TAGU-TAGUAN (2023)

 Sa ilalim ng buwan at bituin

Nagbibilang na ang nakatalikod na bata

Isa... Dalawa... Tatlo... Kaliwa't kanan ang tingin

Tumakbo na siya at mananaya


Ang batang kalaro ay matuling nagsitakbo

Nagsuot sa mga eskinita at  mga kanto

Ngunit sila pa rin ay nahuli't natagpuan

Ngunit naiwan akong naglalaro ng tagu-taguan


Umuwi na silang lahat as kani-kanilang tahanan

Habang ako ay hinayaan, kinalimutan, at iniwan

Sa tagu-taguan, panalo raw ang hindi natagpuan

Ngunit sa realidad ng buhay, ito ay malaking kabaligtaran



JEEP (2023)

 Mga hari ng kalye

Kalsada ang balwarte

Modernisadong byahe

Sila'y sinisisante


#NoToJeepneyPhaseout

PUMANIG AT TUMINDIG (2023)

 Walang gitna o gilid

Pumili ka't pumanig

Buksan utak na pinid

Sumali ka't tumindig

TANGLAW (2023)

Ang buhay na'ting hingi

Laging minamadali

Tanglaw nawa'y magsilbi

Bago ito mapundi





BAYANG NAWAGLIT (2023)

 Isang bayang nawaglit

Sa kanyang nakaraan

Ano ang s'yang kapalit 

Sa pagkakakilanlan?


Sa ating sawing bayan 

Ang mga sugat at sakit

Ang s'yang pinagdaanan

Ng mga maliliit


Ating luha at galit 

Ialay para sa bayan

Ang kwento ay uulit

Sa ating kasaysayan


Aral na masustansya

Sa kwentong nakalipas

Sariwain tuwina

Salaysay na'ting lakas



LARO NG PAG-IBIG (2023)



 Kung ito na nga ang pinakahuli

Hayaan mong sa'yo ako tumabi

Gagawing habambuhay ang sandali

Nang maukit sa isip ang iyong mga ngiti


Sa mumunting oras na nalalabi

Ikaw at ikaw pa rin ang pinipili

Ang pangalan ko'y sambiting muli

Nang pumanaw ako nang may ngiti sa labi


Sa laro ng pag-ibig; ako'y iyong tinalo

Ang haring napapaligiran ay iyong napasuko

Ako ay iyo hanggang hininga'y maglaho

Nagmamahal at nagpapaalam ang aking puso



[Hunter X Hunter Meruem X Komugi Tribute]

TAHAN NA, TAHAN NA (2023)

Tahan na, tahan na

Sa tahanan maghilom ka

Babalutin ng maiinit at mahigpit na yakap

Sa gabing ang ligaya ay hindi mahanap


Tahan na, tahan na

Sa tahanan ay payapa na

Ang kumot ng katahimikang nakagiginhawa

Ang kasama sa mahimbing na paghiga


Tahan na, tahan na

Sa tahanan ang ligtas ka

Sa lahat ng mga takot at pangamba

Ako ang siyang lagi mong makakasama

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...