na lang ulit ha.”


“I LOVE YOU!” bumulong siya na walang boses nang makalingon ulit ako sa kanya.


“ASAN BA ‘YUNG BAKLA NIYONG KAPATID AT NAHULI DAW SIYANG MAY LALAKI NG KUMPARE KO!” Pagdating ko sa gate bumungad agad ang malalakas na sigaw at pagdadabog ni papa. 


“LUMALANDI KA!? PINAPAHIYA MO KO SA MGA KUMPARE KO ACHILLES,” panduduro niya sa ‘kin nang makapasok ako sa gate. ‘Di man lang ako pinapasok muna sa loob ng bahay.


“GAG* KA! MAGDADALA KA PA NG KAHIHIYAN SA PAMILYA NATIN,” namumula na ang mga mata niya sa galit at mukhang inaatake na siya ng altapresyon niya.


“PA!!! KASALANAN KO BA NA BAKLA AKO? BAKIT PINAPAMUKHA MO SA ‘KIN NA SANA PINATAY MO NA LANG SANA AKO KAYSA MAGKAROON KA NG BAKLANG ANAK?” bumigat ang dibdib ko at namuo na nang tuluyan ang mga luha sa aking mga mata. 


“ANG SAKIT SAKIT NA ‘YUNG SARILI KONG TATAY ANG ‘DI AKO TANGGAP. ANG SAKIT SAKIT NA IKAW PA ‘YUNG NAG-IISIP NA KAHIHIYAN AKO SA PAMILYA NATIN DAHIL BAKLA AKO. DAHIL BAKLA AKO?”


“KUNG PAPAPILIIN LANG DIN AKO, PIPILIIN KO RIN NA MAGING LALAKING MATON KATULAD NI KUYA O KAYA KUNG MAGING BABAE NA LANG KATULAD NI ATE. PAPA KUNG KAYA KO LANG. KUNG PWEDE LANG, GAGAWIN KO ‘YON. GAGAWIN KO ‘YON,” pulang-pula na ang mukha dahil sa luhang umagos sa nagngingitngit kong mata.


PAK!


Bumagal ang ikot ng paligid ng maramdaman kong tumama ang kamay ni Papa sa aking mukha. Tumakbo na ko sa aking kwarto at isunubsob doon ang aking mukha para malabas ko na lahat ng hinanakit, pagkadismaya, at kalungkutan. Namanhid na ako. Wala na akong naramdaman na sakit. Sa dami ba naman ng masasakit na salitang binato niya sa ‘kin, may sasakit pa ba ro’n? Wala. Wala na. Kulang na lang ay palayasin niya ako at itakwil dahil ganoon naman ang pinaramdam niya sa ‘kin. 


Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Pagtingin ko sa cellphone ko ang daming notification. Galing lahat kay Zeiran. Kinukumusta niya ako. 


Achilles Alcantara: Ayos lang ako :) Nakauwi ka ba nang maayos?


Zeiran Zaragoza: Buti naman nag-alala ako e :)


Zeiran Zaragoza: Gusto mo magpunta sa bahay?


Achilles Alcantara: Sige, pero i-tu-tutor kita kunwari.


Zeiran Zaragoza: Palusot.com ka ha


Achilles Alcantara: HAHAHAHA para naman sa ‘yo e. Tulog na ko kapagod ngayon. Ikaw rin pahinga na. Bye bye! 


Zeiran Zaragoza: Ba-bye! Walang i love you? #TampoAko


Achilles Alcantara: I love u <3 #KiligKaNaman


Zeiran Zaragoza: I love u too <3 #KiniligNamanAko 


Kinabukasan, bumaba ako para mag-almusal. Walang kibuan habang kumakain kami. Tahimik lang na parang walang nangyaring gulo kahapon. O baka ‘di lang kami sanay na harapin ang problemang lumaki na dahil iniwasan.

“Mag-tu-tutor ako ngayon. Kaibigan lang siya,” inunahan ko na sila bago pa sila mag-isip ng kung anu-ano.


“Ahem… umuwi ka agad,” umubo muna siya bago magsalita. Iwas din ang tingin niya sa ‘kin habang nagsalita.


