IMPERMANENTE (2022)

Ang bulaklak ay nalalanta

Natutuyo ang tubig sa lawa

Ang araw ay lumulubog

Ang kahoy ay nasusunog


Ang mga tao rin ay nabubura

Impermanente ang lahat ng nakikita

Ang naririnig, nahahawakan, at natitikman

Masusunog, lulubog, matutuyo, malalanta...


Saglit lang ang ating oras sa takbo tungo sa katapusan...

Ano ang atin pa ang panghahawakan

Sa mundong lahat ay nabibitawan

Sa mundong lahat ay panandalian

IBONG WALANG PUGAD (2022)

 Ibong malayang lumilipad

Saan man ay 'di magalugad

Ang uuwian niyang pugad

Ang karapatan ay hinubad


Indiong binansagang mangmang at tamad

Sa sariling lupa wari'y kapus-palad

Mahanap ang kalayaan ang tanging hangad

Nang sa matayog na lipad ay matulad


Mga tigre, buwaya, at buwitre

Sa bayan ay patuloy na nanabotahe

Ang mga ibong walang pugad na tirahan

Ngayon ay titindig at babasagin ang inyong katahimikan




KASINUNGALINGAN SA PATAG NG PAGKAINIP (2022)

Hinarana ng awitin at matatamis na wika-wika

Tutuldukan lang pala ang kwentong kinakatha


Pananagutan raw ang aking nadarama

Sa ere ay bibitawan lang pala akong nag-iisa


Tanging ikaw lamang ang pangako

Sa pader ng puso ko naiwang nakapako


Dati'y katotohanan sa dagat ng panaginip

Ngayo'y kasinungalingan sa patag na pagkainip


Pareho ang nadarama sa una

Hanggang ako na lang ang naiwan sa umpisa


Pag-ibig atin nang natagpuan pero...

Binitawan dahil lang sa 'king biglaang pagpreno


"Pag-ibig na kaya?" 

Marahil ay hindi dahil kapwa tayo'y 'di handa



NATATANGING PAGLALAKBAY (2022)

Tayo ay mga diamanteng pinipino ng oras

Sa pagdating ng araw tayo na ay kumikinang na kwintas


Lahat tayo ay lumalago bawat araw

Huwag tayo magpapigil sa pagtanglaw


Tayo ay isang malawak at blangkong pisara

Naghihintay makulayan ng lungkot at ligaya


Kapwa magtuturo ng sentimiento ng buhay

Babaunin magpahanggang sa hukay


Tayo ay kinakathang nobela

Masinsin ang pagpili sa gagamiting salita


Nang maliwanag ang pagsasalaysay

Sa natatangi nating paglalakbay




#MAPAGPANGGAP / UNRELEASED WHO AM I PART 1 (2022)


Pagkatuntong sa entablado

Ngiti ang pinapakita sa mundo

Pagkasara ng mga kurtina

Hinuhubad na agad ang maskara


#PABEBE / UNRELEASED WHO AM I PART 1 (2022)



 Parating dumidistansya 

Uhaw naman sa yakap at kalinga

Parating nagsasalita

Parang ngawa lamang na walang kwenta


#PANGARAP / WHO AM I PART 1 (2022)


 

Matayog ang pagaspas ng aking mga pakpak

Sa himpapawid na hangari’t balak ay nakatatak

Aabutin mayroon mang pumigil at humatak

Ako ay babangon at magtatagumpay sa kabila ng pagkakabagsak

#BALIW / WHO AM I PART 1 (2022)


Tila may tae sa pwet

Kaya ang kulit-kulit

Tila may reglang malagkit

Laging ang sungit-sungit


#SAWI / WHO AM I PART 1 (2022)



Lumalabas ang tagong lihim

Mga bubog at mga patalim

Niyayapos ng gabing madilim

Habang nakakulong sa salamisim


PANAGINIP LANG, PANAGINIP NGA (2022)

Sa mumunting panahong ipinasilip

Naalimpungatan din sa maikling pagkakaidlip

Na hindi tayo ang makapupuno o magiging panakip


Sinubukan naman natin hindi ba?

Ngunit 'yon lang ang oras na ipinahintulot sa'ting dal'wa

Na maging magkakilala at estrangherong may alaala


 Wari isang panaginip lang, panaginip nga

Dahil tayo ay dumilat at nagising na

Sa katotohanang 'di tayo para sa isa't isa


PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...