O BIRHEN NG FATIMA (2021)

 O Birhen ng Fatima

Iyong pinakilala muli pananampalataya

Sa katauhan ng tatlong bata

Na sina Lucia, Francisco, at Jacinta


Kami ay iyong inanyayahan

Manalangin at magdala ng kapayapaan

Sa mga kaluluwang nahihirapan

Sa mundong naghari ang kaguluhan


O Ina huwag kaming pababayaan

Pangakong sasambitin lagi ang rosaryo

Pangalagaan kami at bayang sinilangan

Kami ay buong buhay mamimintuho


LAKAN AT LAKAMBINI (2021)

Ikaw, aking lakan

Si Juanitong hindi ako bibitawan

Ako, iyong lakambini

Si Carmelang pinangingiti mo lagi


Ilang siglo man ang distansya

Sandaang taon man ang pagitan

Ikaw pa rin ang sinisinta

Maginoong Juanito, aking lakan


Ang ulap ma'y mangulimlim

At maupos ang sa kandila'y sindi

Pag-ibig ko sa'yo'y 'di ililihim

O Carmela, nag-iisa kong lakambini


Sa huling hiling aking desisyon

Na isusulat nating muli

Sa huling pagkakataon

Ang kwento ni Lakan at Lakambini


ANG LALAKING NAKASUOT NG ITIM NA CAP AT T-SHIRT (2021)

Isang larawan ng lalaki nakasuot ng itim na cap at t-shirt.


Tila bumagal ang takbo ng oras papalapit sa ‘kin at nakatitig lang ako sa kanya. Nang malapit na siya sa akin bigla akong nagising dahil naiihi na pala ako.


“Hng, pesteng ihi ‘to! Andoon na love life ko e,” bulong ko habang pinipilit kong idilat ang aking mga mata. Inunat ko ang aking mga braso sabay bangon sa aking higaan.


Alas siete na pala ng umaga hindi man lang tumunog ang alarm ko. Kaya’t nagmamadali akong bumaba ng hagdan para maghilamos at magsipilyo. Sa eskwela na lang ako mag-aalmusal. Mambuburaot na lang ako sa kaklase ko. Umakyat uli ako para kunin naman ang uniporme ko. Buti na lang naplantsa na ito ni Mama kagabi dahil maaga rin siyang pumasok ngayon sa trabaho.


Dali-dali akong lumabas ng gate at naghanap ng masasakyan. “Bahala na kung ano dumating. Paparahin ko na lang,” sabi ko sa sarili ko. Sakto may dumating na tricycle pinara ko na agad ‘yon kahit alam kong ginto sila kung maningil.


“Saan ka boy?” tanong sa ‘kin.

Sagot ko, “Sa MacArthur National High School po.”


Pagbaba ko ng tricycle simula na pala ang Flag Ceremony. Tumigil muna ako at nilagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib.


Pagtapos ng Lupang Hinirang agad akong nagpasimple para makapasok sa gate ng school ng ‘di napapansin ng guard. Pero nahuli pa rin ako at pinapila.

Nakiusap ako sa guard, “Kuya, baka naman? May project kasi akong ipapasa e. Deadline na nito kaninang 7. Kuya naman oh.” Pero ‘di tumalab ang pagmamakaawa ko. Tambak na kasi mga late slips ko. Ginawa ko na yatang hobby ‘tong pagiging late.


     Sumilip na lang ako sa loob para makita ko kung saan nakapila mga kaklase ko. Nakita ko do’n nakatayo si Carlos. Nakasuot na naman siya ng hoodie niyang kulay maroon. Ang init-init pa naman ng panahon.


‘Di kami masyadong close ni Carlos. Nag-uusap lang kami pag manghihingi ako ng papel. Tahimik din kasi siya e. Saka magkaiba kami ng circle of friends. Doon siya sa nauupo kasama ang mga sikat sa campus. Samatalang kami ay nasa gitna lang ‘di masyadong sikat at ‘di rin naman kami weird. Kumbaga sakto lang.


Unang subject na agad at sa adviser namin natatapat ang aming first period. Sabi niya na maglilipatan daw kami ng upuan. “Bumunot kayo dito ng number. Ang mabubunot niyo ay ang upuang lilipat niya ngayong Second Quarter.”


“Daming pakulo madam ha,” sigaw ko kay Ma’am. Sabay tawanan naman sila sa room.