Sumakay na ako ng jeep papunta sa isang mall kung saan kami magkikita. Ayaw kasi niyang i-send ang address niya. Susunduin niya dapat ako kaso sabi ko magkita na lang kami. Nagsuot lang ako ng red na polo, itim na pants, at itim na school shoes. 


Nakita ko na siyang papasok sa mall. Hinahanap ako kaya yumuko ako para magtago. Pero nakita pa rin niya ako agad. Nakasuot siya ng gray na sweater, puting pantalon, at puting rubber shoes. Kumaway siya at pumunta sa pwesto ko. 


“Ang aga mo ha. Nalate ba ako?” tanong niya at umupo sa harap ko.


“Kakarating ko lang din,” inabot ko sa kanya ang menu.


“Sa bahay na tayo kumain nag-prepare sila,” pinatayo niya na ako agad.


“Sino may birthday?” tanong ko nang makalbas kami sa mall.


“Wala, mahala lang ‘yung bisita,” pambobola niya sa ‘kin.


May humintong itim na SUV sa harap namin at binuksan niya iyon. Nagulat ako dahil mayaman pala siya. Umupo na kami doon at nag-drive na ang driver.


“Kaya pala ayaw sabihin ang address sa ‘kin. Exclusive subdivision ba?” pang-aasar ko sa kanya.


“Subdivision lang,” napakamot siya bigla ng ulo kasi inasar ko siya. Gumanti naman siya ng pagkiliti sa baywang ko.


Nabigla ako sa dami ng nakahain sa hapag nila. Kaya pala tinanong niya ko ng mga paborito kong pagkain. Pagtapos kumain ay niyaya niya ako sa kwarto niya. Dahil nga ang paalam ko kanina ay mag-tu-tutor ay tuturuan ko nga siya. Grade 12 na kami sa pasukan at lilipat na ng school para sa college. 


“Huy, wholesome tayo dito ha,” pagsaway ko sa kanya pagka-lock niya ng pinto.


“Bakit ano ba iniisip mo?” tinignan niya ko nang masama na para bang hinusgahan niya ang kaibuturan ko.


“Wala. Green-minded lang. Tse!” nilabas ko na ang braso ko, este libro. Ano ba ‘tong utak ko ang berde. 


“‘Wag na tayo mag-aral. Usap na lang,” dumapa siya sa kama at hinila ako.


“Pwede bang isikreto muna natin ‘yung relasyon natin?” simula ko at humarap sa kanya ng mata sa mata.


“Tungkol ba ‘to sa papa mo?” hawak niya sa pisngi ko.


Tumango ako at umiwas ng tingin sa kanya. Umupo ako at binangon ko rin siya.


“Pano mo nalaman?”


“Nagpaiwan ako do’n. Nag-alala kasi ako e. Narinig ko lahat… sorry,” yumuko siya at humawak sa kamay ko.


“Nakita mo pala. Nakakahiya. Nag-eskandalo kami do’n,” huminga ako ng malalim saka tumingin ulit sa kanya.


“Naiintindihan ko naman kung bakit gusto mo isikreto… okay lang sa ‘kin. ‘Di ako galit,” tumingin ulit siya sa ‘kin at ngumiti.


“Salamat!”


“Nagkajowa ka na ba dati?” pag-iiba niya ng usapan namin.


“Wala akong naging jowa, wala kang pagseselosan,” kurot ko sa pisngi niya.


“E, ikaw ba?” pagbabalik ko ng tanong sa kanya.


“Isa,” tinaas pa niya ang hintuturo niya.


“Dapat ko bang pagselosan?” Inismiran ko siya.


“Mas maganda, mas mabait, mas matalino ka do’n at ang importante mas mahal kita,” paliwanag niya at nagulat ako ng dumampi ang labi niya sa noo ko.


“I love you,” bulong niya sa ‘kin.


“I love you too,” sagot ko naman.


