OBRA MAESTRA (2021)

 Ikaw ang pininta

Ako ang taga-pinta

Ng ating pagsinta

'Sing rikit ng obra maestra


Sa kawalan ng kulay

Ikaw ang bahagharing tulay

Na inspirasyon ang bigay

Obra maestrang alay


Isang obra maestra

Ang masinsinan pagkakalikha

Na pag-ibig ang siyang adhika

'Sing husay ka ni Juan Luna

BAKLA! BAKLA! BAKLA! (2021)

 Bakla! Bakla! Bakla!

Tukso sa batang lumuluha

Na kung kumilos ay parang dalaga

Na nasa katawan ng binata


Bakla! Bakla! Bakla!

Tawag ng lalaking nanuntok kanina

Ang mukha kong masaya

Ngayo'y puno na ng pasa


Bakla! Bakla! Bakla!

Mga salitang 'di ko ikakahiya

Dahil dito'y lumaki akong nakatingala

Kahit na pilit akong payukuin ng iba


WALANG PAMAGAT (2021)

Ang pamagat na magkabiyak

Ang salitang bunsod ng pag-ibig 

Ang katagang inaasam masambit

Ang isang bagay na hindi ko makakamit


Tayo man ay magmahalan

Tingin nila ay pawang kataksilan

Taong itatakwil ng tahanan

Tila ka isinuka ng sanglibutan


Magkaroon man tayo ng kwento 

Maisulat man ang pagmamahalang itinago

Mabilis man dumaan ang panahon

Mananatili tayong walang pamagat 

PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...