Bumunot na kami sa mahiwagang fish bowl ni Ma’am. “Bawal magpalitan ng nabunot,” paalala ni Ma’am.


Nabunot ko ang number 29. Kada helera ay may sampung upuan na nahahati sa tiglima.


“Yes, 30! Hindi ako sa harap,” narinig kong sabi ni Carlos sa likod ko.


“Hala, sis. Palit tayo ng number,” bulong sa ‘kin ni Marie. Crush niya kasi si Carlos.


Pero bigla akong kinalibit ni Carlos at nakangising tanong, “Ano number mo Gabriel?”


“Teka, hinay-hinay naman tayo diyan. 0927344-” lokong tugon ko sa sagot niya.


“Sige text kita mamaya,” biro naman niya sa ‘kin.


“Hindi, charot. 29 sa ‘kin,” matinong sagot ko sabay talikod.


“Oh, tabi tayo,” sabi niya na para bang hindi siya sigurado.


Hindi kasi kami masyadong close. Hindi naman halata ‘no dahil sa banat ko sa kanya kanina. Bumabanat naman ako sa lahat at gano’n din naman siya.


“Hala sorry nasabi ko ‘di na tayo makakapagpalit, Marie. Mahina pa si destiny mo, charot,” bulong ko naman kay Marie.


Inirapan naman ako ng babaeng ito saka tumayo. Lumapit naman ako sa kanya at nag-beautiful eyes na siyang ikinadismaya pa niya.


Umupo na kami sa assigned na upuan. Medyo awkward kasi katabi ko si Carlos sa gilid pero okay lang naman may mapag-uusupan naman kami tulad ng ano saka ano. Basta makakahanap din tayo ng topic. Nasa kabilang classroom kasi ‘yung crush kong si Daniel. Alam na alam naman na iyon ng lahat kasi pinagkalat ko. Siguro siya ‘yung nasa panaginip ko. 


Lumipas ang mga araw medyo awkward pa rin kami pero nakakapag-usap na. Laging tanong nang tanong si Marie ano daw ba ang ganap sa crush niya. Ako naman ito kwento ko sa kanya mga laging ginagawa ng crush niya. Lagi siyang natutulog pag Math na ang subject, pinakita niya sa’kin ‘yung pabango niya ‘di ko lang matandaan kung anong tatak Jovan ata, saka nagre-recite siya tuwing Filipino, AP, saka English. Hay nako halos araw-araw yata may report ako sa babaeng ‘to ha.


Isang araw, nagkwento ako sa kanya kasi ang boring lang sa room. “Alam mo bang crush ko si Daniel?” biglaang tanong ko lang habang patago siyang nagse-cellphone.


“Ah oo, alam naman na ng lahat ‘di ba?” bara niya sa ‘kin. Natawa na lang kami bigla sa sinabi niya.


“Nag-uusap kami no’n tungkol sa gitara e,” dagdag niya.


“Weh? Medyo close din pala kayo no’n. ‘Yun lang?” usisa ko pa sa kanya.


“Oo e. Pag magpapaturo siya ng chords lalapit siya sa ‘kin. Ano ba nagustuhan mo do’n? binalik naman niya agad sa ‘kin ang tanong.


“Ano gusto mo ‘yung simplified o ‘yung madrama?” medyo OA na sagot ko sa kanya.  Sabay ulit kaming natawa dahil sa sa pagiging OA ko.


Hanggang sa halos araw-araw na kaming nag-uusap tungkol sa mga subjects, sa buhay ko, sa buhay niya, at sa kung anu-ano pang topic na maisip ko o maisip niya.


“Bakit ngayon ko lang napansin ‘tong lalaking ‘to,” sabi ko sa sarili ko habang nakapangalumbaba sa upuan ko. “”Di hamak na gwapo rin naman siya at matalino,” dagdag ko pa.


“Hoy, ako pa iniisip mo?” sabi niya pagtapos akong kalabitin.


Nagulat ako kaya nahampas ko siya bigla sa mukha.


“Aray naman,” reklamo niya pero mahinahon pa rin siya habang nakangiti sa ‘kin.


“Hala, sorry na Carlos! Patawarin mo ang kapangahasan ko sa iyong mukhang gwapo,” madrama kong tugon at biglang pumasok sa isip ko ‘yung huling katagang sinabi ko. Nadulas ako do’n bakit ko ba sinabing gwapo siya.