Dumating ulit ang pasukan. Mabilis lang lumipas ang bakasyon. Tinutor ko nga si Zeiran para mabisita ko siya lagi. Nagkasundo rin kami na isikreto muna ang relasyon namin. Kahit matalik na kaibigan namin ay ‘di alam.


Nag-uusap kami pag uwian na. Kadalasan tumatambay ako sa kanila. Nakikinig ng music. Nag-aaral. Nagsasagot ng homeworks. Wholesome lang po. Promise.


May bago kaming classmate. Si Lily. Ang ex-girlfriend ni Zeiran. Sinabi niya naman sa ‘kin. Dahil din namin kami masyadong nag-uusap sa school silang dalawa ang magkausap. Nagseselos ba ako? Ewan. Ginusto rin naman namin na isikreto ‘yon.


“Lagi kayo magkausap ni Lily ha?” nakasimangot kong tanong sa kanya. 


“Wala lang ‘yon. Tungkol lang sa school. Bakit nagseselos ka ba?” tanong niya pabalik sabay kurot sa pisngi ko. Lagi niyang kinukurot ang pisngi ko sa tuwing nagtatampo ako.


“Hmp, syempre,” nakanguso kong tugon.


“Ikaw lang ang labidabs ko,” pagpapa-cute niya sa ‘kin.


“Bakit tayo isang taon lang,” bigla na lang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ko. 


“Gusto mo ba i-extend natin…” panunuyo niya. “ Kung kaya ko lang…” bulong niya ng kunwari siyang umubo.


Niyakap niya na lang ako para siguraduhin sa akin na okay lang ang lahat.


“Kakantahan na lang kita para mawala na ang pagtatampo mo,” sabi niya at saka kinuha ang gitara niya.


“Favorite song ko ‘to ha tandaan mo lagi,” habol niya.


“I've tried to run from your side

But each place I hide

It only reminds me of you

When I turn out all the lights

Even the night

It only reminds me of you~”


“Marunong ka pala kumanta,” sabi ko na parang nagniningning ang aking mga mata ko.


“Tatandaan ko ‘ya—” 


Nagulat ako nang bigla dumampi ang mga labi niya sa aking mga labi na siyang ikinagulat ko. Nanlaki pa rin ang mga mata ko habang nararamdaman ko ang malambot niyang mga labi. Siya ngayon ang nakapikit habang dinadama ang labi naming magkadikit ngayon.


Marunong siya at ako naman ay hindi. Duh, first kiss ko kaya ‘to. Nagulat ako sa mga teknik na ginagawa niya ‘di ko na idedetalye dahil ‘di ko alam kung anong tawag do’n. Natawa na lang siya ng ‘di ko alam ang gagawin.


“Mahal kita! ‘Wag mo ‘ko kakalimutan ha,” sabi niya pagtapos ay bineso niya ko sa pisngi.


Lumipas ang mga araw bihira ko na siya nakikita. Absent siya nang absent. Tinanong ko siya sa chat sabi niya okay lang daw siya at may inaasikaso. Andito naman si Lily kaya ekis na ‘yung naiisip kong kabit. At tiwala naman ako kay Zeiran.


Nagulat ako ng biglang mag-notify sa phone ko na nagchat si Zeiran.


Zeiran Zaragosa: Ano email mo?


Achilles Alcantara: Bakit po sir? De joke. achillesalcantara143@******.com


Zeiran Zaragosa: Labyu. Ingat. Papasok ako bukas.


Achilles Alcantara: Labyu din. Sige pahinga ka. See u tomorrow :)


Dumalas nang dumalas ang pag-absent niya. Bihira na lang din kami magkita. Tumamlay siya at pumutla nung nakaraan kong kita sa kanya. Kinukumusta ko siya at sabi niya okay lang daw at may inaasikaso.


Ngayong araw buti pumasok siya. Mukha na siyang pagod at laging balot na balot ng jacket niya. 


“Oh ayos ka lang ba? Lagi ka na absent ano bang nangyayari,” nag-aalala kong tanong. Nilagay ko rin ang palad ko sa leeg niya para tignan kung may lagnat ba siya. Buti at wala naman.


“Oo okay lang ako,” matipid niyang ngiti sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay at sumandal siya sa balikat ko.


Wala na akong pake kung malaman ng iba na nag-de-date kami. Kami na lang naman ang naiwan sa room dahil umuwi na sila halos.


“Anong pangarap mo?” tanong niya sa ‘kin. Nakapikit siya at bakas sa kanyang mukha na may pinagdadaanan siya.


“Pangarap ko? Bukod sa ‘yo. Pangarap kong maging doktor,” sabi ko sa kanya. Nakatingala ako at iniisip ang hinaharap na kasama siya.


“Ikaw ba?” tanong ko naman sa kanya.


“Pangarap ko ring makasama ka,” napalunok siya at parang naiiyak sa sagot niya kaya’t hinawakan ko ng mahigpit ang kamay niya.


“Pangarap ko rin maging doktor,” tipid niyang ngiti sa akin.


“Pareho tayong magiging doktor,” sabi ko sa kanya.


Bigla na lang bumuhos ang kanyang mga luha at humarap sa akin. 


“Natatakot ako,” hikbi niya.


“N-natatakot ako.” Niyakap niya ako at tila nalulusaw ang puso ko na nakikita siyang nasasaktan ng ganito.


“Nandito lang ako.” Paghaplos ko sa likuran niya para gumaan naman ang pakiramdam niya.


Napagdesisyonan namin na mag-date sa arcade para malibang naman kami at para maaliw siya dahil parang tuliro siya at matamlay nitong mga nakaraang araw. 


“Tara na laro na tayo, “masigla kong sabi sa kanya.


Ngumiti naman siya. Nag-ikot-ikot kami. Nag-basketball. Naglaro ng table hockey. Nag-karaoke din kami. Favorite niya talaga ang “Only Remind Me Of You ng MYMP”.

Nang mapagod kami ay kumain muna kami ng wanton soup. Malamig na rin kasi December na.


“Pangatlong date na natin ‘to so…” simula niya.


“So… tayo na,” nakangiti kong tugon.


Ngumiti siya at hinawakan ang kamay ko. 


“Zeiran”


May pamilyar na boses ng babae na tumawag sa kanya. Si Lily pala.


“You two are dating?” usisa niya.


Tumango kaming dalawa. Ngumiti naman siya at sabing mauna na siya at may gagawin pa. Kala ko gagawa siya ng eksena kaya medyo kinabahan ako.

 

Lumipas ang mga buwan at tuluyan na kaming hindi nagkita ni Zeiran. Bihira nalang din siya magchat kaya nag-alala ako. Pumunta ako sa bahay nila para lang magtanong.


“Hello po nandito po ba si Zeiran?” tanong ko sa guard.


Lumabas naman si Lily.


“Wala siya may pinuntahan.”


“Ganoon ba? Pasabi na lang na bumisita ako.”


Nasaan kaya siya. Kumusta kaya siya. 


Achilles Alcantara: Zeirannn, kumustaaa kaaa naaa?


Achilles Alcantara: Paramdam ka naman oh


Achilles Alcantara: Chat ka na lang pag nabasa mo ‘to


Achilles Alcantara: Hellooo 


Chinat ko lang siya. Wala na akong balita. Kala ko ba kami na. Bakit bigla siya nawala. Biglang may nagchat.


Zeiran Zaragosa: Sorry. Kita na lang tayo dito sa bahay namin.


Dumiretso ako sa bahay nila. Ilang araw din bago siya nagreply sa mga chat ko. Kaya ngayong nagreply siya mas gumaan ang pakiramdam ko.


Pagdating ko sa bahay nila. Nandon siya. Nakaupo. Nakapangalumbaba. Mukhang problemado.


“Musta ka na?” bati ko sa kanya.


“Ayos lang,” matipid niyang sagot.


Tumingin siya sa ‘kin at kita ko na namumugto at namamaga ang mga mata niya.


“‘Yung totoo Zeiran please,” hinawakan ko ang kamay niya at iniwas naman niya ‘to.


“Mag-break na tayo,” nakatalikod niyang sabi.


Nanlaki ang mga mata ko. Para akong sinaksak ng kutsilyo sa puso. Ng nakatalikod. 