“Ganoon ba? Ipatawag ang mga kawal! Isang kalapastanganan sa heneral ang ginawa ng dalagang ito,” sigaw nito na parang isang heneral noong panahon nila Rizal.


“Bitiwan niyo ko! Bitiwan niyo ko! Parang awa niyo na ho Heneral Carlos. Gagawin ko ho ang lahat!” tugon ko naman sa kanya. Aba hindi papatalo sa pag-arte ang ate niyo. Hagalpak naman siya sa tawa at in character pa rin ako bilang isang dalagang nasa panahon ni Rizal. 


“Lakas talaga ng tama natin kahit kailan,” sabi naman niya sabay upo sa upuan sa tabi ko.

“Alam mo ba napapasaya mo ko lagi,” seryosong simula niya.


“Kasi kanina sa bahay ang gulo e. Nagwawala na naman si papa. Kasi nagka-leche-leche daw siya sa trabaho. Kaya iyon umuwi kanina nang lasing,” kwento niya sa ‘kin.

Nakayuko siya habang kinakagat-kagat ang labi at pinipigilang umiyak.


Ako naman ay tinapik-tapik ang likod niya para kahit papaano ay maibsan ang sakit na nararamdaman niya. “Andito lang ako ha. Kaibigan mo na ko ngayon. Ito panyo oh punasan mo na ‘yang uhog mo,”pagdamay ko naman sa kanya sabay hirit ng biro para naman ngumiti siya. Napangiti ko naman siya.


“May uhog ba? Sa gwapo kong ‘to? Iyak tawa tuloy ako.”


“Sino may sabi na gwapo ka ha?” hirit ko naman agad.


“Ikaw, kanina,” sagot naman niya sa ‘kin ng nakangisi.


Napaubo na lang ako at pilit na umiiwas pero sinagi niya ko kaya natawa rin ako.



Napansin kong nakatingin sa may tapat ng bintana sa kabilang gilid si Carlos. Kaya’t sinipat ko kung sino ang tinitgnan niya dahil kadalasan nga sa Math subject ay tulog siya.


Pag tingin ko doon si Marie ay hirap na hirap i-solve ang nakasulat sa board.


Ngiti naman ‘tong si Carlos kaya’t tinanong ko siya, “Bakit ka nakatingin kay Marie? Crush mo siya?”


“SHHH, Hoy ‘wag mo pagkalat ha saka ‘wag na ‘wag mo sabihin sa kanya.”


“Huli ka,” biro ko naman pero sa loob-loob ko ay may kirot dahil medyo nahuhulog na ko sa kanya dahil naging sobrang lapit na namin sa isa’t isa.


“Oo naman secret lang pero kailan pa?” tinaas ko pa ang kamay ko habang sabi. 


“Nung tinanong ko kung ano number mo dati. Dapat siya tatanungin ko e pero nahihiya ako e,” sagot niya sabay kamot sa ulo niya.


“Kaya pala. Baka matunaw sa’yo si Marie ha,” asar ko naman sa kanya. “Asawa ni Marie araw gabi walang panty,” bulong ko pero pinarinig ko talagang sadya kay Carlos.


Sabi niya, “Hoy!” Dahil sa gulat napasigaw siya kaya natawa ko. Napagalitan tuloy siya.


Sumapit ang recess at inusisa na naman ako ni Marie kay Carlos pero ‘di ko binanggit ang parte na tungkol sa crush.


Gano’n lang kabilis at natapos na ang second quarter.


Kunwari ay nag-iiyakan kami ni Carlos at nagdadramahan sa isa’t isa. Pagtapos ay tatawa na naman kami.


Bunutan na naman ang ipapagawa sa ‘min ni Ma’am.


Ang nabunot ko ay 29 pa rin.


“Ano number mo? ‘Wag ‘yung sa sim card ha nasa ‘kin na ‘yon,” tanong niya na may biro sa dulo.


“Ikaw muna,” sagot ko.


“091229- joke. 4 sa ‘kin? 5 ba sa’yo?"


“Oo 5 sa ‘kin, joke. 29 pa rin ako. Ito na ba ang paalam, Ginoo?” tugon ko sa kanya.