“B-bakit? Kala ko ba sa March pa,” tanong ko sa kanya. Unti-unti ko ng nararamdaman na may namumuong luha sa aking mga mata.


“Basta. Ayaw ko na,”  nakatalikod  niyang sagot.


“Wala na naman akong magagawa ‘di ba?” tumulo na nang tuluyan ang luha ko at pinunasan ko agad para ‘di na niya makita.

“Aalis na ko. Bye,” tumayo na ako at umalis.


Gusto sumabog ng puso ko. Pumayag naman ako ‘di ba. Kasalanan ko rin. Pero bakit ang sakit.Kung kailan naging “official” kami saka naman gusto niya makipag-break.


March na. Ang bilis ng panahon. Parang dati lang ay umamin ako sa crush ko. Naging kami. Nag-date. At nag-break. Wala na kong balita sa kanya simula nung nakipagbreak siya. Medyo natanggap ko na naman na wala na siya. ‘Di rin siya pumapasok. ‘Di ko alam kung bakit. Baka lumipat.


May lumabas sa notification ko. Text galing sa unknown number.


Nandito si Zeiran sa Hospital. 


Nagulat ako. ‘Di ko alam kung maniniwala ba ako o hindi. Pero nag-aalala ako kay Zeiran. 


Pagdating ko sa ospital tinanong ko sa nurse kung saan ang room ni Zeiran. Kaso bawal daw i-disclose ang information kung hindi kamag-anak. Kaya nagpunta na lang ako sa garden.


Tinry ko tawagan ‘yung unknown number at narinig kong nag-ring ‘yon sa likuran ko.


“Hello,” sabi ko habang unti-unting lumilingon.


“Hello,” sagot niya at siya nga ‘yung nasa likod ko.


“Zeiran!” napaawang ang labi ko sa gulat.


“Hello,” marahan siyang kumaway, suot-suot ang ngiti sa kanyang labi. Nasa wheelchair siya ngayon at nakasuot ng patient gown.


“Kumusta ka?” 


“Ito sinaktan mo pero naka-move-on na. Ikaw ba? Bakit ka nasa ospital? Sunod-sunod kong tanong sa kanya. 


“Buti naman,” titig na titig siya habang nagsasalita ako. “Ito may sakit, “ matipid niyang sagot saka umiwas ng tingin.

“Pwede ka raw ba lumabas? Bakit wala ka sa room mo?” pag-aalala ko.


“Pwede, para masikatan daw ng araw.”


“Bakit mo ko tinext?” napalunok ako dahil kinakabahan ako sa sasabihin niya. Huling beses na tinext niya ko nakipag-break siya.


“Gusto kita makita,” nakangiti siya na nakalabas ang ngipin.


“Anniversary natin ngayon…”


“‘Di ba break na tayo? March 15 pala ngayon ‘di ko napansin,” tinignan ko ang phone ko para kunwaring ‘di ko alam.


“Pasok tayo sa loob,” pagyaya niya sa ‘kin.


Tinulak ko ang wheelchair niya. Habang umaakyat kami sa kwarto niya ay humuni siya ng pamilyar na kanta: ang Only Reminds Me Of You.


“Favorite mo talaga ‘yan ‘no?” sabi ko.


“Wow, naalala mo pa,” nakangiting abot tainga niyang tugon.


“Bakit mo ko gusto makita?” tanong ko ulit sa kanya nang makapasok kami sa kwarto niya.


“Sabi ng doktor na anytime soon daw pwede na daw ako mamamatay,” sabi niya ng nakatingin sa bintana.


Nagulat ako at ‘di ako agad nakapagsalita. Mamamatay siya? Ang bilis naman. Ang bata pa namin. 


“Ha? Bakit? Paano?” nalilitong kong sabi.


“Kaya isang taon lang ang hiningi ko sa ‘yo,” nakatalikod pa rin siya.


“Kaya ka rin ba nakipag-break?” tanong ko sa kanya. Pero ngayon humarap na siya sa akin.


Tumango siya at napabuntong-hininga. Namumuo na rin ang luha sa kanyang mga mata.


“Bakit ‘di mo sinabi agad sa ‘kin para natulungan kita, para naalagaan ki—” emosyonal kong sabi.


“Kasi natatakot ako na isang araw bigla na lang akong mawala sa mundo… paano ka na?” tumaas ang boses niya at napasapo siya sa batok.


Pareho na kaming humahagulgol. Parang nabuksan muli ang sugat kong malapit na maghilom. 


Lumapit siya sa akin. Nakaupo ako ngayon dito sa may upuan malapit sa kama niya. 


“Gusto ko lang naman na maging masaya ka… kahit ‘di na ako kasama do’n,” bulong niya sa ‘kin habang nakayakap.


“Pwede ba ‘yon?” nakanguso kong pamimilosopo. 


“Paano pag wala na ko. Paano ka na niyan?” tanong niya nang nakahawak sa mga kamay ko.


“‘Di ko alam…” sagot ko habang nakatitig nang diretso sa mga mata niyang lumuluha.


“Pero na-realize ko na ang daya ko pala. ‘Di mo alam kung bakit kita tinutulak papalayo. ‘Di mo alam kung ano nangyayari sa ‘kin. Ang daya ko,” 


“Kaya ngayon gusto ko humingi ng tawad at makita ka bago ako mawala,” mangiyak-ngiyak niyang paliwanag. Pinunasan niya ang luha koat hinawakan ako sa mukha.


“Maging malakas ka kahit wala na ako. Kasama mo naman ako lagi e, diyan sa puso mo,” sabi niya sabay turo sa dibdib ko.


“Mahal na mahal na mahal kita Achi,”bulong niya sa tainga ko sabay halik sa pisngi ko.


“Mahal na mahal na mahal na mahal din kita Zeiran.” Niyakap ko siya nang mahigpit at ganoon din siya.


Kinabukasan, bumisita ako sa ospital pero wala na daw. Wala na si Zeiran. Inatake daw siya sa puso kagabi. Ni-revive daw siya pero wala talaga. 


Dumaan ako sa kwarto niya nandon siya. Nakahiga. Binabalutan na siya ng puting tela buti nasilayan ko ang mukha niya. Napatakip lang ako ng bibig at sumandal sa pader habang tuloy-tuloy kong binubuhos ang sakit dahil ‘di ko matanggap na wala na siya. 


Kagabi lang magkausap pa kami. Kagabi lang kausap ko pa siya. Kayakap. Nag-iiyakan.


“Doktor na ko Zeiran,” bati ko habang nasa harap ako ng libingan niya.


“Certified Cardiologist na ako, “ dagdag ko sabay pakita ng lisensya ko sa kanya.


Kada bibisita ako sa libingan niya kinakanta ko ang paborito niyang kanta na naging theme song na rin namin —Only Reminds Of You. Request niya kasi sa ‘kin e pag bibisitahin ko raw siya kantahin ko raw ‘yon at kwentuhan ko siya sa mga nangyari sa buhay ko.


“Happy Birthday Labidabs Bebe ko Achilles Alcantara! Gulat ka ‘no! Binabati pa rin kita sa birthday mo kahit na wala na ko diyan. Sana maging doktor ka na at maabot mo lahat ng pangarap mo. Ito kakantahan kita. Happy Birthday to you~ Happy Birthday~ Happy Birthday~ Happy Birthday to you!~ Love youuu! Ingat ka palagi!” 


Sa tuwing birthday ko at anniversary namin ‘di mawawala ang mga pa-video greetings niya sa akin. Sinesend niya sa email ko. Kaya pala hiningi niya may pakulo pala. ‘Di ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko. Namimiss ko na siya. Namimiss ko na ang mga ngiti niya. Namimiss ko na pang-aasar niya sa ‘kin.


“ZEIRAN, MAHAL NA MAHAL NA MAHAL KITA,” sigaw ko habang nakatingala sa langit.

 

“I've tried to run from your side

But each place I hide

It only reminds me of you

When I turn out all the lights

Even the night

It only reminds me of you~”









































Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...