Napasimangot naman siya sabay banat, “Bininbini, ikaw ay ang uuwian ko sa pagtapos ng maghapong trabaho.”


“Lakas mo talaga! Penge naman ng hinihithit mo?” hirit ko naman pabalik sa kanya. At kunwari’y may iaabot siya sa’kin.


Nagsalita na si Ma’am hudyat para lumipat na kami. Pero ako parehong upuan din naman siya lang ang lilipat. 


Katabi niya si Marie sa harapan. May kadaldalan din itong si Marie kaya’t madali rin silang nagkalapit ni Carlos.


‘Di na rin kami madalas mag-usap ni Carlos. Dahil naging busy na rin kami lalo’t Grade 10 na.


Sa bawat araw na lumilipas ay mas lalong lumalayo kami sa isa’t isa at siya namang pagiging malapit ng loob nila ni Marie.


Dumaan ang mga sandamakmak na lessons, seatworks, quizzes, projects, at exams.


Ilang buwan din nabalitaan ko na lang kay Marie isang araw na sila na. ‘Di naman na ako nagulat doon dahil araw-araw siya ang laman ng pag-uusap namin sa recess at lunch.


Masaya ba ko sa kanila? Oo, matagal na nilang crush ang isa’t isa. Baka sila naman talaga ang bagay.


Masaya ba ako? Hindi ko alam. 


Sa araw na ito ang aming Moving Up Ceremony. Medyo nahuli ako pero nakahabol pa rin naman. Ayon picture-taking kaming lahat dahil marami sa kanila ang lilipat na sa mga unibersidad.


May naramdaman akong kumalabit sa ‘kin sa likod. Paglingon ko si Carlos iyon. Sabi niya sumunod daw ako kaya sumunod naman ako. Sa kanyang bag ay may kinuha siyang box.


“Ano ‘to regalo?” tanong ko kahit obvious naman kasi ngayon na lang ulit kami nakapag-usap.


“Obvious ba?” bara naman niya sa ‘kin. Napatawa naman kami nang sabay.


Kinuha ko ang box ang nagsalita, “Salamat ha! Ito buksan ko na ha.”


Nakangiti siyang tumango sa ‘kin. Pagbukas ko ng box nakalagay don ang itim na cap at t-shirt. Naikwento ko pala sa kanya ang tungkol sa panaginip na iyon. Napangiti naman siya nang mabuksan ko ang box at nagtanong na


“Nagustuhan mo ba?”


“Ang alin? Charot. Oo naman. Tanda mo pala ‘yung kinwento ko sa ‘yo.”


“Oo naman ikaw pa ba ang lakas mo sa ‘kin,” sabi niya.


“Tandaan mo ikaw ang lalaking nakaitim na cap at t-shirt. Ang sarili mo ang dapat mong una mong mahalin. Unahin mo muna ang sarili mo at bigla-bigla na lang dadating ang love life na ‘yan,” dagdag niya.


“Sabihin mo sa’kin kung may manliligaw na sa princesa ko ha,” sabay akbay sa ‘kin.


“Salamat ha sa pagiging kaibigan sa ‘kin Gabriel,” sabi naman niya sabay pahid ng luha.

“Salamat din Carlos!”


‘Di ako nagkaroon ng lakas ng loob aminin sa kanya ang nararamdaman ko dahil sila na ni Marie. Akala ko siya na ‘yung lalaking nakaitim na cap at t-shirt. Hindi pala. Ako pala. Ano bang joke ‘to? O baka holdaper ‘yung nakaitim na cap at t-shirt. Palusot niya lang ba kasi ‘di niya mababalik ang nararamdaman ko. Pero okay na ko do’n. 


Gaya nga ng kasabihang, “The only thing that is constant is change” ganoon din ang mga taong makakasalamuha natin sa buhay. May mga destination at may stop-over lang. At siguro si Carlos ang stop-over ko. Masaya ako na sa sandaling panahon ay nakilala ko siya. Masaya ako sa second quarter na nakatabi ko siya. Masaya ako sa alaala at kalokohang pinagsaluhan namin. Masaya ako kahit hanggang dito lang ang aming kwento.


PAG KINALABIT KA, TATAKBO O SASAMA KA BA?

Nang may biglaang kumalabit Si Kamatayan ay lumalapit Ang dibdib sumikdo't namilipit Pwede ba manlimos kahit isang saglit ulit Hinahabol...